MULA SA PATNUGOT
Samu't Sari

MARAMING NANGYARI mula sa paglabas ng Tinig.com v39 hanggang sa isyung ito.

Sinaklaw ng nasabing panahon ang pagkakaligtas sa buhay ni Angelo de la Cruz sa pamamagitan ng pagpapauwi sa mga tropang Pilipinong nasa Iraq.

Nasakop din nito ang pang-iinsulto ni John Howard, punong ministro ng pamahalaan ng Australya, sa kilusang kontra-digmaan sa Pilipinas na ang malalaking kilos-protesta ay nagtulak sa gobyernong pauwiin ang mga sundalo nitong nasa Iraq. Sa isyung ito ay may sagot sa kanya ang Filipino Youth for Peace. Nauna nang ilabas ng ilang pahayagan sa Internet, tulad ng journal Online at ABS-CBNNews.com, ang pahayag na ito.

Sa panahong tinutukoy ay nangyari din ang isang pag-uusap hinggil sa World Trade Organization sa Geneva, Switzerland. Doo'y nabuo ang isang package ng mga patakarang ayon kay Edwin Licaros ng QC Indymedia ay hindi tumutugon sa mga pangangailangan ng mahihirap na bansa.

Naganap din ang isang serye ng mga kagimbal-gimbal na pagpatay sa mga mamamahayag sa mga lalawigan.

Inabot din ang isyung ito ng paglulunsad ng Antonio Zumel Foundation, na naglalayong bumuo ng isang emergency relief fund para sa mga retiradong mamamahayag na hindi nagbili kailanman ng kanilang integridad.

Kasama sa mga paunang aktibidad ng foundation na ito ang paglulunsad ng isang librong katipunan ng mga artikulo ni Antonio Zumel, dating pangulo ng National Democratic Front (NDF) at isang mahusay at dakilang mamamahayag sa tradisyon nina Marcelo del Pilar at Amado V. Hernandez. Ginamit ng Tinig.com ang rebyu ng libro, na sinulat ni Bobby Tuazon sa Bulatlat.

Nariyan din ang panukala ng Armed Forces of the Philippines na magpaloob ng mga sundalo sa mga organisasyon ng media upang magsilbing mga tagaulat hinggil sa armadong labanan sa kanayunan. Mahigpit itong tinutulan ng National Union of Journalists of the Philippines sa isang pahayag sa isyung ito.

Nananatiling maiinit na isyu, samantala, ang pakikialam ng Estados Unidos sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at NDF, at ang pagtatalo hinggil sa two-child policy ni Kin. Edcel Lagman. Minabuti na ng Tinig.com na lumahok din sa mga usaping ito sa pagitan ng paglalabas ng mga pahayag at artikulong may kinalaman dito.

Mula naman sa paglabas ng isyung ito hanggang sa v41, kabilang sa malalaking mangyayari ay ang paglulunsad sa Pilipinas ng librong Jose Maria Sison: At Home in the World - Portrait of a Revolutionary (Conversations with Ninotchka Rosca), na nirebyu na ng inyong lingkod sa Bulatlat. Ang naturang rebyu ay ginamit din sa isyung ito ng Tinig.com.

Nariyan pa rin siyempre ang di-dapat na mawalang tula, maikling kuwento, at personal na komentaryo hinggil sa iba't ibang aspeto ng buhay-kabataan.

Sana'y maibigan ninyo ang Tinig.com v40!

 

ALEXANDER MARTIN REMOLLINO
Kapatnugot, Tinig.com

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan