KOLUM
Dito Po sa Amin

Aba, may ginto raw sa ilog Dario ng San Francisco del Monte.

Una itong pinagkaguluhan ng mga residente hanggang sa dinagsa ito ng mga tao mula sa iba't-ibang dako ng siyudad. Naakit ang atensiyon ng media at ginawa itong pinakasikat na ilog sa bansa ngayon.

Dumating ang mga duktor at pulitiko. Nabigo silang kumbinsihin ang desperadong taumbayan na itigil ang paghahanap ng mumunting ginto sa maduming tubig ng ilog Dario.

Kung ikaw ay gutom, bakit mo iintindihin ang skin allergies? Sabi nga ng isang manggagawa dun, mabuti ng maghukay ng ginto at baka sakaling palarin kaysa buong araw at gabing magpawis sa pabrika at sumuweldo ng P150.

Kahit burak, buhangin o metal scraps na lamang ng Bangko Sentral ang nakukuha ng mga tao sa ilog, tuloy pa rin ang paghuhukay. Ito ang tatak ng kahirapan sa bansa. Ito ang mukha ng sinasabi nilang fiscal crisis o 15 bahagdan ng mga Pilipinong nagugutom.

Para sa mga residente ng Frisco, tuloy pa rin ang buhay. Tutal, ang ginto sa ilog ay ang pinakabago sa mga mahiwaga't kawili-wiling kaganapan sa lugar.

Noong 1994, nagmilagro diumano ang Birheng Maria sa Barangay Damayan, mga isang-daang metro ang layo mula sa ilog Dario. Naging tanyag ang mga imahen ng Birhen na makikita sa mga rose petal. Dinagsa ang barangay ng mga taong gustong magamot ang nararamdaman nilang sakit.

Noong 1995, isang milagro naman sa pulitika ang naganap. Nanalo si Reynaldo Calalay bilang kinatawan ng unang distrito ng lungsod Quezon sa Kongreso. Dati siyang Kapitan ng Barangay Damayan at naging Konsehal kahit hindi kilala, hindi nakapag-aral at hindi mayaman. Mabuti o masama, sinimulan niya ang taktika ng pagbabarkada't pakikipag-inuman sa mga lider-barangay upang manalo sa eleksiyon sa distrito uno.

Ang Frisco ay naging tahanan din ng mga taong tanyag sa buhay pulitika ng bansa. Kabilang dito sina Edgar Jopson, Philip Juico, Rolly at Joy Kintanar, Fernando Poe, Jr., at maging si Leo Echagaray.

Kilala rin ang Frisco dahil sa kanyang simbahan: ang Sanktuaryo de San Pedro Bautista Shrine. Dati itong retreat house ng mga pari sa Intramuros noong panahon ng Kastila. Si San Pedro mismo ang nagpatayo ng simbahan sa ibabaw ng isang burol na tanaw ang mahabang ilog Dario ngayon. Sa simbahan matatagpuan ang kaisa-isang bronze statue ng santo sa buong mundo.

Isinulat ni Teodoro Agoncillo sa Revolt of the Masses na sinugod ng mga Katipunero ang Cura Paroco ng Frisco dahil ito raw ay abusado. Nang sinakop ng Hapon ang simbahan, naghukay daw sila ng tunnel tagos hanggang ilog at nagbaon daw ng kayamanan dito. Totoong may kayamanan o hindi, nananatili pa rin ang balon sa simbahan na diretso sa ilog.

Minsang isinalarawan ni Fernando Amorsolo ang ilog Dario at ito ay makikita pa rin sa simbahan. May mga kawayan sa gilid nito at paboritong pangisdaan at paliguan ng mga residente. Nagsimula itong dumumi noong dekada sitenta nang magtayo ng mga pabrika sa gilid ng ilog sa ibang barangay.

Nakita natin sa telebisyon na pinasok ng reporter ang barung-barong sa gilid ng ilog. Hindi natukoy na sa kabilang pampang ng ilog ay isang subdibisyon ng mga mayayaman--at marami sa kanila ay nagmamay-ari ng mga pabrika sa ibang barangay.

Sakop ng barung-barong ang gilid ng burol hanggang sa tabi ng simbahan. Nagpatayo ng mataas na dingding ang simbahan para hindi makita ang kinakalawang na bubong ng mga maralita. Ngayon hindi na tanaw ng mga nagsisimba ang ilog Dario at ang sinasaklaw ng San Francisco del Monte.

Kahit nagsisiksikan ang mga tao sa labas ng simbahan, sa loob nito ay may sapat na espasyo para sa swimming pool, basketball court at mini-forest ng mga pari. Bago ang ginto sa ilog, kabuhayan ng di-iilan ang paglalako ng puting ginto o shabu sa komunidad.

Eto ang kuwento ng ilog ng aming barangay. Eto rin ang kuwento ng aming barangay. Gintong pangarap, burak ang nahanap.

---------------
Si Mong Palatino ay puwedeng bisitahin sa http://mongpalatino.motime.com/ at sulatan sa mongpalatino@edsamail.com.ph

Karapatang-ari © 2001-2005 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan