Isinilang ang Tinig.com walang kalahating taon mula sa pagkakaluklok
ni Gloria Macapagal-Arroyo sa panguluhan ng Pilipinas sa pamamagitan
ng isang pag-aalsang-bayan.
Bagama't may mga panahong pumalya ang Tinig.com sa paglalabas ng
mga isyu, mataman naming nakasubaybay ang patnugutan at pati na ang
karamihan sa mga manunulat nito sa lakad ng pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo
sa loob ng mahigit na ngayon sa apat na taon. Nasa pusisyon ito, kung
gayon, upang magbigay ng hatol hinggil sa krisis na hinaharap ng kasalukuyang
okupante ng Palasyo ng Malacañang.
At ang hatol ng Tinig.com ay hindi na dapat pang tiisin ng bansa
ang isa pang taon sa ilalim ng pamunuan ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang Pangulong naluklok sa kapangyarihan sa pamamagitan ng isang pag-aalsang
sa kalakha'y kontra-katiwalian ay nasangkot sa mahigit sa sampung
iskandalong korupsiyon - magmula sa pagbibigay ng PEACE Bonds sa ilang
panatikong kaalyado niya sa tinaguriang "civil society"
hanggang sa talamak na jueteng, na naging malaki ring isyu
laban sa kanyang hinalinhan, si Joseph Ejercito Estrada.
Sa maagang bahagi pa lamang ng pamamahala ni Gloria Macapagal-Arroyo
sa bansa, ipinakita na niya ang lubos na kawalan ng kahit gabuhok
na pagmamalasakit sa mga dukha, ang nakararaming mamamayan ng bansa.
Habang wala siyang kaimik-imik sa walang-patid na pagtataas ng presyo
ng kuryente, langis, tubig at iba pang pangunahing mga bilihin at
serbisyo, mabilis pa sa alas-kuwatro kung siya'y tumutol kapag nanghihingi
ng dagdag sa sahod ang mga manggagawang ang sinusuweldo'y matagal
nang nalampasan ng halaga ng pamumuhay sa buong bansa.
Ang kanyang malatutang pagsunod sa mga patakaran ng neokolonyalismong
Estados Unidos - magmula sa larangan ng patakarang panlabas hanggang
sa larangan ng kabuhayan - ay makailang kaunti nang magpariwara sa
buhay ng mga Angelo de la Cruz at Robert Tarongoy, at bukod pa'y nagdala
sa bansa sa isang malalang krisis piskal na pinipilit ngayong lutasin
ng pamahalaang ito sa pamamagitan ng pagpapataw ng karagdagang buwis
sa sambayanang walang kinalaman sa krisis na ito.
At ang mga mamamayang nananawagan ng higit na disenteng pamumuhay
at higit na responsableng pamamahala sa bansa, bilang tugon sa ganitong
kahambal-hambal na mga kalagayan, ay binubusalan sa bibig kundi man
tinatamnan ng punlo sa utak at dibdib.
Dumarami ngayon ang mga nananawagan ng pagbibitiw ni Gloria Macapagal-Arroyo
sa tungkulin o sa pagpapatalsik sa kanya, at sa gitna nito'y may ilang
naghehenyu-henyuhan tulad ni Press Secretary Ignacio Bunye na kaylalakas
ng loob na magtanong kung sino pa ang maaaring pumalit sa kasalukuyang
okupante ng Malacañang.
Minsan nang tinugunan ni Conrado de Quiros, kolumnista ng Philippine
Daily Inquirer, ang tanong na ito - sa pamamagitan ng pagsasabing
sa ganitong ginawa ni Gloria Macapagal-Arroyo ay maaari nang ipalit
sa kanya kahit ang hardinero ng Malacañang.
Kami'y mag-iiba ng pananaw sa bagay na ito, sapagkat kung tutuusin,
sa ganitong pinaggagawa ni Gloria Macapagal-Arroyo, kahit ang isang
uod ay maaari nang maging Pangulo ng bansa at tiyak na higit pang
magiging magaling na pinuno kaysa sa kanya.
Ngunit ang pagkabigo nating makapagkamit ng mga pundamental na pagbabago
sa kalakaran ng bansa, matapos ang dalawang pag-aalsang Edsa, ay patunay
na hindi lang ang pagpapalit ng mga mukha sa Malacañang ang
solusyon kundi ang pagbabago sa balangkas ng lipunan.
Lumulutang ngayon ang isang panukalang magtatag, sakaling mapatalsik
nga si Gloria Macapagal-Arroyo, ng isang konsehong babalangkas ng
isang bagong saligang-batas na maaaring magbigay ng daan sa ilang
mahalagang reporma. Nakikita namin ang kawastuhan ng panukalang ito
at kami'y nakahandang makiisa sa anumang pagkilos na magdadala sa
bansa sa katuparan nito.
At makapagkamit man tayo ng mahahalagang pagbabago sa pamamagitan
ng konsehong
ito, kailangang ngayon pa lamang ay handa na tayo sa pagpapatuloy
pa rin ng mga pagsisikap tungo sa pangkalahatang pagbabago, hanggang
sa maging ganap na malaya't makatarungan ang ating lipunan.