Marami tayong minanang problema mula sa gobyerno nina Tita Cory, Tito
Eddie, Pareng Erap at ngayon ni Ate Glo. Dapat sisihin ang mga
ipinatupad nilang programa kung bakit patuloy na nagdarahop ang
sambayanan.
Subalit, maliban kay Gloria, bayani pa rin ang turing ng marami sa
kanila. Si Cory raw ang nagbalik ng demokrasya sa bansa. Si Ramos ang
nagpaunlad ng ekonomiya. At si Erap ang nagbigay ng pag-asa sa
mahihirap.
Kung nananatiling naghihikahos ang bayan, dapat daw sisihin si Marcos
dahil siya ang may kasalanan sa halos lahat ng ating mga suliranin mula sa
pangingibabaw ng militar, korupsiyon, pagkasira ng kalikasan at
hanggang sa kawalan ng pagkakaisa ng mga Pilipino.
Bago umupo sa Malakanyang si Marcos, pangalawa raw ang Pilipinas sa
pinakamayamang bansa sa Asya.
At pagkatapos ng EDSA 1986 ay sinikap ibalik ang kaayusan sa pulitika
ng bansa na nanaig mula 1946-1965. Ibig sabihin, bawiin ang
pangingibabaw ng mga crony ni Marcos sa pagkubkob sa yaman ng lipunan
at ibigay ulit ito sa mga lumang burgesya at panginoong maylupa: sa
mga Ayala, Cojuangco, Lopez, etc.
Sa tuwing nagkakaroon ng krisis sa bansa, sadyang binabalikan at
tinutumbok ang mga kasalanan ni Marcos upang pagtakpan ang mga hungkag
na pulisiya ng gobyerno pagkatapos ng 1986.
Dapat lang tukuyin ang mga pagkakamali ni Marcos at ng kanyang
pamilya. Totoo namang minumulto pa rin tayo ng mga pagkakamali noong
Batas Militar. Pero dapat ugatin ang problema ng Pilipinas hindi
lamang sa panunungkulan ni Marcos kundi mula nang ipinagkalood sa atin
ang huwad na kalayaan ng mga Amerikano noong 1946.
Pinagtawanan natin ang talumpati ni Marcos -- 'This nation can be great
again' -- nang bumulusok ang kalidad ng pamumuhay sa bansa. Pero
pinabilib niya ang mga tao noong una niya itong binigkas. Ibig sabihin
may pag-amin na hindi mabuti ang kalagayan ng Pilipinas noong 1965.
Minana rin ni Marcos ang isang lipunang iilan ang mayaman at halos
lahat ay mahirap. Sa katunayan, ang New Society niya ay 'di lamang
isang rebolusyon laban daw sa komunismo kundi pati sa masamang
impluwensiya ng mga oligarkiya sa lipunan.
Hindi paraiso ang Pilipinas noong dekada singkuwenta at sisenta.
Pinagdududahan ko kung tayo nga ang pinakamayaman sa Asya noon kasunod
ng bansang Hapon. Ang tinutukoy nilang panahon kung saan mayaman daw
ang Pilipinas ay panahon din na lumakas ang mga Huk sa bansa. May
pag-aalsa ang mahihirap laban sa kawalan ng hustisya at
pagkapantay-pantay.
Puwedeng balikan ang mga nobela't pelikulang lumabas noon upang masuri
natin ang damdamin ng bayan. Noong freshman ako sa kolehiyo ay nabasa
ko ang Kuwentong Kutsero ni Epifanio Matute at dito sinalamin ang
buhay ng mga karaniwang tao noong panahon na tayo raw ang
pinakamayaman sa Asya. Laganap ang krimen, trapik, pangongotong,
pag-aabuso ng mga opisyal at kahirapan sa pangkalahatan.
Napanood ko minsan sa Channel 4 (NBN) ang interbyu sa isang beterano
na umalis daw ng bansa kasama ang kanyang pamilya noong huling bahagi
ng dekada singkuwenta nang makita niyang wala nang pag-asang yumaman ang
Pilipinas.
Pwedeng matukoy sa mga akda nina Claro M. Recto, Renato Constantino,
at Teodoro Agoncillo ang mga suliraning kinaharap ng bayan noon. Bago pa
man naging diktador si Marcos ay malawak na ang kagutuman, korupsiyon, karahasan,
panghihimasok ng Estados Unidos, at kawalan ng tunay na demokrasya. Nang tinukoy
ng Kabataang Makabayan noong 1964 na imperyalismo, pyudalismo at burukrata
kapitalismo ang suliranin ng bansa, halos lahat ay sumang-ayon dito.
Totoong nahuhuli na ang Pilipinas sa pagsingil sa mga kasalanan ng
pamilya Marcos di tulad sa ibang bansa sa Latin Amerika na marami nang
diktador ang ikinulong tulad ni Pinochet. May mga nagmumungkahi na
magkaroon ng Truth Commission - isang kumprehensibong pag-aaral sa
karanasan ng bansa sa kamay ng mga Marcos.
Sang-ayon ako dito, pero bakit hihinto sa panunungkulan ni Marcos? Ang
dapat sumahin din na karanasan ay ang buhay ng mga Pilipino sa ilalim
ng dominasyon ng mga panginoong maylupa at burgesya sa bansa mula 1946
at lalo na sa kasalukuyan.
Hindi sasapat na si Marcos lamang ang sisihin sa mga problema natin.
Hindi masasapol ang ugat ng ating kabiguan bilang bansa.
---------------
Si Mong Palatino ay puwedeng bisitahin sa
http://mongpalatino.motime.com/ at sulatan sa
mongpalatino@edsamail.com.ph