HINDI ITO tinatawag na world wide web
ng walang kadahilanan.
Sa ilang pindot
Sa kaunting kalikot
Ng mouse,
Sa pagdadaliri
Ng QWERTY keyboard,
Maaari mo nang libutin
Ang buong mundo,
Maging ang kalawakan,
O mamasyal
Sa kung saan man,
Nang hindi umaalis
Sa kinauupuan.
Sa iyo na ring pagtahak
Sa Information Highway,
Maaari ka na ring magpick-up
Ng mga babae
O di kaya'y lalaki,
Matanda man,
O sobrang bata
Batay sa iyong kagustuhan
At sexual preference.
Maaari mo silang makaniig
Sa loob ng ilang bps
Gamit ang minimum requirement na 56K,
Dial-up man o DSL.
Mga daliri'y di maalis ang pagkakalapat
Sa dagang-di-naman-talaga-daga,
At sa pagsipat sa mga titik,
Mga mata'y di matanggal
Mula sa malagkit na pagkakatitig.
Ang kompyuter ay naging mahalaga sa
Pananaliksik,
At ngayo'y ginagamit na rin pati sa
Pakikipagtalik.
Sadyang kahit ano, maaari mo nang gawin
Dahil sa internet.
Iyon nga lang, masyado tayong
Nalilibugan, Nalilibang,
Hindi natin namamalayan
Unti-unti nang nilalamon ng
Gagamba ng Pagkakasala
Ang mga Bangaw ng ating
Pagkatao.