Ang ika-18 ng Marso 2005 ay ika-37 na taon mula nang maganap ang Jabidah Massacre noong 1968. Dalawampu’t-walong kabataang Moro ang walang awang pinagpapaslang ng mga militar habang sila’y nagsasanay sa isang covert operation na inisponsor ng rehimeng Marcos at JUSMAG ( Joint United States Military Advisory Group) sa Corregidor Island upang ipadala sa Sabah, Malaysia.
Ang Jabidah Massacre ay isa lamang sa mga madugong pangyayari sa kasaysayan ng Bangsamoro na binatbat ng terorismo ng estado. Lalong tumitindi ang paghihirap at karahasan sa mamamayang Moro sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Pagpasok pa lamang ng Pebrero ngayong taon ay hinambalos ng todo-todong militarisasyon, masaker at karahasan ang libo-libong sibilyan sa Sulu. Minasaker ang pamilya Padiwan ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Maimbong, Sulu na nagresulta sa pagkamatay ng limang inosenteng sibilyan at pagkasugat ng isang pitong taong gulang na bata. Sa ngayon ay umaabot na ng mahigit 50,000 ang mga nagsilikas na mga sibilyan dahil sa patuloy na operasyong militar sa mga lehitimong kampo ng Moro National Liberation Front (MNLF). Upang bigyang katwiran ang pamumulbos ng AFP sa mga komunidad ng MNLF, pilit nitong pinag-uugnay ang lahat ng mga taga-Sulu (sibilyan man o MNLF) sa anumang mga teroristang grupo gaya ng Abu Sayyaf Group (ASG), grupong teroristang AFP at Central Intelligence Agency (CIA) rin ang nagbuo.
Noong Marso 15, may 23 detainees sa Camp Bagong Diwa ang minasaker ng Philippine National Police (PNP) sa utos ng anti-terrorism czar na si Gen. Angelo Reyes at Presidente Arroyo bilang tugon sa jailbreak na ginawa ng Abu Sayyaf sa pamumuno ni Kosovo noong Marso 14. Ngunit 10 lamang sa kanila ang kinilalang ASG na sumama kay Kosovo. Lagpas sa kalahati ang mga inosenteng detainees ang binaril; karamihan sa kanila ay mga pinaghinalaang ASG supporters na naging biktima ng military crackdown sa Basilan noong 2001.
Ang Mindanao, partikular na ang Central Mindanao, ay taun-taong hinahagupit ng all-out war at terorismo ng pasistang pamahalaan sa diumano’y “war on terror” na pakana ng Imperyalistang Amerika. Daan-daang libo ang nawalan ng bahay at kabuhayan na mas lalong nagtataboy sa mga Bangsamoro sa kanilang lupang pamana. Hindi nakakapagtaka ang layuning ito ng pamahalaan sapagkat ang Mindanao ay Malaking isla na nagtataglay ng potensiyal na yamang-likas gaya ng mineral at natural gas. Iniimbakan ng iba’t-ibang ayuda ng malalaking bansa para sa mga infrastracture development ang mga komunidad ng Bangsamoro upang tuluyang sakupin ang kaisipan at lupain ng mga ito. Ang mga proyektong inilalako ng mga dayuhang ito, kapalit ng buong pusong pagtanggap sa kanilang panghihimasok sa Mindanao.
Nakatakdang magdaos ng Balikatan exercise sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao at target na lugar din ng ehersisyong ito ang maraming lugar sa buong Pilipinas. Layunin daw ng Amerika na tayo ay tulungan subalit ang totoo’y pinalala lamang nito ang kaguluhan at pinagwawatak-watak ang pagkakaisa ng mamamayan. Sa pamamagitan ng mga Balikatan, dinidirehe ng gubyernong US ang mga pananalakay at karahasan ng militar sa mamamayang Bangsamoro gayon din sa kalakhang bilang ng mamamayang Pilipino!
Samantala, todo-largang itinutulak ni GMA ang anti-terrorism bill na maisabatas. Ang nakakabagabag sa panukalang ito, hindi malinaw ang batayan kung sino ang maituturing na mga terorista. Kahit ang mga militanteng grupong, mula sa hanay ng magsasaka at manggagawa na aktibong tumutuligsa at kritikal sa pamahalaan ay binansagang terorista. Hindi rin maikakailang ang pagtingin ng pamahalaan sa mga Bangsamoro ay nakakulong sa dalawang malisyoso at negatibong pananaw--una, mga terorista at ikalawa taga suporta ng mga terorista.
Pilit man ibaon sa kasaysayan ang karahasan ng estado sa mamamayang Moro, patuloy pa rin ang pakikibaka ng Bangsamoro sa paggiit at paniningil upang makamit ang katarungan, pakikibaka para sa tunay na demokrasya na may katarungan at walang diskriminasyon mula sa lipunan at sa estado.
Kristiyano at Muslim ng Mindanao, sama-samanating ipaglaban:
Katarungan para sa mga biktima ng Jabidah Massacre!
Katarungan para sa lahat ng biktima ng all-out war!
Ipaglaban ang karapatan sa sariling pagpapasya ng Bangsamoro!
-Suara Bangsamoro- Liga ng Kabataang Moro-
-Bagong Alyansang Makabayan-
Cotabato City and Maguindanao