Nagkakilala tayo sa Peyups.com.
Hindi ko alam kung bakit, pero biglaan ang pagkatuwa ko sa karakter
mo sa net at napansin kong ganoon ka rin sa 'kin. Pinadalhan kita ng
PM noong natuklasan kong kakilala ka pala ng kuya ko. Hanep di ba,
ikaw pa ang nagsabi sa 'kin na kaarawan mo rin pala noong araw na iyon.
Araw na una kong binulabog ang buhay mo. Ilang buwan ng pangungulit,
pagpo-post, at kung anu-anong kalokohan sa Peyups.com ang naganap
bago pa tayo magkakilala sa personal. Marami akong nakikilala sa Internet
at sa Peyups.com, marami na rin silang nakilala ko sa personal pero
pare, iba ka talaga.
Nagkausap muna tayo sa telepono. Aba, unang pagkakataon pa lang ay
parang ilang taon na tayong magkakilala. Magka-wave length nga kung
tatawagin. Kung anu-anong kawirduhan ang mga pinagsasabi mo, kaya
sinabayan din kita at nagkasundo tayo. Ipinakilala ko rin sa 'yo ang
dalawang imaginary friends ko, nakuwento mo na rin ang pagiging kunwaring
scuba diver mo noong home alone ka nung bata ka pa. Napag-usapan din
natin ang tungkol sa mga panaginip, pusa, schizophrenia, hayskul layp,
pelikula, Beatles, musika, superheroes, at milyong mga kabalbalan.
Alam ko Mahal na Araw pa noon. Hindi ako nainip kausap ka. Gusto na
kitang makita agad noon para mas makilala. Pero alam kong parang hindi
na kailangan dahil para talagang nakilala na kita sa nakaraan, at
alam ko ring hindi ako inlab sa 'yo no'n.
Nagkasalubong tayo sa may FC at nalampasan na ang isa't isa, tapos
sabay pa tayong lumingon para siguraduhin kung ikaw nga si *toot*
at ako naman si xeean. Nilapitan kita at nakipagkilala sa'yo. Mabilis
lang iyon dahil may kailangan ka lang iabot sa 'kin at mag-e-enrol
yata ako noon para sa summer classes.
Gusto ko nang i-fast forward ang lahat.
Alam ko milyon nang mga gunita ang rumaragasa sa utak ko tuwing aalalahanin
ko ang mga pinagsamahan natin. Kahit pa isang taon pa lang iyon. Ganoon
na lamang ang paglalapit ng loob natin. Labasan ng angas sa buhay.
Labasan ng mga korning dyoks. Labasan ng mga wirdong bagay na nahuhugot
natin mula sa mga sulok ng utak. Lahat na yata kaya kong sabihin sa'yo,
pati pag-utot ko alam mo. Umiyak pa nga ako sa'yo noong nag-break
kami ng boyfriend ko di ba? Umiyak nga ba ako no'n? Sabi ko sa 'yo e,
kaya kong burahin ang mga detalye ng bad memories sa utak ko. (Tapos
saykik pa ako. Ano pang hahanapin mo?)
Basta habang nagpatuloy ang pagsasama natin mula noong bakasyon,
mula sa mga post sa Peyups, usap sa telepono hanggang sa mga inuman,
pagyoyosi kahit ayaw natin, pagkain ng mga cravings, panonood ng kung
anu-ano, paglalakad kung saan tayo dalhin ng mga paa natin, pagtulog
sa ilalim ng buwan, at milyon pang mga gunitang hindi ko lilimutin
hindi ko malaman kung para ba kitang kuya, kapatid na bata, tatay,
lolo, kumpare, boyfriend, o ano. Hindi ko masabi na inlab ako sa 'yo.
Hindi ko rin masabi kung paano nangyaring bespren na ang turing ko
agad sa 'yo. Dabest ka talaga e.
Alam kong mahal mo ako at mahal din kita.
Hindi ko lang alam 'yun, kundi nadadama ko at nakikita ko sa mata at
ngiti mo. Alam ko ring nauunawaan mo ang mga sinabi ko noong huli
tayong nag-usap tungkol sa 'tin. Nagugulat din ako sa mga nangyayari.
Ngunit sa kabila ng paminsan-minsan kong pagkagulat ay naririnig kitang
kumakanta nang mahina sa tenga ko, "Huwag kang matakot, 'di kita
pababayaan kailanman
"tapos sabay na tayong kakanta ng "Huwag
kang matakot na matulog mag-isa, kasama mo naman ako oh
"
Hindi puwedeng lumampas ang isang araw na hindi mo ako napapangiti.
Maski lumitaw pa nga lang ang mukha mo sa isip ko, nangingiti na ako
e. Pero bakit ganun? Hindi ko na talaga trip ang mushy ngayon. Yun
lang siguro ang pumipigil sa'kin. Hindi ko trip ang relasyon ngayon.
Yun bang opisyal na "tayo na" anuman-ang-mangyari-gumunaw-man-ang-mundo
na tipong relasyon?
Siguro nga sariwa pa ang mga sugat natin mula sa mga nakaraang relasyon.
Pero hindi ko rin masasabing iiwanan kita dahil lang sa mga kaartehang
'to (o kung ano man ang tawag dito). Sabihin mo nang iniisip ko lang
sarili ko, pero alam mong iniisip din kita. Kaya hindi ko muna gustong
dalhin tayo sa mas mataas na lebel kasi ayokong saktan ka. Wala akong
balak, pero natatakot akong masaktan kita.
Wala na akong gustong isiping 'lebel-lebel'-pauso lang 'nila' yun.
Kung ano ang mayroon tayo ngayon, napakasaya ko na. Sabi mo rin di ba,
masaya ka tulad ko. Yun naman ang mahalaga di ba? Tulad ng sabi mo,
walang magbabago at hindi natin hahayaang masira ang kahit ano. Kung
may magbago man, iyon ay sa ikabubuti ng pagkakaibigang ito.
Gusto kong malaman mo na nagdala ka rin ng liwanag sa isang madilim
na bahagi ng buhay ko.
Kung anumang bahagi iyon-hindi ko matukoy. Minsan naiisip ko, sana
mas maaga tayong nagkakilala. Sana kababata kita. Pero huwag na, mas
ayos 'to. Alam kong mahaba pa ang pagsasamahan natin. Alam kong hindi
mo ako iiwan at ganoon rin ako sa'yo. Salamat sa pagiging ikaw. Salamat
sa pagtanggap sa'kin nang buong-buo. Walang pagpapanggap o kahit anong
kaartehan sa buhay. Simple lang naman ang buhay diba? Dahil kapag
magkasama tayo, dama ko na malaya tayong dalawa.
Marami pa sana akong gustong ibahagi tungkol sa mga pinagsamahan
natin kaso nangangawit na ako kakatayp dito.
Halimaw, hawakan mo na ang kamay ko. Lilipad na tayo. Oo nga pala,
Hawaryu?
Tayo na lang ang nakakaalam kung anong ibig sabihin ng linyang yan.
Astig. Ayus. Apir!
Nagmamahal,
Kendigerl
---------------
*Para sa'yo, ang bespren ko doon, dito, kahit saan.