Dalawang
Taon ng Tribulasyon
ni Reybeldeng Matanglawin
MAHIGIT tatlong
taon na ang nakalipas mula nang magtapos ako sa Reserve Officers
Training Corps (ROTC).
Kung lilimiin,
dapat ay hindi na ako nakikialam kasalukuyang kontrobersiyang
bumabalot dito dahil tapos na nga akong kunin ito. Ngunit ang
aking pakikisangkot ay ginagawa ko bilang isang nagmamalasakit
na mamamayang nagdaan sa dalawang taon ng walang kasilbi-silbing
pahirap upang makapagtapos lamang sa kolehiyo.
Noong freshman
pa lamang ako sa kolehiyo noon, mulat na rin ako kahit papaano
sa pagiging walang-silbi ng programang ROTC na sinasabi nilang
kinakailangang kunin sa unang dalawang taon ng kolehiyo. Tila
baga nag-aatubili akong kunin iyon; masarap pang mag-imbento ng
palusot, tulad ng pagkakaroon ng sakit na asthma (na sa katotohanan
ay mayroon talaga ako), huwag lamang enrolan ang naturang kurso.
Ayoko mang
mag-ROTC, napilitan pa rin ako. Nasa isip ko kasi, tulad ng nakararaming
estudyante, na kinakailangan ito upang makapagtapos sa kolehiyo.
Sa unang
taon ko sa ROTC ay noon ko napagtanto na mahirap din ang maging
kadete, kahit pa hindi ka opisyal ng balangay. Bukod sa katotohanang
ipagbubuno mo ang pagpasok sa kolehiyo anng anim na sunud-sunod
na araw sa isang linggo ay kinakailangan mo pang pumasok ng Linggo
upang sumailalim sa limang oras na dire-diretsong training sa
ilalim ng matindi at nakapanghihinang sikat ng araw habang nagmamartsa
at may hawak na mga istupidong ripleng antigo. (Ni hindi man
lang nga kami tinuran kung paano gamitin iyon sakaling may digmaan).
Wika nga,
mas masarap pa pala ang buhay noong ako ay nasa Citizen Army Training
(CAT) noong haiskul na kung saan bukod sa mas maikli ang lingguhang
training (sa aking kaso ay wala pang ddlawang oras) ay hindi naman
ganoon kahirap ang asignatura. Hindi ko rin nga dapat alalahanin
kung magagamit ko iyon sa pang-araw-araw na buhay dito sa mundo
dahil mga basics lamang sa military training ang tinuturo. Para
sa akin, mas pinalala lamang na CAT ang ROTC.
Dahil nga
sa hindi sanay ang katawan ko sa pahirap noon ay tila baga isinubo
ko na lamang ang napaka-init na pagkain sa bibig kahit ayoko.
Tiniis ko ang isang taon ng pagmamartsa, paghawak ng riple at
kung anu-ano pang mga walang kwentang parusa habang nagsasanay.
Tila baga sinasabi pa ng aming mga superyor na ang mga ganitong
kaseng training ay "nagpapalalaki" sa amin at naghihiwalay
sa mga tinatawag na bakla o binabae. Para naman yatang nalalayo
na ito sa tunay na layon ng ROTC na makapagsanay ng mga bagong
reserba sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Tuloy, dahilan sa
hindi rin makayanan ng malaki kong katawan ang rigorosong pagsasanay,
napadalas din ang absences ko. (Mabuti na nga lang at nakontrol
ko; kung hindi, malilintikan ako sa mga opisyales ng aming balangay).
Mabuti na
lang at hindi ako nagtagal sa pasakit na aspeto ng pagsasanay
militar sa ROTC. Nang pumasok na ako sa ikalawang taon sa programang
iyan ay nag-apply ako bilang kawani (staffer) ng pahayagan ng
aming balangay. Isang kaginhawaan din ito pra sa akin dahil mas
nagamit ko ang aking kakayahan sa pagsusulat makapaglingkod lamang
sa ROTC. Nagkataon din na noon ay ikalawang taon na ng implementasyon
ng Expanded ROTC Program, kung saan hindi na lamang sa pagmamartsa
at paghawak ng riple nakasentro ang ROTC; binuksan na rin ang
opsyon sa mga kadete na kumuha ng civil welfare service at law
enforcement service.
Kahit noon
pa mang kadete pa ako sa ROTC ay pingagarap ko na rin ang pagsasawalang-saysay
nito dahil hindi naman nagagamit kailanman ng mga nagtatapos rito
ang kanilang natututunan sa asignaturang ito. Siguro’y mas magkakaroon
pa ito ng silbi kung itulad na lamang ito sa programa ng Estados
Unidos na hawig din sa ROTC, kung saan binibigyang-pagkakataon
ang mga nakapagtapos na makapaglingkod sa mga sangay ng militar
sa loob ng isang taon. O kaya, sana'y minobilize na lamang ng
pamahalaan ang milyun-milyong mga reserbista na walang kapansanan
upang labanan ang mga teroristang Abuy Sayyaf na hanggang ngayon
ay namamayagpag pa rin sa Mindanao. Kung ganoon din lang sana
ay bukas ako na maglingkod diyan upang magamit naman ang mga natutunan
ko sa ROTC. Yun nga lang, sa ngayon ay wala na akong maalala ni
isa man sa mga ito.
Isa pa, nakikita
ko rin ang kawalang-silbi nito sa mga kakilala ko sa aming unibersidad
dahil ang ROTC ang nagsisilbing bulilyaso sa kanilang akademics.
Halimbawa, ang dalawa kong kakilala, isa sa kanila ay 37 taong
gulang na, ay hindi nakagradweyt dahil lamang sa kulang pa ang
kanilang units sa ROTC. Naghihintay na lamang sila ng abolisyon
nito upang makakuha na sila ng diploma. (Mabuti na nga lang at
kahit paano ay may mga magagandang trabaho pa rin sila.) Gayundin,
ang mga kakilala kong opisyales ng balangay ng ROTC sa amin ay
kamuntikan nang hindi makapag-enrol sa semestreng ito; Hindi nila
naipasa ang kanilang mga major subjects dahil mas napagtutuunan
nila ng pansin ang ROTC, kaya kamuntikan na rin silang mapatalsik
mula sa kani-kanilang mga kurso.
Sa ngayon,
lalo pang tumitindi ang protesta ng mga kadete upang iparating
sa ating pamahalaan ang kanilang pagnanais na buwagin na ang ROTC.
Naririyan ang mga walk-out tuwing may training day, mga pulong
o symposium para maipabatid sa madla ang mga layunin upang tuluyan
nang mabuwag ang isang programang pangakademiko na nawawalan na
ng saysay—at nang palitan ito, sakali man, ng isang programang
may layunin ng tunay na paglilingkod sa bayan. Nakakataba ng
puso na anuman ang hindi namin nagawa noong kapanahunan namin
sa programang iyan ay ginagawa ng mga bagong henerasyong mulat
sa mga pangyayari ngayon. At nangako ako sa sarili ko na tutulungan
ko ang mga grupong ito na ipabatid ang mensaheng ito sa pamahalaan
at mga mamamayan upang magtagumpay ang layuning lansagin na nang
walang anumang kundisyon sa lalong madaling panahon ang ROTC.
------------------
Ang
“Reybeldeng Matanglawin” ay pseudonym ng isang contributor dito
sa Tinig.com.
|