|
Hindi Sagarang
Pagpasok
ni Ma.
Sonia G. Astudillo
Balik sa
ika-3 pahina
Kanina
pa yang panyong yan. Naiwan nung isang babae. Hayaan nyo na lang,
pakikialam
naman ng isang lalaki.
Mamaya, paggarahe
ng dyip, kapag halos naghihingalo na sa pagod ang dyip, ano kayang
gagawin ng drayber sa panyong naiwan? Pati na sa iba pang maiiwan?
Pwede nyang gawing basahan o kaya naman, itapon na lang. Ano pa
man, hindi rin yan magtatagal sa dyip. Aalisin ng drayber o ibubulsa
na lang ng ibang pasahero, ni hindi na nga aabot sa garahe.
Yung mga
naging kaibigan ko, kung hindi umalis, ako n'ang lumayo. Nagagalit
na sila, kapag magkaibigan na kami e ibinabalita ko pa rin sila.
O minsan, akong inilalayo.
Si Marla,
ang huling balita ko sa kanya, hindi na akong nagbalita noon,
nabasa ko na lang, nakulong naman daw yung nang-rape. Wala pa
ang bitay noon.
Yung iba
naman, ewan. Ayoko rin naman ng masyadong maraming kaibigan. Tama
na yung kakilala. Kapag kasi madami kang kaibigan, madaming nanghihimasok
sa buhay mo. Sasabihin tinutulungan ka lang naman. Yung mga madre
sa dati kong school, palagi akong pinatatawag sa guidance counsellors
office, pinagpapayuhan. Pero kailangang magkwento ka muna bago
sila makapagpayo, give and take. Pero pakiramdam ko kapag ganon,
nire-rape ako. Nire-rape ka na nga, utang na loob mo pa. Pero
para naman sa kanila hindi yun rape, tulong lang.
Gusto ko
kasi, hi-hello-pwede-kang-mainterbyu-salamat. Parang robot, makina.
Pero at least objective, walang kinikilingan. No strings attached.
Naalala ko
tuloy yung isang naging pasahero ko o kung sa mas senting salita,
nakasabay sa buhay, nakasama. Si Antonio. Hindi ko yon nainterbyu,
dating kami.
Palagi raw
akong no strings attached, yan yung nagustuhan nya sa akin. Yan
din yung ikinainis nya nung huli. Ok daw ako, hindi demanding.
Kapag hindi sya nakakasipot sa date namin, hindi ako nagagalit.
Kapag naman magkasama kami, hindi ako palaging nakapulupot lang
sa kanya, hindi rin palaging naka-gwardiya. Baka kasi biglang
may balitang dumaan, hindi ko man lang mamalayan, mapalampas ko
pa. Hindi tuloy nasisira yung image nya, ni Antonio. Dalang-dala
pa rin nya yung pagiging macho, independent at single, kahit magkasama
kami. Pareho kaming walang balak mag-asawa non, kaya nga kami
nagkakasundo. Kung kailangan ko ng date, na bihira namang mangyari,
nandyan sya.
Bibihira
din kaming mag-away non, dahil nga, bihira naman kaming magkita.
Masaya na naman sana. Ewan ko nga lang at bigla na lang napa-gustong
mag-asawa itong si Antonio. Kung hindi raw kahit live-in at anak.
Tumatanda na daw sya, gusto na nyang magkapamilya at paminsan-minsan
e lumagi naman sa bahay. Kaming dalawa. At kung pwede yung anak.
Lalong ayoko non. At least ang asawa pwede mong hiwalayan kapag
ayaw mo na. Parang sa dyip, pwede kang bumaba kapag hindi mo nagustuhan
yung katabi mo o kaya naman kung bastos.
Ang anak,
ibang usapan yon. Gusto ko, kung may tatanggapin akong gawain,
yung magagawa ko, mapapanindigan. Responsable ako pero takot akong
tumanggap ng masyadong madaming responsibilidad. Baka hindi ko
makayanan. Kung pagbubuntis pa lang, pwedeng huwag mong ituloy.
Parang sa balita, pwedeng isulat mo o hindi. Pero kapag nasulat
mo na at lumabas na, wala nang bawian.
Buti pa nga
ang balita, pwede mo ring iwan. Mag-isip ka lang ng valid na dahilan
sa editor mo. Ang asawa din. Pero ang anak, paano kung magsawa
ka na?
Siguro kaya
nga walang nagtatagal sa isang beat. Kailangang ipaikut-ikot para
hindi ka magsawa at di-gaanong mapalapit o mapakabit sa mga tao
don. Kapag kabit ka na don, mahirap nang maging objective. Pakiramdam
mo anak mo na sila o malapit na kamag-anak at syempre, hindi ka
magsasabi ng pangit tungkol don. Parte ka na non at parte mo na
yon, kung pangit yon, pwedeng dahil pangit ka din.
Kaya si Antonio
ngayon, hindi ko na alam kung nasaan, wala na kong balita.
Sundan sa
ika-5 pahina
|