marahan ang pagyuko ng mga puno
na sinisilungan ng paslit na hapo
unti-unti niyang ipinahinga
ang kanyang patpatin at marungis na katawan
habang ipinagkakasya ito
sa nakalatag
na karton
dahan-dahan ang paghaplos ng hangin
sa ginagalis niyang balat
walang-sawa ang pagngiti ng mga bituin
sa walang-muwang niyang mukha
idinuduyan-duyan siya ng katahimikan
hanggang ang kanyang malay ay lumutang-lutang
ang mga ulap--siya'y kinumutan
at sa paghimbing niya'y humalik ang buwan.