Miyerkules nang Hapon nang ako’y nagtungo sa pamilihan ng SM sa Maynila. Ilang sandali ang kinailangan upang aking mapagdesisyunan kung ano ang aking bibilhin. Hindi ko na naiwasang ipagkumpara ang dalawang produkto: kung alin ang mas mura, mas maganda, mas matibay at higit sa lahat mas praktikal. Sa panahong ito, ang pagiging praktikal ay isang bagay na nararapat na taglayin ng bawat indibidwal upang labanan ang nagdarahop na kalagayan ng ating bansa.
Habang ako ay nakasakay sa aming sasakyan at iniisip kung ano ang maaaring dahilan ng pagsisikip ng trapiko, ako ay napalingon sa aking kaliwa. Aking nasilayan ang isang babaeng may kapansanan na umaawit sa kalyeng dinaraanan ng mga mamamayan. Ako’y agarang nakadama ng pagkaawa sa kaniya. Aking napansin na ang aming driver ay nakatingin rin sa babaeng umaawit. Nasabi ko tuloy sa aking sarili, “Ano kaya iniisip ni Mang Willy du’n sa babae?” Siya rin ba ay nakadarama ng pag kaawa? Hindi ko man lubusang marinig at maintindihan ang kanyang musika, hindi ko ikinakaila na ang kanyang tinig at ang musikang likha ng kanyang lumang pulang gitara ay pumukaw sa aking damdamin. Aking napagtanto na sa kabila ng kanyang kapansanan ay hindi niya piniling maging pabigat sa kanyang pamilya--pinili niyang makipagsapalaran sa mga sulok ng kalye ng Maynila at lumikha ng musikang mula sa kaniyang puso.
Ang tanawing nasilayan ng aking mga mata sa sandaling iyon ay nag-iwan ng ilang mga katanungan sa aking mapaglaro at malikot na isipan.Bukal ba sa kaniyang loob ang kaniyang ginagawa? Sapat na ba ang kaniyang kinikita upang siya ay mabuhay? Paano siya natutong tumugtog ng gitara sa kabila ng kaniyang kapansanan?” Gaano na kaya niya ito katagal ginagawa? Ang mga katanungang ito’y hindi masasagot ng sinuman. Ang babaeng lumilikha ng musikang iyon lamang ang makasasagot ng mga ito.
Sinubukan kong ikumpara ang aking kalagayan sa kaniyang kalagayan. Ako ay tila nanlumo sapagkat kahit doblehin man ang kanyang kalagayan ay lubusan pa rin akong nakalalamang, at sa ganoong banda ako ay hindi parin makuntento sa mga bagay na nasaakin na .Pilit kong ninanais ang bagay na dapat sana ay ipamahagi na lamang sa mga kapos at nagdarahop sa buhay.
Marahil simple nga ang pamumuhay ng babaeng aking nasilayan. Kahit kakarampot na salapi lamang ang kanyang naitatabi sa pang araw araw na buhay, patuloy niyang pilit nilalampasan ang mga hamon ng buhay—mga hamon na dapat ay nagpapatibay ng ating pananalig sa Poong Maykapal at magpapalakas ng ating tiwala sa ating mga sarili.
Sa mga awiting mula sa puso ng isang simpleng Pilipino na nakaantig sa aking damdamin at pag-iisip, nawa ay patuloy itong dumampi sa puso’t damdamin ng bawat nilalang na dumaraan at makaririnig. Nawa ay ang mga awit na dinaraanan ay manatiling buhay sa ating puso’t damdamin sa paglipas ng panahon.