MAY MGA bagay siyang hindi alam. Maraming bagay. Minsa'y tinanong
siya kung alam niya ang oras, kung anong oras na, tumingin siya
sa kaliwang braso, wala ang kanyang relo, tumingin sa kanan, wala,
at pumasok sa isip niya, paano kaya mabubuo ang isang mundong walang
harang ng oras, ng panahon? Paano siya mabubuhay kung walang nakaraan,
kasalukuyan, kung walang hinaharap? Sa puntong iyon, nagdilim ang
kanyang paligid, naglaho ang kanyang kausap, ang kanyang mga kamay,
braso, mukha, ang buo niyang katawan, nilalamon ng walang katapusang
dilim, walang katapusang katahimikan, tatakbo siya pero saan siya
pupunta? Sa kaliwa? Sa kanan? Hindi niya alam. Marami siyang hindi
alam, at mapapagod siya sa kakatakbo, manghihina't mapapapikit,
ipapahinga ang mga matang hindi nakita ang tamang sagot. Marami
siyang hindi alam.
Pero may mga bagay siyang alam niya. Mula sa madilim at tahimik
na kawalang-alam ay didilat siya, magigising sa loob ng bus, bumibiyahe
ng palasak na palasak na biyahe, biyaheng kabisadong-kabisado na
niya. Nakatayo siya sa gitna, palagi siyang nakatayo sa gitna, nakasandal
sa mga upuang okupado, matagal nang okupado. Lagi siyang huli sa
biyahe, alam na niya iyon. Lagi siyang nauunahan ng mga customer
sales representatives, mga clerk, ng mga saleslady, ng mga manager
at supervisor, nauuna ang mga karpintero, ang mga naghahalo ng alkitrang
ibinubuhos sa kalsada, ang mga nanay, tatay, mga anak, mga kamag-anak
, ang mga guro, ang mga estudyante, lagi siyang nauunahan ng mga
estudyante, nandoon na sila, inagaw ang lahat ng mauupuan at inaagaw
pati ang kanyang posibleng tayuan. Didilat siya't nasa Philcoa na
siya't dinudumog na siya ng mga tao, nagtatakbuhan ang mga tao,
tumatakbo sila, lumalayo sa mga tindero't tindera ng dagang gawa
sa espongha, lumalayo sa kung saan, lumalapit sa kanya, lumalapit
ang konduktor, lumalapit sa kanya, iaabot niya ang kinse, at sigurado
siyang iaabot sa kanya ang kanyang tiket, itatago ang tiket para
sa inspeksyon. Palaging may inspeksyon.
Nausisa na niya ang dapat usisain. May mga bagay siyang alam,
alam niyang umaakyat ang mga mandurukot sa Central, alam niyang
namimirata ang mga matanda sa Tandang Sora, alam niyang may palilibutan
ang mga mandurukot sa Litex o sa Manggahan, o kung mabilis-bilis
ay sasabay sa pagsigaw ng "bababa, Ever," alam niyang
alam ng mga pasaherong may nandurukot at may nadurukutan, at alam
niyang pag-uusapan nila ito kapag tapos na ang dukutan, kapag nakababa
na sila sa Litex, o sa Manggahan, sasabihin nila "sabi ko na
nga ba, mandurukot sila," sasabihin nila "sinira pa yung
bag ng ale," sasabihin nila, "sisilaban sila sa impiyerno,"
at sasabihin ng isa, ang isang nadukutan, "sana sinabi ninyo
noong nandito pa sila," at titigil ang lahat sa pagsasabi ng
mga sabi-sabi. Alam niyang magbubusina ang mga bus bago lumagpas
sa mga overpass, dahil sa ilalim at di sa ibabaw dumadaan ang mga
pedestrian, alam niyang sisigaw ang nagmamaneho, mumurahin ang mga
putang-inang gagong hinayupak na hindi marunong gumamit ng overpass,
at magsasalita ang pasaherong nanggaling sa inuman, idadahilang
sa taas, sa overpass, ginagahasa lang ang mga dumadaan, kaya walang
umaakyat sa overpass, at walang makikinig sa kanya kaya tatawa na
lang siya, mayamaya'y magtutulug-tulugan, alam niyang unang pinauupo
ang mga matanda, mga matandang babae, kasunod ang mga pilay, mga
babaeng pilay, kasunod ang mga buntis, mga babaeng buntis, natural,
at mayamaya'y aakyat ang mga tindero ng itlog ng pugo, at ang mga
tindero ng mani, may dalang pantakal na initiman ang paligid, para
hindi makitang dinaya ang takalan, para hindi masilip ang tablang
isiniksik sa loob, sisigaw ang tindero ng itlog ng pugo, sisigaw
ang tindero ng mani, sasabihin niyang bumili sila ng mani, nakakapagpatalino
ang mani, mabuti sa utak ang mani, sasabihin niyang bumili sila
ng mani para magkautak naman sila, at walang matatawa sa kanya,
walang bibili ng mani, bababa ang mga pasahero, babangga-banggain
ang tindero ng mani, bubulong ang isang pasahero sa tindero ng mani,
sasabihin niya sa tindero na ang tindero na lang ang lumamon ng
lahat ng mani niya, na dapat ay mais ang itinda niya dahil korni
siya, bababa na ang mga pasahero, bababa na ang mga tindero, bababa
sila sa SM Fairview, lahat ay bumababa sa SM Fairview.
Minsa'y sinuwerte siyang makatagpo ng bakanteng upuan, isang bakanteng
upuan, sinubukan niyang maupo sa upuan, nagalit ang mga tao, para
sa buntis ang upuan, para sa mga pilay, para sa mga matanda ang
upuan, sumigaw ang mga pasahero, sumigaw ng pokpok, pokpok ka, mang-aagaw
ng upuan ng may upuan, hindi para sa iyo ang upuan, lumagay ka sa
dapat mong kalagyan, hindi iyan ang dapat mong kalagyan, nahiya
siya, napahiya siya, tumayo siya't tumakbo, nagpara, bumaba siya,
bumaba sa SM Fairview, lahat ay bumababa sa SM Fairview, pumasok
siya sa SM Fairview, nagpalamig, nagpalamig sa sine, Otso-otso Pamelawan
ang palabas sa sine, kinalabit siya ng katabi, tinanong ang oras.