NAGING PAKSA ng alingasngas ang panukalang batas ni Kin. Edcel
Lagman (Albay, Aksyon Demokratiko) na naglalayong bigyan ng insentiba
ang mga pamilyang may isa o dalawang anak lamang. Ang naturang panukala'y
nagnanais na hikayatin ang mga mamamayang limitahan ang pagkakaroon
ng mga anak upang ang diumano'y problema ng bansa sa populasyon ay
huwag nang lumala pa.
May 80 milyon na ang bilang ng mga tao sa Pilipinas. Ayon sa isang
pag-aaral ng IBON Foundation, may 88 porsiyento ng 80 milyong taong
ito-samakatwid ay 70.4 milyon-ang nasa ibaba ng tinatawag na poverty
line.
Ang palaki nang palaking populasyon ng Pilipinas ang lagi't laging
pinagbubuntuhan ng sisi sa paglala ng kahirapan sa bansa. Kaya naman
hindi nakapagtatakang si Kinatawang Lagman ay makaisip ng ganitong
panukalang batas.
Subalit hindi niya nasapul ang target.
Sa isangt pahayag na sinulat ni Emilio Jacinto noong 1897, sa kasagsagan
ng Himagsikang Katipunan, nababanggit na noo'y nasa 20 milyon ang
bilang ng mga Pilipino. (Maaaring nagkamali nang kaunti rito si Jacinto
at higit pang maliit ang populasyon ng Pilipinas noon, batay sa ilang
pangkasaysayang pag-aaral.)
Sa sanaysay na ito, hinahagkis din ni Jacinto ang malaganap na kahirapan
sa bansa, na aniya'y isang pangunahing dahilan upang maghimagsik laban
sa mga kolonyalistang Kastila. Sa pagkakalarawan niya ng kahirapang
ito ay wala halos ipinagkaiba ang kalagayan ng Pilipinas noon at ngayon:
nagdurusa ang nakararami at iilan ang namumuhay nang sagana.
Sa librong The Forest na sinulat ni William Pomeroy noong dekada
1950, sinasabing ang kahirapan sa Pilipinas noon-nang wala pang 50
milyon ang ating populasyon-ay sumasakal sa 90 porsiyento ng ating
mga kababayan, halos tulad din ng sa ating panahon. Iba lamang ang
bilang ng mga tao sa Pilipinas subalit hindi nagbabago ang laki ng
pampopulasyong bahagdang sakop ng kahirapan.
Sa isang pag-aaral ng dalawang Pilipinong siyentipiko noong 1983,
napatunayang ang lahat ng yamang likas ng Pilipinas ay may kakayahang
bumuhay ng hanggang sa 500 milyong tao. Kayrami nang mga sumunod na
pagsusuri sa ating problema sa populasyon, subalit magpahanggang ngayo'y
walang nakapagpapabulaan sa pag-aaral na isinagawa noong 1983.
Maliwanag na hindi ang laki ng populasyon ang ugat ng kahirapan sa
bansa. Ay ano, kung gayon?
Sa isang artikulong sinulat ni Danilo Araña Arao sa Bulatlat
nitong Hunyo, makikitang ang isang pamilyang may dalawang magulang
at apat na anak-ang karaniwang pamilyang Pilipino-ay nangangailangan
ng P594 sa isang araw upang mabili ang lahat na pangangailangan. Gumamit
si Arao ng datos mula sa National Wages and Productivity Commission
para sa artikulong nasabi.
Datapwat ang isang karaniwang manggagawa'y kumikita lamang ng P300
sa kasalukuyan. May 15 porsiyento ng buong populasyon natin ang mga
manggagawa sa mga pabrika.
Ang mga nagtatrabaho sa mga sakahan ay higit pang masasahol ang dinaranas:
ang mga manggagawang-bukid kadalasa'y wala pang P100 ang sinasahod
sa isang araw, habang ang mga nakikiparti sa ani ay umaani na ang
kita sa pagbebenta ng kanilang inani ay hindi rin sumasapat sa pang-araw-araw
na pangangailangan ng pamilya.
Makikitang ang suliranin ay hindi nga ang populasyon, kundi ang pagbabahagian
ng mga yaman ng bansa. Kailangang gumawa ng iba't ibang hakbang ang
buong bayan upang ang pagbabahagiang ito'y maging patas.