|
Lansagin
ang ROTC—Ngayon Na!
ni Rey Refran
USAP-USAPAN
na sa mga academic circle, lalung-lalo na sa mga mag-aaral na
kalalakihan sa kolehiyo, ang panawagan ng iba't-ibang sektor na
tuluyan nang buwagin ang programang Reserve Officers Taining Corps,
o mas kilala bilang ROTC, na mandatoryong ipinatutupad sa unang
dalawang taon ng kolehiyo para sa mga kalalakihan.
At hindi
rin kayaka-taka ang naging ebolusyon nito mula sa orihinal na
layuning magsanay ng mga reserbang pwersa para sa Armed Forces
of the Philippines (AFP) na gagamitin sakaling may pangangailangang
pangseguridad, tulad ng digmaang panloob, tungo sa kawalang-silbi
nito sa kasalukuyang sitwasyon at pagiging source of corruption,
lalo na sa mga nagnanais magtapos o may kakulangan dito sa asignaturang
ito.
Sa katunayan,
naging maningning din ang kasaysayan ng ROTC na itinayo noong
panahon na ang Pilipinas ay sakop pa ng imperyalistang Estados
Unidos. Naging malaki rin ang kontribusyon nito sa kampanya ng
bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa pamamagitan ng pamosong
Hunters ROTC Guerillas na nakipaglaban sa mga kolonyalistang Hapon.
Bukod pa rito ay nakikisangkot din ito sa mga gawaing pang-sibiko
tulad ng misyong medikal at outreach programs tuwing magkakaroon
ng mga kalamidad gaya ng bagyo at lindol.
Ngunit kumpara
sa ROTC noong unang panahon, para na rin sa karamihan, lalo na
sa mga naging kadete nito sa nakalipas na limang taon, hindi na
epektibo ang ROTC ngayon at hindi na rin ito ang ideyal na ROTC,
ayon sa depinisyon nito, para sa kanila.
Bago pa man
binulatlat ang katiwalian sa ROTC sa pamamagitan ng expose ni
Mark Welson Chua, isang opisyalsa balangay ng Unibersidad ng Sto.
Tomas, mulat na ang mga kabataang mag-aaral ukol sa pagiging walang-silbi
ng programang ito, na hindi na ito akma sa kasalukuyang panahon
kung saan hindi naman nagagamit ang reserbang pwersa tuwing mayroong
internal na kaguluhan tulad ng sa Mindanao. (Taliwas ito sa esensya
ng kahalintulad na programa ng ROTC sa Estados Unidos kung saan
binibigyang-pagkakataon ang mga nagtapos nito na magamit ang natutunan
nila sa militar sa pamamagitan ng conscription sa loob ng isang
taon.) Lalong umigting ang kahilingang buwagin na ang ROTC nang
pagakalipas ang expose na ito ni Chua ay bigla na lamang siyang
nawala. Makalipas ng tatlong araw ay nakita ang bangkay ni Chua
na lumulutang sa Ilog Pasig—may mga bakas ng pagpapahirap tulad
ng mukhang binalutan ng packaging tape at may ginapos ang kamay
at paa.
Ito ang nagmitsa
ng galit ng mamamayan upang ibayong isulong ng iba't-ibang sektor,
bukod pa sa sektor-akademiko, ang walang kondisyong pagbuwag ng
ROTC.
Sa loob ng
huling dekada, (pwera na lang sa mga kaakibat nitong programang
pang-sibiko, kung saan meron man nito) nawalan na ng silbi ang
programang ROTC. Mas malala na ang mga pahirap na nararanasan
ng mga kadeteng mag-aaral na sumasailalim dito. Sila na kailangang
isakripisyo ang araw ng Linggo upang sumailalim sa limang oras
ng walang patumanggang pagsasanay sa ilalim ng init ng araw sa
halip na iukol sa pag-aaral o sa pahinga makalipas ang pagpasok
sa unibersidad mula Lunes hanggang Sabado. Bukod pa sa walang
tigil na pagmamartsa ay hawak-hawak pa nila ang mga mabibigat
na riple na wala namang kasilbi-silbi at hindi kailaman nagagamit
sa aktwal na sitwasyon na disin sana'y itinuturo ng mga opisyales
nito. Idagdag pa rito ang dagdag na tribulasyon sa panig ng mga
kadeteng "nagkakasala" kapag sila ay pinaparusahan ng
sobra sa pwedeng i-tolerate ng tinatawag na military discipline.
Ang masaklap
na rito, kung ayaw na ng isang kadete na tapusin ito sa pamamagitan
ng regular na pagdalo kada Linggo o kaya ay kung nadedehado ito
sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo, ay idinadaan na lamang ito
sa pagbabayad ng limpak-limpak na salapi sa mga opisyales ng AFP
na humahawak ng mga balangay para lamang makapagtapos sa ROTC,
na isang malinaw na uri ng korupsyon.
Samantala,
bukod pa sa mga patung-patong na bayarin ng mga mag-aaral na dulot
ng walang habas na pagtataas ng matrikula ng mga administrador
ng kolehiyo at unibersidad, nakakadagdag lamang Ang gastusing
pang-ROTC sa pagpapabutas ng bulsa sa magulang. Halimbawa nito
ang mataas na presyo ng uniporme at iba pang mga kagamitang pang-ROTC
at maging ang mataas na presyo ng mga pagkaing ibinebenta ng mga
opisyales ng ROTC tuwing magbre-break ang mga ito mula sa nakakapagod
na pagsasanay.
At kahit
na nireporma ang ROTC noong 1996 sa pamamagitan ng Expanded ROTC
Program, kung saan ang mga kadeteng pumapasok sa kanilang ikalawang
taon sa programa ay maaring lumahok na lamang sa civic service
component nito, hindi pa rin nito nasugpo ang korupsyon ng ROTC.
Hindi pa rin naalis ang mga kabulukan kaugnay ng ROTC na nagpasira
naman sa imahe nito sa mga kabataang mag-aaral.
Lingid sa
kaalaman ng iba ay nagiging instrumento na rin ang ROTC sa gawain
ng sistematikong panunupil sa mga samahang makabayan sa pamamagitan
ng paglalagay ng
student intelligence sa mga balangay nito, at sa pambansang lebel
naman ay ang pagbibigay-importansya ng pamahalaan sa military
spending kung badyet ang pinag-uusapan kaysa sa gastusing pang-edukasyon
na tila walang pinag-iba sa pagpapahalaga sa ROTC sa halip na
akademics lalo na sa mga opisyalnito.
Kahit na
noong hindi pa mang naging usap-usapan ang isyu ng pagbuwag ng
ROTC ngayon ay may mga panukalang-batas na na isinampa sa mga
kapulungan ng Kongreso para sa layuning ito. Isa na rito ang
kay dating Senador at ngayon ay Kalihim ng Department of Education,
Culture and Sports na si Raul Roco na naglalayong alisin na ang
ROTC dahil nawalan na ito ng silbi. Pero ngayong nasa gabinete
na siya ng pamahalaang Macapagal-Arroyo ay tila baga nag-iba na
ito ng tugtugin at sinasabi na gawin na lamang itong opsyonal
sa mga nagnanais kumuha nito. Kasabwat pa sa ganitong pananaw
si Kalihim Angelo Reyes ng Department of National Defense na isa
ring dating pinuno ng sandatahang lakas ng bansa.
Ngunit sa
harap ng mga katotohanang ito ukol sa kabulukan ng ROTC, ang dapat
na isinisigaw ng mamamayan ay ang walang kondisyong pagbuwag nito!
Hindi na natin kailangan pa na magkaroon pa ng isang Mark Welson
Chua na kailangang isakripisyo upang maihatid lamang ang mensaheng
alisin na ang walang silbing programa nito dahil bukod sa nagiging
taliwas ito sa orihinal na diwa ay nagiging pugad pa ito ng korupsyon
sa mga paaralan at sa mga taga-militar.
At habang
paliyab ng paliyab ang panawagang ito, kung tunay na may malasakit
tayo sa kapakanan ng ating bansa, tayo ay dapat magkaisa sa panawagang
putulin na ang tanikalang ito at kung sakali mang palitan, dapat
ay isang programang tunay na makapaglilingkod sa mga mamamayan
ang ilagay. Hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang ating mga awtoridad
rito. Ipagpatuloy pa natin ang pangangalampag sa kanila upang
makamit ang layuning ito.
Buwagin ang
ROTC—ngayon na!
------------------
Si
Rey Refran ay mula sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila.
|