|
Wakasan ang
Corruption, Buwagin ang ROTC!
ni Jose A. Cosido
ANG IMPLEMENTASYON
ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) program sa curriculum
ng kolehiyo ay manipestasyon ng isang mapaniil na sistemang pang-edukasyon
sa ating bansa.
Ipinapakita
nito kung paano ginagamit ng pangkat militar sa Pilipinas ang
kapangyarihan nito upang pasunurin ang mga mamamayan sa kanyang
liderato. Walang direktang kahalagahan ang pagsasanay militar
sa kolehiyo; ipinapatimo lamang nito sa isipan ng mga kabataan
ang kapangyarihan sa pamamagitan ng kamay na bakal.
Tuwing training
day, sakit at pagod lang ng katawan ang nakukuha nating mga estudyante.
Kinakailangang tapusin natin ang apat na semestreng ROTC program,
ngunit hindi naman ito magagamit sa paghahanap ng trabahao kapag
nakuha na natin ang ating diploma sa kolehiyo.
Hindi malinaw
sa kabataan ang layunin ng estado sa pagpapatupad ng programang
ito. Ang
sabi ng ilang opisyales ng lokal na yunit, magagamit daw ang kasanayan
sa ROTC sa panahong lulusubin tayo ng mga mananakop. Bilang mga
mamamayang Pilipino, responsibilidad natin ang ipagtanggol ang
soberenya ng bansa, at naaayon naman daw ito sa konstitusyon ng
Republika ng Pilipinas. Pero anong pananakop pa ba ang ibig nilang
sabihin gayong sa kasalukuyan, ang ating bansa ay malakolonya
ng Estados Unidos? Nakikita ang dominyon nito sa ekonomiya at
pulitika ng bansa.
Ayon kay Lt.
Col. Jose Mabanta, Philippine Army Public Affairs officer, hindi
raw nila hahayaang mabuwag ang ROTC. Kapag pinayagan nila itong
mangyari, para na rin daw nilang hinayaang lumala ang suliranin
kaugnay ng ROTC na kasalukuyang nagaganap sa mga unibersidad.
Ang tinutukoy niyang suliranin ay ang pagpapatindi ng panawagan
ng makakaliwang grupo ng kabataan sa pagpapabuwag nito.
Di ba't nagbubulag-bulagan
ang opisyal na militar na ito? Ang nagaganap at lumalalang corruption
sa loob ng mga lokal na yunit ang pangunahing suliranin ng ROTC
sa lahat ng pamantasan. Nang dahil sa corruption kung kaya may
Mark Welson Chua na nagbulgar at nagsiwalat ng katiwalian sa University
of Santo Tomas-ROTC—na humantong pa sa karumal-dumal na pagpaslang
sa inosenteng si Mark.
Maging sa
Pamantasan ng Uring Anak-pawis, ang PUP, mas malaki pa ang binabayaran
ng isang kadete sa uniporme sa pagsasanay kaysa sa kanyang binabayarang
matrikula, na P400 hanggang P700 lamang sa isang semestre. Sapilitang
ipinagbibili ang T-shirt sa halagang P180 at mga patch na nagkakahalagang
P140. Maliban pa riyan, sinusukatan sila ng fatigue uniform na
nagkakahalaga ng P1, 200. Tuwing Linggo, sa panahon ng pagsasanay,
pinagbibilihan ang mga kadete ng 12 oz na softdrinks sa halagang
P12 na mabibili mo ng walong piso lang sa labas. Ang tatlong
pisong hopia naman ay dalawang piso lang sa labas. Pwede sanang
bumili ang mga kadete sa mga malalapit na tindahan upang makatipid
subalit hindi sila pinapayagan ng mga opisyales na lumabas ng
pormasyon.
Humigit kumulang
na walong libo ang kumukuha ng pagsasanay kada Linggo sa PUP.
Sa loob ng isang semestre, ilang milyon kaya ang kinikita ng lokal
na yunit sa mga gimik nilang ito? Sinabi pang ang mga mag-aaral
sa pamantasang ito ay nagmumula sa uring mahirap.
Makatuwiran
ang panawagan ng mga kabataan na buwagin ang programa ng ROTC.
Sa ganitong paraan lamang mawawakasan ang pandarambong sa loob
ng ROTC unit. Corruption ang ugat ng suliraning kasalukuyang nagaganap
sa nabanggit na programa, at hindi ang pagdodomina ng mga makakaliwang
kaisipan--iyan ang dapat malaman ng pamunuan Philippine Army.
-------------------
Si Jose Cosido ay editor-in-chief ng The Catalyst, opisyal na
pahayagan ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines.
|