Tila taglagas ngayon para sa partidong inaasahang magpapasibol ng
bagong pulitika sa bansa.
Sunud-sunod ang mga kaso ng pagpatay sa mga lider at kasapi ng makakaliwang
grupong party-list at mga kaalyado nitong grupo.
Kamakailan, habang naghahanda sila para sa isang pagtitipon sa UP
ng mga aktibista upang iprotesta ang mga pagpatay at tatalakayin ang
umano'y lumalalang paglabag sa kanilang mga karapatang pantao, bigla
namang pumutok ang balita ng pagpatay sa isa na namang nilang kapanalig.
Binaril at napatay habang nagpapahinga sa kanyang tahanan sa Angeles
City noong Marso 17 si Victor Concepcion, 68, pangkalahatang kalihim
ng Aguman Deng Maglalautang Deng Capampangan na kaalyado rin ng Bayan
Muna. Siya na ang ikalima sa mga napatay sa linggong iyon, ayon sa
tanggapan ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño. Apat na mataas na
opisyal naman daw ng kanilang partido ang pinatay o nananating nawawala
mula pa noong sinundang linggo.
Isang organizer ng Anakpawis sa bayan ng Jose Panganiban sa Camarines
Norte, si Joel Reyes, ang binaril at napatay noong Marso 16. Bago
iyon, noong Marso 10 si Ernesto Bang, Public Information Officer ng
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang itinumba sa may hagdanan ng
kanyang bahay sa Brgy. Malangkaw Basud, Labo Camarines Norte. Mga
elemento ng 31st Infantry Battalion ng Southern Luzon Command ng Philippine
Army raw ang pinaghhinalaang salarin ng mga kasamahan ng mga biktima.
Hinihingi ng mga aktibista sa pamahalaan na aksyunan ang dumadalas
na pagpatay sa kanilang mga kasamahan. Sa isang privilege speech,
hinikayat din ni Casiño ang Pangulo at ang pamunuan ng pulisya
at hukbong sandatahan na atasan ang kanilang mga tauhan na igalang
ang karapatan ng mga kasapi ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela at
iba pang aktibistang organisasyon.
Nagiging target ng mga pagpatay ang mga lider at kasapi ng Bayan
Muna at mga kaalyado nitong grupo dahil sa akusasyon ng ilang opisyal
ng gobyerno na ang mga grupong ito ay front organizations ng Communist
Party of the Philippines-National Democratic Front.
Itinatag noong 1999, nakiisa at nanguna ang Bayan Muna sa mga lumipas
na party-list elections. Layunin nitong madala sa Kongreso ang pakikibaka
ng mga organisasyong masang kumakatawan sa iba't ibang sektor tulad
ng mga manggagawa't magsasaka, kababaihan, kabataan at propesyunal,
mga katutubo, at iba pa. Ang pangalan at prinsipyo ng partido ay isa
-Bayan Muna! Ibinabandila nito ang tunay na bagong pulitika sa bansa.
Dating lider ng mga rebelde ang pangulo ng partido, si Rep. Satur
Ocampo. Mula sa gubat at mga lansangan, ang kanyang pagsalunga sa
kaayusan ay dinala niya sa ligal na sistema.
Paulit-ulit nang hinikayat ng gobyerno--lalo na ng Pangulo--ang mga
rebelde na isuko ang armadong pakikibaka. Tutal daw, may demokrasya
na ngayon. Pero bakit tila bulag, pipi't bingi ito sa kasalukuyang
kalagayan?