|
MAIKLING
KWENTO
Hindi Sagarang Pagpasok
ni Ma.
Sonia G. Astudillo
ARAW-ARAW,
maliban kung Linggo, sumasakay ako ng Quiapo Pier na dyip. Pero
kahit minsan, hindi ko nagustuhan ang pagpasok sa Pier.
MAHIRAP magsimula
ng kuwento. Hindi mo alam kung saan mo sisimulan. Kung sa nangyari
kanina o sa kahapon. Kung sa matimbang o sa walang timbang. Pero
paano ko naman malalaman kung alin ang matimbang sa inyo? Sino
ba naman ako para i-manipulate kayo?
Pero sa dyaryo,
madali yang gawin. Syempre, sisimulan mo sa latest developments,
tapos backgrounders na. Dyaryo rin ang nagdedesisyon kung alin
ang importante o hindi, kung alin yung dapat mabasa at alin yung
dapat itago na lang.
Walang inspi-inspirasyon
na kailangan sa dyaryo. Basta nandyan ang balita, e di may balita.
Pansamantala kang mawawalan ng pakiramdam. Tungkol nga sa kung
kani-kanino ang sinusulat mo pero dapat mawalan ka muna ng pakiramdam
para sa kanila. Hindi mo iisipin kung alin ang ikatutuwa nila
o ikagagalit. Basta dapat makasulat ka, yun ang importante.
NUNG isang
araw, tinatanong ako ng trainee ko. Kwentuhan ko raw sya ng buhay
sa dyaryo. Pa’no ko naman gagawin yon? Kahit nga ako nakakalimutan
ko nang mag-journal.
Isa pa, wala
akong panahong makipagkwentuhan, may deadline pa ako. Wala akong
panahon para sa kahit na ano. Kamakailan, pinatawag na naman ako
ng editor ko. Hinihingi na yung trabaho ko, ang tagal na raw nyang
sinabi yon.
Ano bang
magagawa ko kung para sa akin, walang dating at hindi interesante
ang balita sa Pier? Ayoko pang pumunta roon pero lintek, palagi
akong pinasusugod doon. Comelec, Customs at Pier ang mga beats
ko, pero hindi lang naman sa Pier may balita. Pero syempre, hindi
ko pwedeng idahilan yon. Ewan ko kung anong nahukay kong excuse,
basta binigyan naman ako ng extension.
Ganyan naman
sa dyaryo. Basta marunong kang mambola ng konti, kahit konti lang,
makakumbinsi ka, buhay ka na. Kahit hindi galing sa kalooban ang
sinasabi mo. Para kanino ba naman ang ginagawa mo, di ba para
rin sa ibang tao?
Kaya ka nga
nagbabalita, hindi lang naman para sa sarili mo yon. Mas madami
pa nga don ang para sa iba. Magkano lang ba naman ang sinesweldo
ng reporter. Kaya kung balancing of interests ang pag-uusapan,
lusot ka. Para sa mas madaming tao ang ginagawa mo. Kaya mas matimbang.
Kaya lang
yung assignment ko, hanggang ngayon wala pa rin akong nasusulat,
di ko
pa masulat. Hindi ko masimulan.
QUIAPO pier.
Ayun, sa
wakas may dyip din. Kumupas na yung damit ko sa ka-aantay dito.
“Ma, sandali
lang”.
Akala ko
maiiwanan na naman ako. Bakit kasi sa dinami-dami ng byahe sa
Philcoa, e yung Quiapo Pier, parang pagbunga ng mangga kung dumating?
At palibhasa
nga kokonti, yung driver kung umasta akala mo grasyang dapat kang
magkandarapa sa paghabol.
“Ma, sandali
lang may sumasakay pa”.
Ganyan ako
nung trainee pa lang ako. Akala ko unique ako. Na dapat, ako ang
hinahabol ng balita. Hinahabol ng mga gustong mapabalita.
Sundan sa
ika-2 pahina
|