SA PAGLABAS ng isyung ito ng Tinig.com, bawat galaw ng kamay ng
orasan ay isa ring hakbang patungo sa kamatayan ng isang Pilipinong
nagngangalang Angelo de la Cruz, manggagawa sa Iraq at kaisa-isang
bumubuhay sa isang pamilyang walo ang anak sa Mexico, Pampanga.
Binihag si De la Cruz ng ilang rebeldeng Iraqi nitong Hulyo 8,
at hinihingi ng mga bumihag sa kanya na pauwiin ng gobyerno ng Pilipinas
ang lahat ng sundalong Pilipinong nasa Iraq. Binibigyan ang gobyerno
ng hanggang Hulyo 20 upang pauwiin ang mga sundalong Pilipino, at
kung hindi matutupad ang kahingian sa loob ng nasabing panahon ay
mapupugot ang ulo ni De la Cruz.
Bago pa mabihag si De la Cruz, dito man sa Pilipinas ay mayroon
nang malakas na panawagang pauwiin ang mga sundalong Pilipinong
nasa Iraq. Kabilang sa mga nananawagan nang ganito ang mga katulad
ni dating Pangalawang Pangulong Teofisto Guingona, Jr. at ni Sen.
Manuel Villar, tagapangulo ng Komite ng Senado sa Ugnayang Panlabas.
At bakit nga naman hindi? Ang digmaang diumano'y bubuwag sa mga
mapaminsalang sandata ng Iraq, bahagi ng pagbaka sa "pandaigdigang
terorismo," at magpapabagsak sa isang diktador ay wala pang
napatutunayan magpahanggang ngayon, mahigit sa isang taon mula nang
ilunsad ito ng Estados Unidos.
Bago pa man lusubin ng Estados Unidos ang Iraq noong Marso 20,
2003, naipakita na ng inspection team ng Nagkakaisang mga Bansa
(United Nations o UN) sa pangunguna ni Dr. Hans Blix na may ilang
taon na rin mula nang kusang sirain ng Iraq ang mga mapaminsalang
sandata nito.
Wala ring naipakikitang katibayan ang gobyerno ni George W. Bush
na kunektado ang dating pangulo ng Iraq na si Saddam Hussein sa
pandaigdigang terorismo, at bagama't napabagsak ang diktadura nito
ay marami pang tinatangkilik na diktadura sa ibang bansa ang Amerika-tulad
na lamang halimbawa ng mga gobyerno ng Israel, Turkiya, at Saudi
Arabia.
Kung may napatunayan man ang giyera ng Estados Unidos laban sa
Iraq, ito ay ang lubusan nitong kawalan ng katwiran. Kinandili ng
Estados Unidos si Saddam sa loob ng mahabang panahon, sa karurukan
man ng mga kasalarinan ng kanyang rehimen, hanggang sa tanggihan
ng huli ang kagustuhan ng unang hawakan ang industriya ng langis
sa Iraq.
Tinangkilik ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo ang digmaang
ito-isang digmaan ng kahayukan sa kayamanan. Dahil dito, nanganganib
ang buhay ng halos isang milyong kababayan nating nasa Gitnang Silangan.
Ngunit matigas ang mukha ng gobyernong Arroyo sa pagtanggi sa hinihingi
ng mga bumihag kay Angelo de la Cruz-na makatwiran, mga terorista
man sila o hindi. Ang ating mga sundalo'y walang silbi roon kundi
mga turnilyo sa makina ng isang digmaang makadiyablo. Iginigiit
ng gobyernong Arroyo na paninindigan nito ang ipinangako sa Estados
Unidos na pananatili sa Iraq ng mga tropang Pilipinong bahagi ng
international peacekeeping force hanggang sa Agosto 20.
Kung hindi magbabago ang pusisyon ng gobyernong Arroyo, masasabing
patay na si Angelo de la Cruz humihinga pa man. At naliligo sa kanyang
dugo ang mga kamay ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang Palasyo ng Malacañang ay inookupahan ngayon ng isang
buwitreng nanalo sa kuwestiyunableng paraan, napatunayan nang walang
pakialam mamaluktot man sa gutom ang mga mamamayan, at ngayo'y maliwanag
na hindi mangingilabot na magbuhos ng dugo ng ilan mang Pilipino
basta't makuha ang pabuyang kapalit ng paghimod sa titi ni Tiyo
Samuel-kahit na ang pabuyang ito'y napakalinaw na walang silbi sa
sambayanan.
Kung malalaglag ang ulo ni Angelo de la Cruz, napakahirap tanggihan
ang waring muling pag-aanyaya ng Edsa't Mendiola.