baog ang mga alaala.
ipagtalik man
sa hibla ng pag-asa,
mananatiling alaala ang alaala.
kupas na larawang
lumuluha ng dugo,
anong lugod ba ang dulot
sa diwang nalulunod?
sayang lang
ang pitik ng oras.
hindi makahahabol ang pilay
na kahapon sa karipas ng panahon.
huwag nang antabayanan
mangyari't maiiwan lang ng takbo ng orasan,
maaabutan pa ng talim
ng nakaraan.
sadyang mahirap mahulog
sa patibong ng gunita-
pinapaniwala kang
mahapdi ang lumaya.
kaya't sa oras na maulinigan
ang paanyaya ng nakaraan,
sumangguni lang
sa naiwang kasalukuyan.
---------------
Si Joyce ay nasa kaniyang senior year sa Pisay. Hinahasa niya ang kakayahang kumatha ng tula sa tuwing may pagsusulit sa Math. Kadalasa'y wala kasi siyang maisulat na sagot kaya't sumusulat na lamang ng tula sa pag-iisip na baka mabigyan ng partial points para dito.