TINIG
Hinaing ng Isang Guro

NATATANDAAN KO ng nag-aaral pa ako sa mataas na paaralan, kailangan bawat kilos namin ay naaayon sa kagustuhan ng aming mga guro, takot man kami sa kanila ay napakataas naman ng aming respeto sa kanila.Marahil ito ay sa kadahilanang mataas ang kinalalagyan nila sa ating lipunan. Ang aming mga guro ay pinili mula sa mahuhusay na tao at sinanay upang humubog ng talino at kaalaman ng kabataan. Nuong nasa kolehiyo ako, sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, natuto ako kung paano maging isang marangal na guro, sinanay ako sa dapat na maging gawi ng isang tunay na guro. Pati nga pagsulat sa pisara at pagbibigay ng papuri at pagsasabi ng maaring makasakit na salita sa aming magiging mag-aaral ay ipinunla sa aming mga isipan.

Subalit ano na ba ang kalagayan ng ating edukasyon na nagsasanay sa mga guro? Bakit tila yata kapag ang isang bata ay walang interes sa pag aaral o medyo mahina ang utak ay pinapayuhang mag-teacher na lamang? Ganito na ba kababaw ngayon ang pagtingin ng lipunan natin sa isang dakilang bokasyon?

Sabi ng tatay ko noon, bakit daw ako magtititser eh wala naman daw pera ang mga teacher? Pero sabi ko sa kanya, wala ngang pera pero ang makita mong naging matagumpay ang isa sa iyong mga estudyante ay higit pa sa pera ang halaga, makita mo lamang na napakinabangan nya ang mga naituro mo sa kanya, para ka na ring tumama sa lotto ng 100 milyon.

Iba-iba ang pananaw ng tao sa yaman, merong sa pera sinusukat ang yaman; ang iba naman, sa kalusugan; ang iba, sa mga naisulat o naipinta. Ako, ang kayamanan ko ay makita ang mga batang naturuan ko na nagagamit nila ang mga pagpapahalaga sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Maging mulat sila sa mga pang-aabuso at tumulong sa mga nangangailangan.

Isa rin siguro sa mga dahilan kung bakit naging mababa ang pagtingin ng lipunan ng tao sa mga guro ay ang pagwawalang-bahala ng ating pamahalaan sa kalagayan ng ating mga guro. Tuwing eleksiyon, maghapon-magdamag ang mga guro sa kanilang trabaho, mistula silang mga alipin sa pagbibilang ng boto, 'tapos, sasabihin ng mga talunang pulitiko na mandaraya daw ang mga guro. Matagal nang tapos ang eleksiyon pero parang namamalimos pa rin ang mga guro ng perang kanilang pinaghirapan.

Napakasakit tanggapin pero ang sahod ng isang karaniwang guro ngayon ay nagalalagay sa kanya sa ilalim ng poverty line, ibig sabihin, ang kita ng guro ay hindi sapat para siya ay mamuhay nang marangal. Kawawa naman, humuhubog ng mamamayan subalit inaalipusta ng mga hinubog niya. Siguro, si GMA ay galit sa kanyang mga guro, baka hindi siya makita noon. Joke lang.

Sa mga estudyante ngayon na hinuhubog ng matiisin at mapagpalang kamay ng isang guro, sana naman, please return the favor.

---------------
Si Antonio, 38, taga-Balanga, Bataan, ay isang instruktor sa kolehiyo.

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan