Nang
ako'y magpunta ilang linggo na ang nakararaan sa suki kong arkilahan
ng mga VCD at VHS tape, nakita ko ang isang tanawing matagal kong
di nakikita roon.
Katabi niyong video rental shop ang isang outlet ng Philippine Lotto.
Kayhirap pong pumasok sa video rental shop sapagkat ang pila sa lotto,
ay! ang pila sa lotto ay kayhaba po. Sa pagtantiya namin, kung yaong
paliku-likong pila ay itutuwid, masasakop nito ang distansiya mula
Ramon Magsaysay High School sa España hanggang sa panulukan
ng Nicanor Reyes Street (lalong kilala bilang Morayta, ang luma nitong
pangalan).
Ang ganitong tanawi'y makailan kong muling makikita sa tuwing ako'y
napadaraan doon.
Samantala'y kung araw-araw tayong nanonood ng Eat! Bulaga, baka mapansin
nating tila parami nang parami ang sumasali sa kanilang mga promo
at pakontes. Ay akong ngang hindi naman sadyang nanonood ng Eat! Bulaga
kundi nakapapanood lamang nito sa telebisyon ng mga sinasakyan kong
bus ay nakapapansin na nito, di lalo na marahil yaong mga suki ng
naturang programa.
Madaling hanapin ang pangunahing dahilan ng mga pangyayari: dumarami
ang nagtataya sa pag-asang sila'y pagpalain ng kapalaran at biglang
yumaman.
At hindi natin sila masisisi. Ang mga pangyayaring ito'y repleksiyon
ng kalagayan ngayon ng kabuhayan sa ating bansa.
Ang antas ng disempleyo, bagama't bumababa raw ayon sa mga henyong
sina Gloria Macapagal-Arroyo at Patricia Sto. Tomas, ay wala pa ring
pagbaba sa double-digit na antas na unang naitala sa Pilipinas noong
1957 at lumitaw na lamang muli noong 2003.
Nasa 10 sa araw-araw, ayon sa pagtataya ng IBON Foundation, ang nagsasarang
small- at medium-scale enterprise sa Pilipinas dahil sa matinding
kumpetisyong dulot ng mga korporasyong transnasyunal. Mahigit sa 200
manggagawa tuloy ang araw-araw ay nawawalan ng trabaho.
Samantala, ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ay patuloy
na tumataas, dahil sa tuluy-tuloy na pagsadsad ng halaga ng piso laban
sa dolyar na dulot naman ng globalisasyon katulad ng aaminin maging
ng negosyanteng si Raul Concepcion, datapwat walang kakabit na pagtaas
sa kita ng mga mamamayan.
Mula sa P455.94 noong 2003, ang pang-araw-araw na gastusin sa pamumuhay
para sa isang pamilyang may dalawang magulang at apat na anak--ang
karaniwang pamilyang Pilipino--ay nasa P492.19 na ngayon, batay sa
datos mula mismo sa National Statistics Office (NSO). Samantala, ang
pangkalahatang minimum na sahod ay nasa P202.59 lamang, batay sa datos
mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Kung tutuusin natin ang katumbas ng P492.19 sa isang buwan, ito'y
aabot sa P14,190. Maging sa hanay ng mga empleyado sa mga opisina
ay marami ang hindi aabot sa ganito ang buwanang kinikita.
Yaon namang mga magsasakang palay ang itinatanim ay umaabot lamang
sa P2,000 ang karaniwang kinikita matapos na magbenta ng ani, at ito'y
kailangan nilang papagkasyahin sa loob ng tatlong buwan--hanggang
sa susunod na anihan. Ito'y katumbas ng P22.22 lamang sa bawat araw.
Sa ganitong desperadong kalagayan ng bansa, dumarami ang nakaiisip
na mangapit sa kapalaran sa pag-asang biglang mahango mula sa putikan.
---------------