MAIKLING KUWENTO
UrBaN Camouflage

TAHIMIK ANG Sabadong iyon sa building ng Fine Arts.

Maraming nagkalat na artworks, mga papel na may pinta, mga basyo ng paint brush at tigang na dahon. Ginagawa ang kanang bahagi ng building. Merong mga manong at tatang na nagkukumpuni at nagsesemento. Magulo ang paligid. Pero tahimik ang Sabadong iyon.

Narito ako para makita at mapanuod ang isang urban camouflage, ang final activity ng klase ni Prof Silvestre para sa kanyang FA students. Inimbita ako ng isang kaibigan para maging isa sa mga audience.

Alas diyes ng umaga ang usapan namin pero pasado alas 10:30 na ng umaga ako dumating sa FA. Meron ng mangilan-ngilang tao na tulad ko ay nagmamasid na rin sa kung ano man ang maaring mangyari. Akala ko pa naman late na ko!

Kaya pala tahimik. Wala pang masyadong tao. Puro lang artworks at kung anong mga anek-anek na nakakalat kung saan.

"What is this urban camouflage thing ba?!" tanong ng isang maputing babae na naka-itim na t-shirt at naka-maong na skirt. Napatingin ako sa maganda niyang mukha. Kamukha niya si Yukie Nakama (yung gumanap na Sadako sa Ring 0). Sa katahimikan ng paligid at sa kalat ng lugar, naisip ko na parang di at sha bagay sa lugar. Para kaseng nayaya lang siya (o napilitan kaya).

Tinungo ng aking mga mata ang taong katabi niya. Isang matabang lalaki na nagsusumigaw sa kakulotan ang buhok, tirik-tirik (di man lang ata naligo or nag-gel para di halata). Meron siyang apat na hikaw sa kanang tenga at dalawa pa uli sa kaliwa.

"Camouflage! Yung ano, yung nagka-camouflage sila para maka-adapt sila sa isang chosen environment. Ganun! Urban kase...hello, we're in Manila kaya noh!" sagot niya. Tila nakuntento naman ang babaeng maputi sa simple niyang explanasyon kaya di na uli nagtanong.

Nagpasya na rin akong magmasid sa paligid.

Magmasid sa tahimik na paligid.

Magmasid.

Magmasid.

Magmasid!

Yung simple lang pero nagmamasid talaga-- sinusuyod ang kaibuturan ng lugar.

Napansin ko agad ang isang tila tumpok ng dahon sa may ilalim ng puno. Tatapakan ko na sana kundi lang ito nagsalita: "Putsa miss, ingat ka lang tao 'ko inde tuyong dahon!" Muntikan ko ng maitapon ang kamerang hawak ko. Putsha ka rin...tao ka pala e bat ka nangugulat! Pinagmasdan ko ang nagsalitang tuyot na dahon at nakita ko ang isang pares ng mga mata na galit na nakatingin sa akin. Wahh! Tao nga ang gago!

Sinadya kong umatras palayo sa tuyong dahon. Sobra ata ang gulat ko (parang lumabas yung puso sa dibdib ko!) Di ko naiwasang matapakan ang isang naka-usling ugat ng malaking puno. "Ouch!" sabi ng ugat. Nilapit ko ang mukha ko sa nagsalitang ugat at napansin duon ang isang malambot na hita na naka-camouflage ng balat ng ugat at ang isang maputing mukha na tila nakadikit sa balat ng puno.

Mukhang marami pa sila.

At ang bawat isa ay kaduda-duda. Ang bato. Ang puting dingding. Ang umpok ng basura. Ang aircon sa may bintana. Ang poste sa may puno. Ang semento. Ang estatwa. At kahit ang sanga sa taas ng puno.

Lahat sila ay pawang me mga mata at nakakapagsalita. Hindi ko alam, pero biglang naging mapanganib ang paligid para sa akin. Para tuloy ayaw ko ng kumilos. Ayoko ng ihakbang ang aking mga naningiming mga paa.

Baka pati ang lupa ay meron ding isang pares ng mga mata. O kaya'y bibig na nakakapagsalita!

Nasaan na kaya yung kaibigan kong gago na nag-imbita sa 'kin sa lugar na ito? Putsha! Sasakalin kita pagnakita kita! Ibabaon kita sa lupang 'to.

Nagpasya kong magpahinga sa may likod ng field. Dun sa maraming naka-balandrang mannequin at paper mache. Sa pagod, naisandal ko ang kamay ko sa isang kulay itim na mannequin. At muli'y parang sinilaban ang puso ko. "Uy, salamat at dumating ka! Kanina pa kita pinagmamasdan. Para ka palang sira ulo pag nagugulat, hehehe!"

At nagsalita ang akala ko ay mannequin. Anak ng teteng naloko na naman ako! E gago pala talaga 'to e! Dagukan ko kaya?

Ngunit kinaya ko! Ang mga gulat ay kinaya ng puso ko.

Kinaya ko rin ang matinding pagnanais na makasakit. At sinimulan ko shang titigan, kinunan ng kamera at saka tinusok ng tingting sa ilong. Di sha makaangas kase andun malapit sa amin si Prof Silvestre. Ha! Buti nga.

Natapos ang buong palabas. At lahat ay nagsilabasan sa kanilang mga lungga. Putsha dami pala nila! Gumalaw ang isang tumpok ng tuyong dahon, tumayo ang bato, naglakad ang puting dingding, nagsalita ang mga puting estatwa.

Pero masaya ako kase tapos na ang lahat!

---------------
Si Rayts dela Cruz, 24, ay nagsusumikap umangkop sa kapaligiran bilang isang bato sa ilog-matigas pero dinadaluyan ng malamig at purong tubig mula sa bundok.

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan