Salamat na lamang at hindi ko na personal na napanood ang
panayam ni Tina Panganiban-Perez kay Imelda Marcos sa Reporter’s
Notebook noong Setyembre 21--ika-32 anibersaryo ng deklarasyon ng batas
militar. Naikuwento na lamang sa akin na sa interbiyung ito’y sinabi ng
dating unang ginang na ang Setyembre 21 ay dapat na gawing isang
“Freedom Day.”
Kung napanood ko ito, baka naibato ko sa telebisyon ang remote
control o baka yaong telebisyon mismo ang naibato ko, at sa baba ng
halaga ng piso ngayon ay baka kulangin ang sampung taong pag-iipon ng
pera upang mapalitan ang pareho.
Bakit nga ba, maitatanong marahil ng iba, ganito na lamang ang
pagpapanting ng aking tainga kapag naririnig ko ang gayong mga
"pangangatwiran" ukol sa batas militar ay 1977 na nang ako'y ipanganak
at hindi ko personal na nasaksihan ang karamihan sa mga nangyari noon?
Sapagkat hindi kailangang ipinanganak ka sa mga taong 1972-86 upang
sumulak ang dugo mo sa kabatirang ang panahong iyo'y isang panahon kung
kailan napakarami sa pinakamararangal at pinakamatatalinong Pilipino ang
tinugis ng batas, at marami sa kanila ang pinahirapan at pinaslang pa
ang iba.
Ayon sa mga datos mula sa mga grupong tulad ng Karapatan, hindi
kukulangin sa 104,000 ang naging biktima ng paglabag sa karapatang
pantao noong panahon ng batas militar. Maaari pang umabot sa mahigit sa
isang milyon ang bilang ng mga ito, ayon kay Bobby Tuazon ng Bulatlat.
Sa mga ito'y hindi naman bababa sa 35,000--ayon sa istoryador-militar
na si Alfred McCoy-- ang naging biktima ng iba't ibang paraan ng
pagpapahirap sa bilangguan, tulad ng pangunguryente sa bayag, pagpapasok
ng talong na may sili sa puki, pagpapakain ng tae't pagpapainom ng ihi,
water cure, gang rape, at iba pa.
Isa sa pinakamasasahol na kaso ang kay Liliosa Hilao, isang
estudyanteng manunulat at kasapi ng College Editors Guild of the
Philippines. Dapat sana'y magtatapos siya sa Pamantasan ng Lungsod ng
Maynila--bilang cum laude, ayon sa ilang kuwento, at bilang summa cum
laude naman ayon sa iba pang salaysay--datapwat siya'y nadakip nang
ibaba ang batas militar. Sa kulunga'y pinagpasa-pasahan siyang gahasain
ng mga sundalong humawak sa kanya, at pagkatapos ay binuhusan siya ng
asido sa lalamunan at siya ang naging kauna-unahang bilanggong pulitikal
na napatay sa ilalim ng batas militar.
Ano ang kasalanan ng daan-daang libong biktima ng batas militar at
sila'y dumanas ng ganitong kalupitan?
Nang mga taong bago ipatupad ang batas militar, ang paglayo ng bansa
sa minimithing kaunlaran dahil sa panghihimasok ng imperyalismong
Estados Unidos sa ating kabuhayan, pulitika, at kultura ay pasidhi nang
pasidhi, gayundin ang kahirapang dulot ng malawakang kawalan ng
katarungang panlipunan--sa kalunsuran, ang di-pagbibigay. ng karampatang
sahod at benepisyo; at, sa kanayunan, ang laganap na pangangamkam ng
lupa at ang di-matwid na partihan ng ani sa pagitan ng magbubukid at
propitaryo.
Parami nang parami ang kumikilos tungo sa pagbabago ng kaayusan ng
lipunan. Nang ipataw ang batas militar, ginamitan ng estado ng buong
dahas ang mga namumuno at nakikisangkot sa mga pagkilos tungo sa
pagbabago.
Ang batas militar, kung gayon, ay nagsilbi upang harangan ng sibat
ang mga naghahangad ng pamalit sa mapaniil na kaayusang panlipunan at
papanatilihin ang nakasusulukasok na kairalan. Bagama't may ilan ding
nadakip at nabilanggong mga maituturing na haligi ng kalakarang umiiral,
tulad ni Geny Lopez na ang pamilya'y kalaban ni Ferdinand Marcos sa
pulitika, higit na nakararami sa mga biniktima ng batas militar ang mga
kalaban ng kairalan.
Tiyak na ipagmamalaki ni Imelda Marcos ang mga impra-istrukturang
ipinagawa noong panahon ng batas militar, tulad ng ipinamamarali ng
kanyang anak na si Imee na "Ang pinakamahuhusay na kalsada't tulay ay
ipinagawa noong panahon ng batas militar."
Nang mapatalsik ng sambayanan si Marcos, ang kalakhan ng bayan ay
nananatiling dahop sa mahahalagang impra-istruktura. Ang mga
impra-istrukturang ipinagawa ni Marcos ay doon ipinagawa malapit sa mga
sentro ng pamayanang negosyante, lalo na sa mga lugar na sakop ng
malalaking korporasyong multinasyunal. Ito'y upang mapabilis ang
transportasyon ng kanilang mga kalakal at ang kanilang pagkamal ng kita.
Ang episodyo ng Reporter’s Notebook ay hindi siyang kauna-unahang
pagkakataon kung saan napanood si Imelda Marcos na sinasabing nagdala ng
"kalayaan" sa Pilipinas ang batas militar. Taun-tao’y sinasabi niya ang
ganito.
Ipinananawagan namin sa lahat ng ospital sa bansa ang pagbubukas
ng kani-kanilang mga psychiatric ward sa dating unang ginang.