TULA
baligtad kong mundo

nandito na naman ako sa sarili kong mundo
kung saan walang nasusunod kundi ako
kung saan nakukuha ko ang gusto ko
dito sa mundong gawa ng isip ko

sa mundong ito'y walang imposible
lahat ng makasalubong mo'y nakangiti
wala kang maririnig na nagpapasaklolo
dito sa mundong gawa ng isip ko

dito'y walang balakid na maaalintana
dito'y di natin kailangang lumuha
dito natutupad ang mga ninanais ko
dito sa mundong gawa ng isip ko

dito ko nahahagkan ang iyong mga labi
at mga kamay mo na iba ang nagmamayari
napagsisilbihan ka bawat segundo
dito sa mundong gawa ng isip ko

maaaring sabihin mo na ako'y hangal
pagpasensyahan na ang pagiisip kong bungal
dito nakakasumpong ng pahingahan ko
dito sa mundong gawa ng isip ko

---------------
Nagtapos si Marlon ng B.S. Com. Sci. sa AdU, at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Sys. Admin. sa Concordia College.

Karapatang-ari © 2001-2005 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan