Hindi ko alam kung bakit ako nagsisimula na naman sa pagsusulat ngayong gabi. Alam ko namang hindi ko rin ito matatapos. Isa na akong guro--guro na hindi alam kung ipagpapatuloy pa ba ang pagiging isang guro. Disyembre ko huling nakita ang kanyang mukha pero parang mahigit sampung dekada na yata ang nakalipas para sa mga alaala naming pinagsaluhan noong nasa kolehiyo pa ako.
Ngayon, sa harap ng computer at ng patuloy na umiinit na paligid, gusto ko muling isipin at maalala ang hugis ng mukha niya, ang tunog ng tawa niya, at kanyang mga komento na punung-puno ng kabalabalan at walang katuturan. May panahon na hindi na ako komportable sa mga komento niya tungkol sa mga bagay na nakikita niya at maging sa mga reaksyon ko rito; nagiging bastos na siya noon. Pero ayaw ko yatang balikan ang mga alaalang iyon dahil ang mga ito ay ilang hikab lang ang layo sa inakala kong pansamantala lamang na pagkakahati ng daan na aming lalakaran.
Sandaling panahon ko lang siyang nakilala, halos wala pang limang taon para maituring na malapit na kaibigan. Mahirap akong maging kaibigan. Alam ko ‘yun at walang dudang alam din ‘yun ng mangilan-ngilan kong kaibigan. Mahirap buksan ang pinto ng pakikipagkaibigan sa akin, parang alon hindi mo alam kung anong magiging direksyon sa mga susunod na araw. Hindi ko naisip na magiging kaibigan ko ang isang lalaking ikot nang ikot sa labas ng classroom na alam kong papasukan ko paglabas ng mga estudyanteng nilalamig sa loob. Ginusto kong maging abala o magmukhang abala para hindi abalahin ng sa palagay ko noon ay walang kakuwenta-kwentang pagtatanong o kaya’y cheap na pakikipagkilala. Feeling important ang dating ko. Gusto kong magmukhang self-absorbed pero siyempre naiintriga rin ako. At hayun, binaba ko ang libro at may isang lalaking kumausap sa akin.
Hindi ko siya kilala, ni hindi nga nagtagal sa memorya ko ang pangalan
niya. Natapos ang araw na iyon, hindi ko siya kaklase. Hay! Hindi
siya guwapo pero tao siya pihado. Lumipas ang mga araw, hanggang isang
araw pumasok ulit ako sa klaseng hindi ko maintindihan kung bakit
nandoon na naman siya. Pero dahil sa self-absorbed ako at “I stick
with my friends” ang dating--hindi ako approachable, supladita pero
mababaw ang tawa at panghabambuhay na kaibigan--iba na ang kausap
niya. Hindi ko pala nabanggit noong unang beses kaming nagkita, nagkaroon
pa pala ako ng pagkakataong maipakilala siya sa mga aking so-called
friends na lahat ‘ata ng lalaking makausap, kumausap o magkamaling
lumapit sa akin ay ipagduldulan nilang crush ako at sooner or later
ay magiging boyfriend ko. Kaya noong makita siya ng mga kaibigan ko,
nagtaka sila dahil iba na namang girl ang ka-chika niya at eto pa,
hindi na namamansin. E, di deadma.
Hindi ko na maalala kung bakit nga ba siya napabilang sa mga kaibigan ko, o nawala lang talaga ‘yun sa memorya ko kasi wala pa siyang epekto o posibleng halaga sa akin noon. Ang malinaw lang sa alaala ko ay naging crush siya ng kaibigan ko. Pinilit kong ibenta sa kanya ang kaibigan ko dahil sa laging inirereklamo ng kaibigan ko na ni isa ay wala pa siyang naging manliligaw--ang kaibigan kong ‘yun ngayon ay may ibinabahay na lalaki na—pero hindi niya binili ang kaibigan ko. Natawa lang ako. Hindi ko alam na alam pala niya na ibinebenta ko sa kanya ang kaibigan kong hindi naman kagandahan pero mabait namang talaga. Tahimik daw. Pinabayaan ko na.
Naging magkaklase kami sa subject na kailangan ng out of the ordinary wit sa pagpapa-cute at pagpapa-impress sa mga tao. Kaya hindi ko namalayan na gabi-gabi kaming nag-uusap tungkol sa mga taong wala naman talagang kinalaman sa aming dalawa. Hindi ko pa siya crush noon, masaya siyang kasama--palabiro at kwela. Isang love affair ang aming laging pinag-uusapan: kung paanong ang isang kaibigan namin ay magpakahiya-hiya sa isang lalaking hindi naman talaga siya type o nilalaro lang siya. Nagkataong ang lalaking kinababaliwan ng kaibigan namin na itago natin sa pangalang Adrinne ay naging crush ko pero walang nakakaalam at parang front para may crush. Hanggang sa mas naging madalas kaming magkasama. May mga panahong pinatatagal namin ang hapon kaya naglalakad kami pauwi. (Hinala ko lang naman ‘yun kasi wala namang inamin o itinangging damdamin sa pagitan namin dahil walang may lakas loob na tanggalin ang tabing para malaman ng kahit na sino sa amin.)
Halos dalawa hanggang tatlong klase pa kaming nagkasama bago ako tuluyang nawala sa sirkulasyon ng mga tunay niyang kaibigan. Sa mga panahong magkaklase kami, inaamin kong masaya ako. Ang akala ko kasi sinusundan niya ako. Siguro natutuwa rin siya sa isang simpleng akala na baka ako pala ang sumusunod sa kanya. Pero sigurado akong hindi ko alam ang mga klase niya at hindi rin niya alam ang mga klase ko. Hanggang sa marami nang mga kuwento ang lumitaw na kami o naging kami pero hindi ko alam kung alam niya. Hindi ko rin ipinaalam--natakot akong mawala na talaga ng tuluyan ang aming pagkakaibigan. Mahal ko na siya. Siguro higit na nga sa kaibigan na ‘yung pagmamahal ko noon pero hindi ko kayang tanggapin kaya ipinaubaya ko sana sa kanya na tuklasin ang damdamin niya sa akin. Hanggang sa may mga pabugsu-bugsong balita na may girlfriend na siya, na may nililigawan na siya. Na in-love siya sa isang babae na kaibigan niya at kilala ko. Alam kong bagay sila na pinagselosan ko ang babae dahil alam kong gusto rin siya. Hanggang sa ang dumating ang panahon na gusto ko na talaga siyang bitawan dahil ang balita, hindi pala siya lalaki at isa pala siya sa mga babae/lalaki kong kaibigan
.
Hindi ko na alam kung anong totoo noong mga panahon iyon o siguro kung anong totoo ang hindi magiging masyadong masakit para sa akin.
Sumuko na ako pero alam kong mahal ko pa rin siya. Isang taon kaming hindi nag-usap tuluyan na talaga akong nawala sa sirkulasyon ng kanyang mga tunay na kaibigan dahil naging magkasalungat na ang aming paniniwala (pati pala sa pakikipagkaibigan may pulitika). Hindi ko matanggap na hindi na niya ako kayang tanggapin o hindi ko masabi sa kanya ang sitwasyon ko. May mga iba pang taong sangkot sa naging patuloy na paglayo ko sa kanya at siya rin sa akin kaya higit na bumilis at lumawak ang daan sa pagitan namin.
Hindi ko tuloy maunawaan kung bakit hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung nagpabaya ako at hinayaang maging bukas ang sarili sa mga nangyayari noon, sa mga akala ko at akala ng mga kaibigan kong pagpaparamdam niya. Pero ngayon, alam ko sa sarili ko imahinasyon ko lang ang bumubuo sa barag-barag na pagkataong naaaninag ko sa alaala ng isang kaibigan na ginusto kong maging ka-ibigan.
Nami-miss ko na siya. Nagbasa ako ng mga lumang tula at may nakita akong pamilyar na pangalan sa ilalim ng pinakamagat ng tula. Binasa ko ang tula dahil isa akong panatiko at tagahanga ng kalawakan higit ng mga tala at ni Luna. Nakita ko ang pamilyar na pangalan na noon ay nabasa ko sa kanyang isinulat. Pinasasalamatan niya ang tao o kakilalang iyon. Noong nabasa ko ang pangalang iyon, napaiyak ako dahil naalala kong ni hindi nga pala niya ako naalalang pasalamatan sa isang pagkakataon na akala ko kahit na maiksing linya lamang ay ilalaan niya sa akin. Noon ko pa dapat naisip na hindi niya kayang isulat ang pangalan ko at ni hindi rin niya ako kayang pasalamatan.
Ibababa ko na ang kwadro niya sa dingding ko, iningatan kong huwag mabasa ng ulan ang larawang iyon at ang gel candle na binigay niya ay itatago ko na rin at di na gagamitin sa tag-ulan tuwing may brown-out. Sa pagtatapos ng ikalawang pahina ng dokumentong ito susubukan kong simulan ulit ang pagiging self-absorbed ko at tuluyan nang kakalimutan ang kaibigan ko.
Ngayong gabi alas nuwebe kinse, isasara ko na ang pinto ng pangarap, alaala at pag-asa para sa aming dalawa. Tuluyan ko na ring papalawakin ang daang binansot ko ang pag-unlad. Tumirik tuloy ang ilang sasakyan ng aking mga alaala para sa kanya. Nakaligtaan kong nagbabago ang hugis ni Luna. Pareho rin siguro sila.
Simbolo rin siguro ang pagkakatapos ko ng isinulat ko ng pagtatapos sa aking paghihintay.
14 Marso 2004