Iniaalay natin ang isyung ito ng Tinig.com sa mga kababaihan bilang
pakikiisa sa pagdiriwang ng International Women's Month.
Sa kabila ng malungkot na kalagayan ng mga kababaihan, marami sa
kanila ang patuloy na nagsusumikap at lumalaban upang makamtan ang
kanilang paglaya at ang magandang bukas para sa ating lahat. And'yan
lang, and'yan lang silang mga anak ni Gabriela:
mula sa masisipag na guro sa mga paaralan, mga matapat at masikap
na kawani ng pamahalaan, mga madasalin at mapagkalingang alagad ng
simbahan, mga matatapang na aktibista sa lansangan.
Ngunit kadalasan, ang kanilang pagtahak sa daan ng katuwiran ay 'di
nasusuklian ng kabutihan--katulad na lamang ng nangyari noon kay Acsa
Ramirez, na sa halip na parangalan sa matapang na pagbubunyag ng katiwalian,
ay naidawit pa sa kaso. May katagalan pa ang ipinaghintay ni Acsa
bago humingi ng paumanhin ang Pangulo na nagkamaling isabit siya sa
kontrobersiyang siya ang nagbisto. Isa namang bise mayor sa Mindoro,
si Juvy Magsino, abogadong nagsusulong ng mga karapatang pantao, ang
ginantimpalaan ng kamatayan.
Kamakailan lang, isang matapang na babaeng peryodista, si Marlene
Esperat, ang pinatay sa Tacurong City. Ang kanyang pagpanaw ay
bahagi ng sunud-sunod na pagpatay sa mga mamamahayag at aktibista.
Sinimulan natin ang isyung ito sa pamamagitan ng isang katanungang
ipinupukol ni Maila Ager: Sa kabila
ng marami pa ring mga kaso ng karahasan laban sa mga Pilipina sa loob
at labas ng ating bansa, may dapat nga bang ipagdiwang tuwing Marso?
Ano sa palagay ninyo? Maaari nating ituloy ang talakayan ng usaping
ito sa Tinig.com Forums.
Samantala, simula ngayong Marso, isa na namang binibining kolumnista
ng Tinig.com ang ating mababasa, si Myla
Torres. Dahil mas asteeg pa siya kaysa kay Darna,
inanyayahan ko siyang magsulat ng regular na kolum at at tumulong
sa pag-aayos ng mga kontribusyong tumatalakay sa mga isyung pangkababaihan.
Siya rin ang hahawak sa mga ilan pang dagdag na seksyon ng Tinig.com,
gaya ng film and book review, na matutunghayan ninyo sa mga susunod
nating isyu.
Sana'y maibigan ninyo ang isyung ito.
Hanggang sa susunod.

EDERIC P. EDER
Patnugot