HALATA ANG ligaya sa mga ngiti ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
nitong mga nakalipas na araw. Natapos na rin kasi sa wakas ang halos
walang hanggang bilangan ng mga boto sa Konggreso at siya ang nakakuha
ng pinakamataas na boto: 12,905,808. Mahigit isang milyon ang lamang
niya sa pumangalawang si Fernando Poe Jr.
Sa labanan ng Da King at The Queen, na-check mate ang hari ng pelikulang
Pilipino. Wagi ang reyna ng tradisyunal na pulitika sa Pilipinas!
Kaya naman si Arroyo, namasyal na upang magpasalamat sa mga nagbigay
sa kanya ng pinakamimithing mandate. Di nga kasi'y humalili lamang
siya sa pinatalsik na Pangulong Joseph 'Erap' Estrada, na ngayo'y
akusado at nakakulong sa kasong pandarambong. Ang naglapat ngayon
ng legitimacy sa pamumuno ni Arroyo ay pinangunahan ng mga Cebuano,
kaya naman sa pagbisita roo'y nangako siyang magtatayo ng Malakanyang
sa Cebu. Hala, lubog nga tayo sa utang, darami pa ang Palasyo ng
ating mga dugong bughaw.
Noong Huwebes na madaling araw ay ipinroklama na ng Konggreso ang
Reyna at ang kanyang konsorte, si Kabayang Noli de Castro--isang
baguhang Senador na ang karanasan ay hindi sa pamamahala kundi sa
paghahatid ng balita. Wala nang nagawa ang mga alipores ni Poe sa
pangunguna nina Senador Aquilino Pimentel at Congressman Didagen
Dilangalen, na lahat ng palusot ay ihinirit, maantala lamang ang
bilangan at proklamasyon.
Ang linya naman ni Senador Franklin Drilon matapos ang proklamasyon,
dapat na raw magsimula ang healing process. Kumbaga,
pagkatapos ng eleksyon, dapat magkasundo na ang mga magkakalaban
sa pulitika upang makasulong na tayo at makapagsimulang muli.
Magandang pakinggan pero mahirap asahan. Paano tayo muling magkakaisa
at makakaabante kung bitter pa rin ang oposisyon sa resulta ng halalan?
Paano natin makukumbinsi ang mga natalo na makiisa sa pamahalaan
kung sa paniniwala nila ay nadaya sila? Paano mapapakalma ang mga
mamamayang nakasaksi sa umano'y talamak na dayaan noong Mayo? Paano
maibabalik ang tiwala ng mga mamamayan sa kasalukuyang liderato
kung kumbinsido silang nilustay nito ang kanilang buwis upang tustusan
ang kampanya nina Arroyo at De Castro?
At sino pa ang muling magtitiwala sa Reynang sumigaw ng lobo? Nagsabi
siya noong 2002 na hindi na lang tatakbo upang mapagkaisa ang bansa.
'Yun pala, bahagi lamang iyon ng kanyang maagang pangangampanya.
Noong 2001, nangako siya ng bagong pulitika at leadership by example.
Pero nalusaw sa hangin ang mga pangakong ito. Nanaig ang luma at
tradisyunal na pulitikang nagtatanggol sa pansariling interes ng
mga nasa kapangyarihan. Upang manatiling malapit sa United States,
sinuportahan niya ang pananakop nito sa Iraq sa kabila ng panganib
na lalo tayong maging target ng mga terorista.
Ipinakita ng partido ni Arroyo na wala itong ipinagkaiba sa oposisyong
ibinasura na sa kangkungan noong People Power 2 nang kunin nilang
running mate ang popular na si Noli de Castro--at nang tanggapin
nila ang mga balimbing na sina Miriam Santiago at John Osmeña.
Sa ganyang katangian ng pamunuang babalik sa poder, may maaasahan
kaya tayong malawakang pakikiisa ng mga mamamayan?
Baka hindi pa dapat magdiwang ang Reyna. Maaaring pansamantala
lamang ang kanyang ligaya.