Ako ay isang instructor ng social science sa kolehiyo dito sa Balanga, Bataan. Minsan sa aking pagtuturo, mayroon akong isang estudyante na madalas lumiban sa aking klase. Nang magbigay ako ng midterm examination, absent siya. Kaya nang pumasok siya nang sumunod na araw, ipinaliwanag niya sa akin ang dahilan kung bakit madalas siyang absent sa klase.
Ewan ko kung ano ang naramdaman ko nang araw na iyon. Bente anyos siya. Nabuntis niya ang kanyang girlfriend na 16 anyos, at dahil ayaw sa kanya ng mga magulang nung babae, napilitan silang ipalaglag ang bata. Shocked ako! Ganito na ba talaga ang ating mga kabataan ngayon? Ewan ko. Hindi kasi ako makapaniwala na ang isang taong ganito kabata ay magdedesisyon kaagad na pumatay ng bata. Itinanong ko nga sa kanya kung hindi siya nakukonsyensya sa kanyang ginawa. Sabi niya, dalawang buwan pa lang naman daw iyong nasa tiyan ng girlfriend niya.
Alam ko na maraming kabataan ang gumagawa ng premarital sex. Pero hindi ko alam na malala na rin pala ang abortion.
Sabi niya, kasi iyong mga kabarkada niya 'pag nakakabuntis duon din nila dinadala iyong mga girlfriends nila. At saka magugulat ka sa kanya: sabi nya 'pag ome month delay na raw ang girlfriend niya ay pinaiinom na niya agad ng gamut kaya sanay na sila. Ako, apat ang naging anak ko: pito, anim, apat, at tatlo ang mga edad. Ni sa hinagap hindi pumasok sa isip ko ang abortion. Para sa akin, a new life is a gift from God.
Minsan naiisip ko, sino ba ang may pagkakamali? Bakit nagkakaganito ang ating mga kabataan? Mahirap isisi sa pamahalaan ang lahat ng masasamang bagay na nangyayari sa atin.
Puwede sa simbahan--siguro masyado silang nagseryoso sa pulitika at pakikialam dito at nakalimutan na nila ang kanilang pangunahing gawain-ang gabayan ang mga tao sa morality at spirituality.
Ang paaralan ba na naging abala sa pagbebenta ng tocino at longganisa at kinalumutan na ang pag-iisip ng paraan kung paano mapapaunlad ang utak ng kabataan? Nagtuturo pa ba ng tamang asal at gawi ang paaralan o nakasentro na lamang ito sa numero, teknolohiya at pagsasalita ng Igles?
Sa mga magulang ba na nag-isip ng kabutihan para sa anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng lahat na materyal na pangangailangan ng mga ito at nakalimutan na ang pangunahing papel nila sa buhay: ang ituro ang tamang daan na dapat lakaran upang hindi maligaw ng landas?
Kasalanan rin ba ito ng media na sa halip na magbigay ng impormasyon ay nagtuturo ng maling values sa mga bata sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga panooring sobra sa sex and violence?
Kasalanan ko rin ba ito? Dahil bilang guro, dapat ako ang nagtuturo ng kagandahang asal sa kanila. O masyado kasi akong naging reklamador sa lahat ng bagay: reklamo sa pagtaas ng presyo ng langis; reklamo sa hindi pagtaas ng aking sahod; reklamo sa pagtaas ng pamasahe; reklamo, reklamo at reklamo. At sa karereklamo ay hindi kaya naging bulag na ako sa mga nakapaligid sa akin na nangangailangan ng aking kaunting panahon?
Natatakot ako sa aking mga anak, paano kung sa kanila mangyari ito. Makakaya ko kaya? Kami ng aking asawa ay parehong guro at kung minsan sa sobrang dami ng trabaho ay gabi na umuuwi, pagod at hindi na maasikaso ang aming mga anak. Kapag Sabado, pareho kaming nag-aaral, at ang Linggo ay nakatuon sa paglilinis ng bahay. Minsan ang simpleng pangungulit nila ay sinasagot naming ng sigaw at palo.
Pero ngayon, nag-iisip ako nang malalim: 'di bale nang 'di maging doktor o lumaki ng husto ang suweldo. Ang mahalaga mapalaki ko sila na may pagpapahalaga sa kanilang mga sarili at pagmamahal sa kanilang kapwa. Sana magawa ko ito. Ayokong ang isa sa mga anak ko naman ang magkukuwento sa kanyang guro ukol sa abortion na kanyang ginawa. Kapag nagkataon, 'di ko mapapatawad ang aking sarili at hindi siguro ako haharap sa Diyos kahit ako ay napatawad na niya.