Umubo ka, aking Bayan; buong lakas mong iubo
ang malapot na plema ng lipunan mong hidwa:
ang bandilang sagisag mo'y hindi mo daw bandila;
pati makulay na wika mo'y hindi mo daw wika;
ilang beses kang pinangakuang bibigyan ng laya,
subalit ang mga "bayani" mo'y di gustong maging payapa.
Umubo ka, habang sila ay palalong nakikibaka,
sa libingan ng sistema, mga "Mesiyas" ay may libangan;
katulad mo ay si Rizal, ginamit ang pangalan;
katulad mo ay si Ibarra, nahahati ang diwa;
may lakas na magtanggol laban sa tapang ng sariling kababayan,
tumataghoy, kung pinapaslang ang mga "mararapat";
di tumatangis, kung yumao ang mga di-tapat!
Iubo mo ang tuberkolosis ng sambayanang hati
ikaw ang naghihirap, sila'y magtuturo't maninisi;
ang lahat mong kayamana'y pinag-aagawa't inaangkin;
ang lahat mong kalayaa'y iba-iba ang umaari;
masdan mo ang iyong sining, walang puwang sa rikit,
minamasdan ka ng mga "bayani" bilang api at pangit!
Umubo ka kung ang baga mo'y di kaya ang kanilang bisyo,
kung ang araw sa langit mo ay laging nagbabaga sa hapon,
kung ang alon sa dagat mo'y parating dumadagundong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay madalas umuungol,
kung ang mga mamamayan mo'y sa dahas hayok,
umubo ka nang umubo't nasasayang ang laya mo.
May araw ding ang ubo mo'y lalala, matutuyo,
may araw ding di na plema sa baga mong hingalo
ang idadahak, kundi dugo, dugo na ang isusuka
isusuka nang isusuka ng sistema mong puno na ng dalita;
hanggang sa ikaw ay mananahimik, mapapayapa
at ang nilagot na tanikala'y iyong mapapag-isa.
---------------
Ang tulang ito ay isang pagmamanipulang-salita lamang sa "Kung Tuyo Na Ang Luha Mo,
Aking Bayan" ni Amado V. Hernandez. Nais ng manunulat na iparating na kailangan na ng bayan ang
Loviscol. Ibig din niyang magkaroon ng dagdag na mambabasa ang kanyang mga gawa sa
http://www.isipkamote.tk.