MAIKLING KUWENTO
Estrangherong Anino

LALO SIYANG gumanda. Maitim na maitim pa rin ang mahaba niyang buhok. Kitang-kita ang natural na pula ng kanyang labi. Larawan pa rin siya ng simpleng kagandahan. Ng payak na kagandahan. Ng kagandahang noon pa'y akin nang napapanaginipan.
Sadyang lalo siyang gumanda. Lubusan nang nagkahugis ang mga kurba sa kanyang katawan. Ng kanyang malusog at mabilog na katawan. Medyo mas matangkad na rin siya kaysa dati. Siguro masustansya ang kanyang pagkain sa loob ng pitong taon na hindi ko siya nakita.

Dapithapon iyon nang magkita kami. Nag-uumpisa nang maging abala ang syudad. Tinalunton namin ang pamilyar na kahabaang kabisado na namin noon pa. Hindi ako makapagsalita subalit alam niyang marami akong sinasabi sa aking mga mata. Mga salitang hindi ko mabigkas sapagkat paningin lamang ang hindi nauumid sa mga sandaling iyon.

"Kailan ka pa dumating?" siya ang bumasag sa katahimikan. Gumagalaw sa simoy ang kanyang maitim at mahabang buhok.

"Noong Miyerkules lang," tugon ko sa kanya. "Kararating ko lang dito sa syudad kahapon."

"Teka, san ba tayo magkukwentuhan?" pakli niya. "Iyong makakaupo naman tayo kase nakakapagod na maglakad."

"Doon sa may coffee shop," sagot ko. Ewan ko ba, mula nang magkunwari akong manunulat, lalo akong nahilig sa pagkakape.

Umorder kaagad kami ng kape pagkarating namin sa coffee shop. Napansin kong may kakaibang lungkot sa kanyang mga mata. Wari'y may suliranin na matagal nang inililihim.

"Kumusta ka na pala?" tanong ko sa kanya. "Balita ko nagtuturo ka raw ngayon?"

"Heto, ayos naman kahit hindi. Nababaliw na sa dami ng mga bagay kailangan kong gawin," buntung-hininga niya. "Heto, paturo-turo nga ng kaunti. Ikaw, kumusta ka na?"

"Mabuti naman. Patambay-tambay. Pagala-gala," tugon ko. "Heto, Pabyahe-byahe ngayon."

"Mabuti ka pa. Pa-easy-easy lang sa buhay," sambit niya. "Ako, heto kayod-kalabaw."

"Sa totoo lang, marami din akong ginagawa. Pero medyo naburyong lang kaya iniwan ko muna lahat na paperworks ko," marahang sagot ko. "Kumusta ang trabaho mo?"

"Well, medyo ayos naman. Nahihirapan lang ako kase nagmamasteral din ako ngayon," tugon niya sa akin.

Nagpatuloy ang aming kwentuhan. Sinubukan kong ugatin ang kalungkutang nakikita ko sa kanyang mga mata. Subalit sadyang mailap ito sa aking pang-unawa. At sa daloy ng aming kwentuhan, napagtanto kong alam niya ang aking binabalak.

Marami na pala ang nagbago sa kanya sa loob ng pitong taon. Hindi na siya ang dating masayahing nilalang na aking nakilala. Hindi na siya ang nilalang na nagsasabi ng lahat niyang sekreto sa akin. Marami na siyang inililihim. Katulad ko rin. Maraming lihim.

"Napasarap yata ang kwentuhan natin. Gabi na pala," biglang putol niya
sa aming kwentuhan.

"Oo nga," sagot ko. "O pano?"

"Sa bahay ka na maghapunan," paanyaya niya sa akin.

"Naku, wag na. Babyahe din ako ngayon," dagling tugon ko.

"Ikaw naman, minsan ka na nga lang mapasyal dito," sagot niya sa akin.

"Sige na. Maaga pa naman. Makakasakay ka pa mamaya."

"Naku, gusto ko sana kaso may hahabulin din ako," pagdadahilan ko. "Ihahatid na lang kita sa inyo."

"Sige. Ikaw ang bahala," nagtatampo ang tono ng kanyang boses. At nakita kong lalong tumingkad ang kalungkutan sa kanyang mga mata.

Noon ko lamang napagtanto ang dahilan ng kalungkutang kanyang inililihim. Pitong taon din niya itong ikinubli. Ang kalungkutang saksi sa pagkahubog ng mga kurba sa kanyang katawan. Ng pagpula ng kanyang labi. Ng pagpungay ng kanyang mga mata.

Hindi ako dinalaw ng antok ng gabing iyon. Nagsasalimbayan sa isip ko ang mga pangyayari pitong taon na ang nakalipas. Panahon iyon ng musmos na kasiyahan. Hudyat ng pagkagising sa tunay na daigdig. At sa gabing iyon ko lamang naisip na pitong taon din pala siyang naghihintay.

Ngunit hindi ako nakaramdam ng anumang alinlangan. Sapagkat sinunod ko lamang ang tawag ng paglalakbay. At musmos pa ang aking puso pitong taon na ang nakalipas. Hindi ko inaasahang maging ganun kaseryoso ang kanyang pananaw sa kamusmusan namin pitong taon na ang nakalipas.

Naging totoo lamang ako sa aking sarili kaya umalis ako pitong taon na ang nakalipas. Kaya sumunod ako sa tawag ng paglalakbay. At marami na ang nagbago mula noon.

Hindi ako dinalaw ng antok sa gabing iyon. Sapagkat sa loob ng pitong taon, hindi ko akalaing hinihintay niya ako.

Subalit wala na akong magagawa pa. Sadyang marami na ang nagbago makalipas ang pitong taon. Sapagkat hindi na ako ang dating ako. Higit sa pagbabago ng pisikal na kaanyuan, nabago na ako ng buung-buo. Hindi na ako ang nilalang na umiibig noon sa kanya. Hindi na ako ang nilalang na umiibig. Sapagkat ako ay anino na lamang ng mga ako na nauna sa akin. Ako ay anino na lamang na nabubuhay sa pagiging estranghero sa liwanag at dilim.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan