|
Hindi Sagarang
Pagpasok
ni Ma.
Sonia G. Astudillo
Balik sa
ika-2
pahina
'MA,
ABA INGAT NAMAN. Kung gusto mong magpakamatay, hwag mo kaming
idamay. Bigla kasing nagpreno yung dyip kung kailan naman
nakakatulog na yung mama.
Pero paminsan
ang mga tao, kasali ako, sobrang magtiwala. Lahat naman yata.
Tuwing sumasakay ka sa dyip, at hindi lang naman sa dyip, pinagkakatiwala
mo yung sarili mo sa hindi mo kakilala. Malimit hindi mo naman
kilala yung drayber o yung dyip. Anong malay mo kung gusto pala
nyang ibangga yung sasakyan? Hindi mo naman alam, kasi hindi mo
nga kakilala. Hindi mo alam kung swabe ba yang magmaneho, kung
iingatan nya yung pasahero. E bakit naman nya iingatan yung pasahero,
e hindi rin naman nya kilala yon?
Dati may
nainterbyu ako, rape victim. Nung bago akong reporter, kapag sinabi
mong nag-interbyu ka ng rape victim, tatanungin ka kung alin doon
sa tatlo o lima ang nainterbyu mo. Ewan ko kung talagang kokonti
lang ang nare-rape noon. Basta lima lang yan, si Marla, si Jenny....
Pero ngayon,
kapag dumaan ang isang araw na walang na-rape, yon ang balita.
Siguro kung nasa police beat pa ako ngayon, araw-araw may balita
ako. Hindi ko poproblemahin ang pagpapasa ng limang articles sa
isang araw.
Mabalik tayo
kay Marla, siya yung nainterbyu ko. Kinwento niya sa kin
lahat-lahat, pati yung hindi ko naman tinatanong. Umiyak pa nga
e. Ginawa akong counsellor at yung interbyu, counselling session.
Nakasimpatya naman ako. Halos tulungan ko nga sa pagmura don sa
nang-rape. Ayun, ilinipat tuloy ako ng beat. Bawal daw yon sa
trabaho ko.
Ganon pala
yon. Kapag pinapasok ka ng lalaki at kapag lumalabas na sa yo.
Pareho lang. Pilit kang dinodominahan, pati utak mo pinapasok.
Nararamdaman mo yung lakas at kontrol nya sa yo. Lumalaban
ka, kumakawala, gusto mong sumigaw pero pilit kang pinasusuko.
Gusto mo syang pigilan, pero hindi mo naman magawa.
Yun yung
naramdaman ni Marla nung ma-rape sya. Yun din ang naramdaman
ko nang sumama sa ibang babae ang itay. Kahit wala na, kahit tapos
na, nakapang-hihimasok pa rin sa buhay mo. Parang buong buhay
mo yung pinasok at nilabasan, yung ginulo. Parang pintuang nabuksan
na ayaw na uling sumara. Si Marla, wala pa raw nakagalaw sa kanya
nung ma-rape sya, dahil nga don, habang buhay nang nabuksan ang
buhay nya. Parang palagi pa ring nandyan. Parang balitang hindi
mamatay-matay.
MISS,
PANYO MO BA TO?
A,
hindi, nandyan na yan pagsakay ko.
May mga taong
sa pagmamadali, nakakaiwan ng gamit sa dyip. Panyo, folder, payong
at kung anu-ano pa. Pansamantalang tumitigil sa dyip ang mga gamit
na naiwan. Matagal, kumpara sa mga pasahero. Meron din naman akong
naging kaibigan sa mga nainterbyu ko.
Si Marla
nga. Katorse sya nung pinasok ng lalaking yon ang katawan nya
(at ng media ang buhay nya). Yun din ang edad ko nang umalis ang
itay at pati na lahat ng kaibigan ko. Catholic school ang pinapasukan
ko non, mga madre. Natural usapan ako sa eskwela. Pati sa mga
madre bulung-bulungan ang buhay ko at ng Inay. Naisip ko noon,
kaya siguro hindi nag-aasawa ang mga madre, natatakot mapag-usapan
kapag hindi natagalan ng asawa. Hindi naman sa hindi natagalan
ng Itay ang Inay. Basta lang may nakita na syang iba.
Mahirap naman
siguro talagang habang buhay kayong mag-asawa. Nakakasawa rin.
Mukha at mukha nya ang makikita mo. Buti pa nga siguro kapag habang
buhay ka na lang nasa iisang beat, kahit papano napapalitan
naman yung mga tao don, yung mga department secretaries, mga commissioner.
Sa dyip din, nag-iiba-iba ang kasakay mo, ngayon pa nga lang e,
ilan na ba yung nakatabi ko?
Kaya rin
siguro nakakita ng iba ang itay. Hindi aksidente ang pagkakita
nya don, sinadya. Naghanap talaga sya o naghintay. Syempre nalungkot
pa rin ako non. Kahit pa naiintindihan ko na sya ngayon o iniisip
kong naiintindihan ko na. Ako rin naman yata hindi ako tatagal
sa isang asawa lang, ngayon pa nga lang madali na akong magsawa
kapag ilang araw ko nang hinahabol-habol ang isang balita, tulad
nung sa Pier. At tsaka tapos na yon, lumang isyu na matagal ko
nang iniwan.
Sundan sa
ika-4 na pahina
|