NAHUHULOG NA ang iyong mga bituin,
Kaya naglalaho na ang iyong ningning,
At kapalaran mo'y lalong dumidilim,
Tiyak sa bangungot di ka magigising!
Pumupusyaw ang dugo mong bughaw,
Sa labis na pagnanasang di mapigil
Sa paglingkis at pagtuklaw,
Berdeng kamandag mo'y lumilipol!
Namumutla ang pula sa iyong bandila,
Kaya masidhi ang nais mong ito'y kulayan,
Ng dugong inosente't sariwang-sariwa.
Tinutungayaw ka na ng sangkatauhan!
Kaya lalo kang nagpapakapal ng mukha.
Ngunit nahuhulog na ang iyong mga bituin,
Pumupusyaw ang dugo mong bughaw,
At namumutla ang pula sa iyong bandila!
Pinturahan mo man ng puti ang panlilinlang,
Hindi maikukubli ang maiitim mong balak.
Huhusgahan ka ng sangkatauhan!
Tiyak na ang iyong pagbagsak.