MAIKLING KUWENTO
Manika

PITONG TAONG gulang ako noon, isang neneng walang kaalam-alam sa mundo. Ibinibigay sa akin ni Nanay at Tatay ang bawat hingiin ko, maging damit, sapatos, lutu-lutuan, o manika man ito. Mahilig ako sa manika noon, kaya naman umabot ng labing anim ang koleksyon ko ng Barbie. Lahat sila, nakahilera sa aking kama at katabi ko matulog gabi-gabi. Ang mga manikang ito ay kasama sa aking pang-araw-araw na rituwal.

Pagkagising, huhubarin ko ang kanilang mga damit pantulog at isa-isang bibihisan ng mga makulay at magarang baro. Pagkatapos, marahan kong susuklayin ang mahaba, tuwid, at kulay mais nilang buhok hanggang sa mangalay ang aking braso. Dadaan sila sa aking inspeksyon at sisiguraduhin kong bawat hibla ng buhok ay nasa tamang puwesto, walang gusot ang kanilang mga damit, at mahinhin silang nakaupo. Lalabas lamang ako sa aking kuwarto para mag-almusal kapag nagawa ko na ang mga ito. Pagkatapos kumain, babalik ako sa kuwarto kasama si Nanay at ihahanda namin ang aking damit na susuotin pagpasok. Ipapatong niya ito sa aking kama, at kukunin ko naman ang Hawaiian Barbie at Mermaid Barbie na lagi kong kasama maligo. Mayroon pa silang mga shower cap para hindi mabasa't masira ang kanilang magandang buhok. Ipinagawa pa ni Nanay ang mga showercap sa mananahi. Sabay kami ng mga Barbie ko maligo. Pagkatapos kong magsepilyo at maghanda sa pagpasok, babalutin ko ang dalawang Barbie ng bata-d
e-banyo, at isasama naman ang Teacher Barbie ko. Si Tatay ang laging naghahatid sa amin ng mga kapatid ko papuntang paaralan, bago siya pumunta sa trabaho. Malapit lang ang paaralan; kayang-kaya ko itong lakarin, ngunit ayaw akong payagan nila Nanay, pero si Kuya, na dalawang taon lamang ang tanda sa akin, pinapayagan nila. Bago bumaba sa kotse, hahalik muna ako sa pisngi ni Tatay at magpapaalam sa bunso kong kapatid. Bababa kami ni Kuya at ihahatid pa niya ako sa silid-aralan.

Pinauupo ko ang Teacher Barbie sa ibabaw ng mesa. Naiinggit ang mga kaklase ko sa akin, pero ipinapahiram ko naman ang manika sa kanila. Mahilig ako mag-aral noon. Gusto ko, may natututunan ako araw-araw. Namangha yata sa akin ang mga guro ko kung kaya't inilipat nila ako sa ikatlong baitang. Tuwang-tuwa sila Nanay at Tatay. Ako man ay natuwa rin: nagkaroon ako ng tatlong bagong Barbie.

Bawat araw pagkauwi. Nakikipaglaro ako ng mga manika sa bunso kong kapatid na lalaki. Tapos, magtatagu-taguan kaming magkakapatid sa loob ng bahay, hanggang sa dumating ang aming mga magulang galing opisina. Magmamano kami, hahalik sa kanila, at isa-isang maliligo. Isinasama ko naman ang aking Bath Barbie at maliligo kami sa banyera. Nagpapapuno si Nanay ng tubig at naglalagay pa ng pampabula. Iniiskuba ko pa ang Barbie at nagiimbento ng mga kuwento kung saan siya'y sumisisid para sa mga perlas, hanggang sa mangulubot ang aking mga daliri.

Kapag tinatawag na kami ng mga katulong para kumain, sabay-sabay ang buong pamilya. Ito ang paborito kong bahagi ng buong araw sapagkat kumpleto ang buong pamilya. Nagbibiruan kami at nagkukuwentuhan. Pinapatong ko pa sa mesa ang Birthday Barbie na may keyk pa, at ang aking Sporty Barbie. Pagkatapos, magsesepilyo ako at gagawa ng takdang aralin. Mayamaya ay papasok sa kuwarto si Nanay at Tatay upang tulungan ako sa matematika. Habang tinitingnan ni Tatay kung tama ang aking mga araling bahay, tinutulungan naman ako ni Nanay na bihisan ng pantulog ang mga Barbie. Isa-isa kong hahalikan ang mga Barbie at kukumutan ako ni Nanay at Tatay. Hinahalikan pa nila ako sa pisngi, si Nanay sa kanan, at si Tatay sa kaliwa. Pinapatay nila ang ilaw at lagi akong bumubulong ng pasalamat sa Diyos bago pumikit.

Akala ko, matatawag nang buhay ang lahat ng iyon. Akala ko, puro ganoon na lamang: Barbie, mapagmahal na pamilya, at matataas na marka. Hindi pala.

Isang araw, tinipon kaming magkakapatid ni Nanay at Tatay sa kanilang kuwarto. Nagsusuklay ako ng Barbie noon at isinama ko ito. "Jopo, Pau, Benjie," simula ng aking Nanay.

Nagtaka ako kung bakit niya kami tinawag sa aming mga tunay na pangalan. Hindi niya ginagawa iyon. Malambing ang Nanay ko. Popo, Pauiekan, at Bebol ang tawag niya sa amin lagi.

"May mahalaga kaming sasabihin ng Tatay niyo."

Nagtinginan kaming magkakapatid at nagngitian. Naisip naming babalik na siguro kami kina Lolo't Lola sa California at pupuntang Disney Land para bisitahin si Mickey Mouse.

Tanong ni Kuya, "Kailan po tayo aalis, Nanay?" Naghagikhikan kami ni Benjie sa tuwa. Sabik na sabik na kaming makita sila Lolo.

"Hindi. Makinig kayo," wika ni Tatay. "Maghihiwalay na kami ng Nanay niyo."

Tumahimik ang lahat. Ipinaliwanag nila na hindi na raw nila mahal ang isa't isa sa paraan ng mag-asawa. Wala raw kaming kasalanan doon. Mahal na mahal pa rin daw nila kami at hindi iyon magbabago. Habang nagsasalita sila ay sinusuklayan ko pa rin ang Princess Barbie. Umiyak si Kuya at si Benjie. Isang salita lamang ang nasabi ko bago bumalik sa kuwarto, "Okey." Iniwanan ko ang aking pamilyang nagyayapusan at nag-iiyakan.

Pinagbawalan ko ang sarili kong umiyak. Halos hindi ko napigilan ang sarili ko nang marinig ko ang malakas na hagulhol ni Kuya at ni Benjie. Pakiramdam ko'y may pumipiga sa aking mga laman at tila hindi na ako makahinga. Gusto kong bumagsak sa sahig at mamilipit sa sakit. Ngunit hindi ko tinuunan ng pansin ang mga ito. Mababasag lamang ako kapag bumigay ako.

Pagpasok ko sa aking kuwarto, alam ko na agad kung ano ang aking gagawin. Itinapon ko ang bawat isa sa labingsiyam kong Barbie sa ilalim ng kama. Wala naman kasi silang alam gawin kundi umupo at maging maganda at mabuhay nang masaya. Umupo ako sa kama at hinintay si Nanay at Tatay. Alam kong susundan nila ako.

Bumukas ang pinto at sumilip sa Tatay. Pumasok sila ni Nanay sa kuwarto at sa sandaling iyon, noong magkatabi sila, nagtaka ako kung bakit hindi ko man lamang napansing may problema sila. Hindi ko man lamang nakitang hindi na sila nagbibiruan o naglalambingan gaya nang dati.

Tiningnan nila ako. Tiningnan ko rin sila.

Pinilit kong ngumiti at masaya kong idineklara na hindi na ako bata. Para silang mga piping nakatayo lamang. Nanlaki ang kanilang mga mata, at muntik na akong mapatawa sa hitsura nila. Para silang mga palakang nagulat. Ikinuwento ko na nasa ilalim ng kama ang mga manika at puwede na nilang ipamigay iyon sa mga bata. Tinabihan naman nila ako sa kama at hinalikan ang aking pisngi. Niyapos ako ni Nanay.

"Pauiekan, mahal na mahal ka namin," marahan na sinabi ni Nanay sa boses niyang noong naririnig ko dati ay parang maayos na ang lahat.

"Nanay, Pau po ang pangalan ko."

Hindi nila ipinamigay ang mga Barbie gaya ng sinabi ko. Ipinatago ko na lamang ang mga ito sa kahon at ipinalagay sa bodega. Hindi nila ako naintindihan. Hanggang ngayon, hindi pa rin. Ayaw ko na tratuhin nila akong bata. Tanga ang bata. Madaling masaktan ang bata.

Mas mabuti pang mabuhay nang maraming problema kaysa isiping isang malaking paraiso ang buhay. Mahalagang malaman kung ano ang kalungkutan. Para itong baha kapag ni isang patak ay hindi ipinatikim sa bata. Bakit ba nila akong pinalaking ganoon? Tila isa akong sanggol na nakahilata sa gitna ng kalye at kayang-kayang durugin ng malaking trak. Hindi man lamang ako nakaranas ng sinturon gaya ni Kuya. Hindi man lamang ako pinatayo sa sulok ng kuwarto gaya ni Benjie. Pangit ang mabuhay sa ilusyong walang hirap sa mundo. Dadating at dadating rin ito.

Kaya nga pangit ang manika.

---------------
Pau Tapay is a seventeen-year old junior student at the Ateneo de Manila University taking up BS Management Information Systems. She has been writing since she was little, about anything ranging from politics, people who inspire her, personal experiences, faith, injustice, and so on. She has written for the official papers of her elementary school, high school, and university. Although her course isn't related to writing at all, she still hopes to become a journalist someday.

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan