|
Si Sisa, ang
Paborito Kong Senadora
ni Tembarom
NAPAKAGALING
mag-Ingles ng paborito kong senadora. Hayop ang accent niya, pare!
Matindi. Kapag narinig mo siya, mapapanganga ka sa paghanga. Masasabi
mong palaban nga tayong mga Pinoy sa Inglesan. Kaso nga lang,
minsa'y sumasablay rin si Aling Sisa Senadora-nabubulol siya.
Kasi naman, punto niya'y Bisayang slang!
Sobrang talino
rin nitong si Aling Sisa. Di lamang siya graduate ng Unibersidad
ng Pilipinas, nakatuntong din siya ng Harvard, Oxford at kung
anu-ano pang malalaki at pawang mga sikat na pamantasan sa dakong
Kanluran. At para sa kanya, mga mabababang uri ng nilalang ang
mga hindi nakapasa sa UP at ni hindi nakatutuntong sa mga stateside
niyang escuela. Napakataas ng IQ niya. Balita ko nga'y member
pa siya ng Mensa--yung samahan ng mga taong matataas ang IQ sa
buong mundo. Sigurado ako, square root lang ng numero ng IQ niya
ang kay dating panggulong Asyong Salonga!
At itong si
Aling Sisa ay napakatapang. Hindi siya matatakot kailanman sa
mga gwardya-sibil, pagkat ang kanilang mga bala ay pang-almusal
lang niya. Bukod pa rito, may nakahanda siyang baril sa kanyang
mesa.
Tagapagtanggol
siya ng mga naapi, kaya naman halos tumuwad siya maisulong lamang
ang laban ni Asyong, na ayon sa mga kaniya at ng mga kasama'y
inaapi raw ng mga mayayama't makapangyarihan.
Sobrang bilib
ako kay Aling Sisa. Ang galing-galing kasi niyang magpatawa. Minsa'y
sinabi niyang magpapabaril siya sa Luneta kapag nanalo ang lahat
ng 13 mortal na kalaban nila sa eleksyon. O, di ba kakaaliw siya,
nais niyang gayahin si Jose Rizal? Minsan nama'y sinabi niyang
tatalon siya sa eroplano nang walang parachute kapag naaresto
si Asiong. Di lang pala siya high school declamation contestant,
stuntwoman na rin siya.
Pero medyo
sinungaling siya minsan. Di niya tinupad ang ikalawang sinabi
niya. Ang excuse lang niya, "I lied! Bwahahahahahaaaahaha!"
Si Sisa ay
mass leader rin pala; mala-Gabriela Silang ang aking bida. Bago
salakayin ng mga kampon ni Asyong ang Palasyo nong Mayo 1, kasama
si Sisa sa mga nagpa-agit sa palabang mob. Yun nga lang, noong
nagkakagulo na raw sa Mendiola, wala na sa eksena si Sisa. Ang
tsismis na kumalat, nagsu-swimming daw ang bruha!
Kakaiba di
ba? Multi-talented talaga si Aling Sisa. Kaya naman lungkot na
lungkot kaming mga nauto niya noong Mayo 14. Biruin mo, ang paborito
naming senadora'y tila di na makababalik sa Senado. Samantalang
noon, ingat na ingat ang mga tisoy at tisay na kakalat kalat at
titingin-tingin kay Sisa sa Senate halls, hah! Bawal kasing titigan
si Sisa--kadalasa'y naghuhuramentado siya!
Pero ngayong
talunan na si Sisa, ang paghahanap kina Basilio't Crisipin ay
malamang na itutuloy na lamang niya.
----------------------
Halata bang hindi na paborito ngayon ni Tembarom si Sisa?
|