MAIKLING KUWENTO
Purgatoryo

PASENSYA NA po. Maawa na po kayo sa asawa ko. May pito kaming anak, wala kaming pera. Naghahanap pa po kami ng mauutangan… Para siyang manikang de susi, paulit-ulit tuwing kailangang makipagtawaran sa doktor.

'Wag kayong magalaw, baka mahulog pa kayo. Ilang oras nang pinagmamasdan ng nars ang paghila ko sa puting kumot na pilit kong pinanlalaban sa lamig na kumakalat sa gitna ng alingasaw ng tanghaling tapat, naiinip na yatang tuluyan nang ipantabing ito sa buong katawan ko.

Kung wala talaga kayong mabigay, mapupwersa kaming paalisin kayo. Hindi naman pwedeng ibigay na lang naming ang kamang hindi niyo naman binabayaran; marami pa kaming pasyente.

Tatlong araw na akong nakatitig sa mababang kisameng binulutong ng itim na patak ng tumutulong tubig, nakakulong kasama ng mahigit dalawampung iba pang pasyente sa nakasusukang amoy ng sakit. Hindi ko naman hiniling na ilipat sa ibang lugar na hindi rin naman akin. Hinayaan na lang sana nila akong nakapulupot sa banig na labing anim na taong pinagtiisan ng halik at bugbog at pinanganakan at kinamatayan ng labing isang anak.

Kumalat na ang kanser sa matris sa atay, baga, at sikmura niya, hindi na siya magtatagal. Sa matris. Limang taon ko na namang alam; apat na ring itim na sanggol ang lumabas sa akin. Wala nang magagawa kundi maghintay. Nakikiramay kami. Nakatungo siya nang sabihin niya iyon; nakatingin sa mamahalin niyang relo, inip nang makiramay sa iba pa niyang pasyenteng nagbabayad.

Kapag mamamatay na ang aso, sabi ni Tatay noong iniyakan ko ang pagkawala ng aso kong si Tonton, nagtatago ito kasi nahihiya siya sa sarili niyang pagkamatay. Noong nawala si Tatay, ganoon rin ang ginawa niya; tatlong linggo bago nahanap ang katawan niyang namumulaklak na sa agnas. Nakiramay ang lahat ng mga kapitbahay ng may mga panyong nakatakip sa ilong. Tatay, binulong ko sa nakatakip na kabaong niyang gawa sa lumang kahoy na pinagkabit-kabit, mahirap magtago lalo na kung wala ka namang mapagtataguan.

Ayos ka lang ba? Nandito ang mga bata. Iba yata ang pagsasalita niya ngayon, parang may pagkaawang hinalo sa dating inis. May maliliit ring butil ng pawis na namumuo sa gilid ng mukha niya; nawawala lagi ang tapang niya kapag hindi na lang ako ang kaharap. Isa-isang humilera ang mga bata sa gilid ng kama na parang may papanooring palabas sa perya.

Bakit mo sila dinala rito? Hindi ko kailangang mapanood ngayong hindi ko na mahabol man lang ang hanging ipinagdadamot sa akin.

Para sana makapagpaalam man lang sila sa Nanay nila. Nanay. Masuwerte raw akong hindi ako natulad sa nanay kong ikinamatay ang unang pagsisilang. Masuwerte raw akong ang mga anak ko lang ang namatay at hindi ako. Masuwerte akong biniyayaan ako ng asawang magbibigay sa akin ng pitong anak, apat na hukay sa talahiban, dalawang baling buto, at isang banig na pambalot sa katawan.

Dalawampung matang naghihintay. Sa kuwartong may tatlumpung katawan, sa kamang ipinagkakait sa akin, sa kumot na pinababayaran, sa hanging hindi ko maabot.

Tatay? Naiintindihan ko na po kung bakit nawala si Tonton.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan