TULA
Huwag Hayaang Tayo'y Gawing Hayop

I
Ano nga ba ang maging isang tao?
Ito'y dili iba,
kundi
ang maging isa sa mga talulot ng isang bulaklak
ang maging isa sa mga halaman sa isang hardin
ang maging isa sa mga puno sa isang gubat.

Bawat talulot na mapigtas ay kabawasan sa bulaklak,
at sa kapwa talulot pagkat sila'y bahagi ng bulaklak.
Bawat halamang mabunot ay kabawasan sa hardin,
at sa kapwa halaman pagkat sila'y bahagi ng hardin.
Bawat punong mabuwal ay kabawasan sa gubat,
at sa kapwa puno pagkat sila'y bahagi ng gubat.

Bawat taong lamunin ng libingan
ay isang pirasong kabawasan
sa hininga ng bawat isa sa atin,
sapagkat ako
ikaw
siya
sila
tayo, lahat tayo,
ay ang sangkatauhan.

II
Ay, gaano pa kaya ang laki ng kabawasan
kung ang mga buhay na sinakmal ng dilim
ay mga buhay na inilaan,
inilaan upang lahat ng kapwa tao
ay mabuhay bilang tao?

III
At magkukunwari bang tayo'y nasa langit
habang itinutulak tayo ng mga diyus-diyosan
patungo sa bunganga ng impiyerno?

Pinapatay nila tayong tila mga hayop,
pagkat ayaw nilang tayo'y mabuhay bilang tao
ayaw nilang igiit natin ang karapatang maging tao,
pagkat ibig nilang tayo'y maging tulad ng mga hayop.

Ano't hindi magbabangon?
Ano't hindi magbabangon?

Langgam lang ang walang-imik na magpapadurog
ng kanyang hininga sa isang paa.
Baboy lamang ang walang-palag na magpapakatay.

Mga langgam at baboy lamang ang magsisitunganga
habang hinihiklas ang hininga ng kanilang mga kapwa.

Tayo'y mga tao,
tayo'y pinagbabawalang maging tao --
ano't hindi magpapakatao?


---------------

Karapatang-ari © 2001-2005 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan