TINIG
Aham Bhramasmi

Kuruksan! Kuruksan! Hangin, puluputan mo ako ng iyong maligamgam na dampi. Umihip ka at pawiin ang sa puso ko'y namumuong pighati. Kurukutok… kuru-kutok, kailangan ko ng musika, mga ibon 'sang himig naman diyan at saluhan ang aking kaibigang hangin upang ako'y makahulagpos sa maaalab na palad ng mingaw. Napapaso ako't napapapalahaw sa yapos niyang sa akin ay bumabalot.

Biglang napabalikwas sa katreng kinahihigdan at ako'y tila may bagwis na nakarating sa parang mula sa aming tahanang walang bahid ng kainosentihan (sa isang "syu-dead"). Pagkat dumalaw sa panaginip ko si Bonifacio na nilablabhan ang ating bandilang putikan.

Lila na ang kulay ng papawirin at ang mga ulap ay tila mga bato-balaning humigop ng mga nanluluray kong hinagpis. Sa malayo, ang araw sa aking balintataw, mukhang pakukuluin na naman ang dagat na nagpapatuyo ng sugat. Malapit nang dumampi ang mga labi ng dilim sa lupa at ako'y nalulukuban ng pangamba, nangangatog sa sarili kong sarili at sa mga panganib sa lahat ng tabi. Kuruksan! kuruksan… kurukutok, kuru-kutok, magparamdam, magpaaninag naman kayo! Ako'y inyong tulungan upang tahiin ang gasak-gasak kong kamalayan.

Ang aking mga tugang, tangan-tangan sa nangangaligkig na kamay ang mga gatilyo't talim na bumubutas, pumupunit ng hininga… nag-uumangan. Haaay… puti, dilaw, kayumanggi, mulatto, albino, itim; lahat tayo'y anak lang ng iisang Ama. Tayong lahat ay magkakapatid na sa kalungkutan ay nais kumawala. Ang mundong ating kinatitirikan sa kasalukuyan ay isang dambuhalang manikomyo. Hanggang kailan na lamang ba tayo maglalagi dito sa karsel ng mga may sariling mundo?

Paumanhin… mapuputol po muna nang ilang saglit ang inyong pagbabasa nitong piyesa (sayutay: sanaysay + tayutay) dahil kailangang ipasok ang isang napakahalagang balita…

Ayon sa siyentipikong pag-aaaral, natuklasan na 98% ng atoms sa katawan ng tao ay napapalitan kada taon. Ang prosesong ito ay tinatawag na "metabolism." Mayroon tayong bagong balat kada buwan at bagong atay tuwing apat na linggo. Ang linya sa ating tiyan ay tumatagal lamang ng limang araw bago mapalitan. Ang ating mga buto na akala nating matigas at matibay ay dumaraan din sa pagbabago. Ang mga butong taglay natin ngayon ay iba sa mga butong taglay natin noong nakaraang taon. Ang konklusyon ng mga eksperto sa ganitong aspekto ng pananaliksik ay mayroon tayong halos 100% na pagpalit ng atoms sa katawan… sabihin na nating tuwing pitong taon. Sa madaling salita, walang kahit isang atom na nasa katawan natin ngayon ang naroroon sa katawan natin noong nakalipas na pitong taon.

Tagapamahayag#1: Wow! Ang bigat nun ah! Di ang ibig sabihin ng balita ay nagbabago ang katawan natin tuwing pitong taon. Pero, iniisip ko kung paulit-ulit na dumaan sa pagbabago ang katawan ko mula noong 1982, ang ibig sabihin ay… hindi ako ang katawan. Kasi nagpapalit-palit na ako ng katawan, ako'y dumaan na sa samut-saring katawan mula babyhood, boyhood, adulthood at sa susunod ay ang katotohanang lahat tayo ay tatanda… tsk tsk tsk, old-age, you are really a reality.

Tagapamahayag#2: Oo nga ano! At malamang hindi rin tayo ang isip. Hindi ba Mareng Cez, napakahirap kontrolin ng isip? Iyon nga lang na pag may kagalit ka, madalas ayaw mo na s'yang isipin pero s'ya'y naiisip mo pa rin. Ibig sabihin may kumokontrol at nagkokontrol ng isip. Hiwalay tayo sa ating katawan at isip.

Tagapamahayag#1: Alam mo pare, kung sakaling hindi tayo ang katawan at isip ay aba… mukhang magandang solusyon yan ah… sa matinding problemang kinakaharap ng bansa natin sa kasalukuyan, tulad ng 'di matapos-tapos na digmaan. Tsk tsk tsk. 'Ika nga ng nabasa kong pahayag, "party spirit is the greatest enemy of mankind." Ibig sabihin kung maiintindihan nating lahat na hindi tayo matter kundi spirit in essence ay makikita natin na tayong lahat ay magkakapatid anumang kulay ng ating balat at estadong kinalalagyan sa lipunan. May kapayapaan na sa pagitan ng Muslim at Kristiyano. May katiwasayan sa isip at puso ng mahirap at mayaman… hindi ba pareng Kelly?

Tagapamahayag#2: Sang-ayon ako d'yan mare… kasi nga kung matter tayo bakit hindi tayo nagiging masaya through material things 'di ba? Kung naging masaya man, panandalian lang. Sana'y may napulot na aral ang ating mga tagabasa ano Mareng Cez? By the meantime, pasensya po ulit sa antala… balik na po tayo sa Tinig.

Ako'y tatanguyngoy na lang ba sa gitna ng sigwa at aasnan ng luha ang kakalangawing rehas at tila buwan ang ngiting iisiping may silahis pang naghihintay dito sa mundo na isang dambuhalang ospital ng mga baliw. Hiiindi!!! Hindi ako papayag. Huhulagpos ako sa mga lubid na itinali sa akin ng isip at panaginip. Ayokong lubayan ako ng aking hiningang hindi ko pa nakikita ang aking mga kapatid bilang sila; hindi bilang kulay ng damit at balat. Hindi ako nakasandig sa metamorphosis nitong katawan. At isip, hindi ikaw ako. Hinahamon kita sa isang digmaan: 'eto ang tunay na barilan at saksakan, hindi ang nagaganap na pagpapapula ng lupa sa Basilan.

Sa munti kong mga daliri at palad, gagawin ko sa aking kakayahan na labhan at kulahin ang mga bandila ng mundo. At alam kong kailangan ko munang ibabad sa alkohol at klorox ang aking nanlilimahid na kamalayan, katauhang nalublob sa 'di mabilang na panahon sa putikan. Ikikintal, imamapa ko na nang tuwi-tuwina sa isip na…

Ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang kaluluwang nakakulong sa katawan

(Pasintabi kay Alejandro G. Abadilla)

*Aham Bhramasmi- I am spirit soul (Sanskrit)
*Mingaw- marubdob na kalungkutan (Hiligaynon)
*Manikomyo- ospital ng mga baliw (Espanyol)

Namaste

---------------
Si Frederick Lim, 24, ay laking Maynila ngunit siya'y nakatira na ngayon sa Tabaco, Albay. Pangarap niyang makasulat ng mga kwento at tula na magpapakita, magpaparamdam ng kayamanan ng lupa. Dalawang taon na rin siyang nagsusulat.

Karapatang-ari © 2001-2005 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan