ISANG GABI akoy'y naiwan ng dyip ni Mang Caloy
Paano't minamadali ni Boss ang pinapagawa nyang power point program
Napilitan tuloy akong mag-overtime without pay,
Kesa naman masisante't mapahanay sa milyun-milyong unemployed.
Peste talaga! Ang mahal pa naman ng pamasahe!
Napilitan na lang akong maglakad pauwi, sa hithit ng yosi malilimot
ko rin ang nakakangawit na paglakad.
Sa gitna ng lubak-lubak na kalye, muling bumalik ang alaala ng kahapon,
Noong mga panahon ko sa elementarya ganito rin ang ginagawa ko,
Nilalakad ang Mababang Paaralan ng San Isidro uapng makapag-aral.
Okay lang! Pinapabaonan naman ako ni nanay ng kapirasong kamote...
Isang basong tubig sa poso pantulak, okay na ang recess ko.
Kaya lang palagi akong nakatunganga, paano naman kasi itong si Jun-jun
agbebenta na naman ng dyaryo sa terminal ng bus,
Eh ka-share ko pa naman siya ng mga librong sira-sira't kulang ang
mga pahina.
Sabayan pa ng tulo ng ulan sa kisame't upuang tatlo kaming nagsisiksikan.
Pag tag-init naman, para kaming nasa loob ng puogon, paano'y pitumpo't
anim kami sa silid.
Kaya naman si Ma'am parang tigre kung makapagturo.
Eh, palagi naman kaming bumibili ng paninda niyang ice candy na asukal
ang flavor.
Sa awa ng Diyos, gumradweyt din matapos ang walong taon.
Kinausap ako ni Tatay kung magpapatuloy ba ako sa hayskul,
Siyempre pa, oo! Gusto ko yatang maging sikat na enhinyero!
Sabi pa nga ng kapitbahay ko, hindi hadlang ang kahirapan upang magtagumpay.
Kaya naman lahat na yata ng trabaho pinasok ko...
Mekaniko sa kapitbahay...
Shineboy tuwing Sabado...
Carwash boy tuwing Linggo...
Tagapaglako ng pandesal tuwing umaga...
Nagbebenta ng yosi tuwing gabi...
Ang hindi ko lang maintindihan, kung bakit itinuturo sa amin ang ginhawa
ng buhay,
Gayong kabaliktarn naman ito ng katotohananng kinakaharap ko?
Limang taon akong naghirap subalit di nawalan ng pag-asa.
Sa luma kong sapatos at togang putimputi,
nilakad ko ang entabladong buong galak at pagmamalaki,
bitbit ang pag-asang makakaahon din kami sa hirap.
Huling pagsubok na lang ang kakaharapin ko
Makakamtan ko na rin ang minimithi kong tagumpay.
Subalit wala pa akong mapili sa lahat ng unibersidad na napuntahan
ko.
Di dahil wala akong nagustuhan, kundi dahil abot hanggang leeg ang
mga matrikulang babayaran.
Hindi pa kasali ang misileynyos at iba pang babayarin.
Hay, Diyos ko!... matutupad pa kaya ang aking mga pangarap?
Ang maginhawang bukas at maligayang bukas?
Kaya naman ako'y nagtuloy sa munisipyo't kapitolyo
upang makakuha ng scholarship ni Mayor o ni Gobernor.
Subalit itong inyong lingkod ay sadyang mahina ang kokote,
Di ko naabot ang iskor na kailangan.
Paano't may libreng edukasyon nga, para naman sa mga matatalino't
may-kapit.
Si Dodong, ang matalik kong kaibigan
Binigyan ako ng trabaho ngunit di ko tinanggap.
Di ko yata kayang magtulak ng droga sa iskul
at maghanap ng mga tution girls para sa mga pulitiko't negosyante.
Naisip ko na rin ang mga bagay na sinasabing kanser ng lipunan...
Magnakaw...
Manghold-up ng bangko...
Manloko ng kapwa...
Sumali sa sindikato...
at kung anu-ano pang uri ng kriminalidad.
Hanggang isang araw, habang ako'y naglalakad sa Luneta
Nakatagpo ko ang titser ko nong Grade 1
Inalok akong magtrabaho bilang sikyo tuwing gabi.
May tindahan kasi siya ng mga pirated na cd
At kung anu-ano pang mga smuggled na mga produkto.
Anong ligaya ko nung makapasok ako sa kolehiyo,
Eto na at abot-kamay ko na ang tagumpay!
Lahat na yata ng uri ng kabataan ay aking nakilala...
Si Ador, isang iskolar at anak ng magsasaka...sabi niya wala silang
lupa't halos walang makain.
Si Maria, waitress pag gabi at anak ng karpentero ngunit sa ilalim ng
tulay nakatira.
Si Edward, isang macho dancer, ulila ngunit siyam ang kapatid na binubuhay.
At siyempre si Janice, anak-mayaman at paborito sa klase.
Di rin mawawala ang mga aktibista kung tawagin,
Mga estudyanteng palaban at militante,
Sila ang palaging nakabandera tuwing may isyu sa kampus na nakakaapekto
sa mga estudyante.
Matapos ang anim na taon,
Gumradweyt din ako sa kolehiyo.
Tapos na nga ba ang paghihirap ko?
No Vacant...
Just wait for my call...
Sorry, you're not qualified...
Your school doesn't pass our standard...
Kaya naman heto ako ngayon, gradweyt ng Engineering
Ngunit nagtatrabaho bilang sekretarya, dyanitor, utility, yaya, driver
at bodyguard ng dentista!
THIS IS IT!!! THE PHILIPPINE SOCIAL REALITIES!!!