|
Hindi Sagarang
Pagpasok
ni Ma.
Sonia G. Astudillo
Balik sa
ika-4 na pahina
“MA, SINABI
NANG PARA. Lampas na ang Morayta”.
“Sinabi nang
sa babaan. At hwag nyo ngang katukin nang katukin ang dyip. Sinabi
nang bawal kumatok”.
Mainit na
ang ulo ng drayber. Sa init ba naman ng byahe, gitgitan na nga
ang trapik, kakatukin ka pa. Nakalagay na ngang bawal kumatok.
Pero ganyan
talaga, hindi naman lahat ng tao mapapasunod mo. Masasabihan mo
ba ang isang taong hwag gawin yon dahil ganyan? Hindi. Lalo ka
lang titikisin. Lahat halos ng bata, lalo na yung nakakaangat,
tinuturuang bawal ang manuhol. Pero unang pasok ko pa lang sa
press room ng Customs, kabi-kabila ang lagayan, at natural galing
sa nakakaangat, sila ang may maiaabot. Pang miryenda lang daw,
pero sa laki ng ibinibigay, mabibili mo ang buong cafeteria.
Hindi ako
PR ng Customs o ng Pier, pero totoo, lahat mabibili mo don. Hindi
lang PX goods.
Yung putahan
sa Pier, hindi lang yung puta ang pinepresyohan. Iba-iba. Iba-iba
ang pamimilian mo. May putang bata, matanda, putang sanay, putang
hiyain, putang hindi mukhang puta, putang-puta. Iba-ibang posisyon,
iba-ibang oras, iba-ibang presyo.
Nung bagu-bago,
tinatandaan ko pa ang pangalan ng mga naiinterbyu ko. Sa tuwing
nag-iinterbyu ako sa kanila, may rekorder pa ako. Baka kasi magkamali
ako sa facts. Si Sarah, nagbebenta ng katawan para may ma-ipakain
sa mga kapatid. Si Gladys, walang ibang alam gawin. Yun din ang
kinalakhan sa ina. Si Teresa, yun lang ang na-ipamana ng magulang.
Dapat alam ko lahat yan, hindi pwedeng magkahalu-halo.
Akala ko
nung una, iba-iba ang kwento nila, hindi pala. Lahat lang sila
puta. Putang nire-rape, pero ibang klaseng rape. Nahihiya pa akong
mag-interbyu non. Samantalang sila, hindi sila nahihiyang sumagot.
Ganon kapag may kasalanan ka sa tao. Ni hindi mo matingnan ng
tuwid. Ganyan ako kapag may sinulat akong hindi maganda sa tao,
taas noo ako sa kanila pero yung mata ko nakatungo, di makatingin.
Dati kasi,
tinatanong ko kung bakit meron pang nangre-rape samantalang meron
namang mga putang pwede nilang pasadahan. Kahit anong oras payag,
basta lang may ibabayad ka.
Kaya ganyan
na lang ang galit ko nang i-assign sa ‘kin ‘tong putahan ng Pier.
Ang interes ko, rape victims, hindi itong mga puta. Unang-una,
pwede naman silang hindi magputa, pero nagpuputa sila. Isa pa,
sila rin ang malimit kong sisihin kung bakit dumadami ang nangre-rape.
Dahil sa kanila, akala tuloy ng iba, lahat ng babae pumapayag,
pwedeng gawing puta, pwedeng pasukin. Yan yung paniniwala ko non.
Ganyan ang tingin ko sa kanila o kawalan ng pagtingin.Hindi lang
naman ang magaganda ang nire-rape. Dati, palagi akong pinagsasabihan
ng Inay. Mag-ayos-ayos naman daw ako, kahit daw number 1 rapist,
hindi ako pagtatangkaan. Maganda na kasi si Inay, parati pang
nakaayos. Hindi rin Inay ang gusto nyang tawag ko sa kanya, mommy.
Kapag umalis ang Inay sa bahay nang maganda, pag-uwi non, ganon
pa din. Ako raw, hindi nya malaman kung ang suot ko, pambahay
o pangdyaryo.
Sa mga kumadre
ng Inay, sya lang ang walang anak na pwedeng ipagmalaki. Yung
anak nang isa, stewardess, yung isa model, yung isa nililigawan
ng mayamang congressman. Basta lahat sila magaganda. Syempre kailangang
mag conform ang Inay para wala silang masabi.
Kahit pa
daw yung trabaho ko e naghahanap palagi ng gulo. Gulo lang ang
tingin ng Inay sa balita, laman na daw ako ng kalsada sabi nya,
wala pa rin daw gulong lalapit sa ayos ko. Gulo din lang ang tingin
ng Inay sa lalaki, pero yan yung gulong gusto nyang makalapit
ko. Si Antonio naman daw, gwapo nga, macho, gym instructor lang
naman. Ang plano sa buhay parang pagpa-plano ng dyaryo, kung kailan
ilalabas, saka pag-iisipan.
Basta lahat
pinang-hihimasukan ng Inay. Hindi nya alam yung sinasabi nya,
mas malalim pa ang napapasok sa akin kaysa siguro kapag na-rape
ako. Concerned lang naman daw sya.
Kapag nag-aaway
kami, parang ayoko nang umuwi. Bihira naman talaga akong umuwi,
pero gusto ko nang gawing official.
Kaya lang
saan naman ako pupunta? Si Antonio, makikinig yon sa mga angst
ko, pareho kaming ma-angst, pero baka magyaya na naman ng kasal.
Aalis ako kay Inay para lumipat kay Antonio, gusto ko naman ng
breathing space.
Sundan sa
ika-6 na pahina
|