MAIKLING KUWENTO
Rockstar Joe: Greatest Hits

Para kay Joemar Pagulayan (1979-2003)

PRESS Power On
PRESS CD
PRESS Random
PRESS Play

Track 9: I'll Be Missing You-Puff Daddy feat. Faith Evans

Asar na asar tayo noon nang lumabas ang kantang 'to. Pakiramdam natin, ginamit ni Aso ('eto ang binansag natin kay Puff Daddy dahil mukha siyang aso) ang essence ng classic na kanta ng The Police na "Every Breath You Take." Oo't sumikat siya na lalo nating kinaasar. Dahil sumikat ang kanta, matatalbugan na ng rap song na'to ang rock song ni Sting. At bilang saradong rockers, hindi natin matatanggap na gamitin tayo ng mga hip-hop sa kanilang pagsikat tapos ay mauungusan pa tayo. Pero 'di nagtagal, nagustuhan na rin natin si Aso nang makipag-collaborate siya kay Robert Palmer ng Led Zep para gawin ang carrier single ng soundtrack ng Godzilla, na base rin sa isang kanta ng nasabing 70's na banda. Nagdesisyon tayo noon sa "1998 AL-JOE Rock Convention" na tinatanggap na natin ang pagmemerge ng rock sa iba pang mga genre gaya ng rap sa isang kundisyon: Na kahit ano pang kantang mabuo ng pagsasama ng rock sa rap o pop o reggae o ska o alternative, rock pa rin ang itatawag dito.

Naaalala mo pa ba noong una tayong nagdesisyon na maging die-hard rockers? 1990 noon. Kasagsagan ng Pinoy Rap era. Patay na patay pa tayo noon kina Francis M, Andrew E, Michael V, Lady Diane, Denmark, MC Lara, at kahit kay Jamie Baby. Kumpleto pa natin ang mga cassette tape nila. 60 pesos pa lang ang isang cassette noon kaya kung magpabili tayo noon sa mga magulang natin, tatlo-tatlo. Nagpupustahan pa nga tayo noon ng Chikadeez at RC cola kung sinong unang makakamemorize ng "Mga Kababayan Ko." Naaalala ko pa na talo ako nun sa'yo. Kung sa bagay, madidiskubre rin natin pagdating ng araw na magiging magaling kang bokalista at ako naman, malilinya sa paggigitara. Ayun nga. Naaalala ko isang beses noong matapos tayong manood ng free concert ni Michael V sa bagong bukas na Sta. Lucia Mall, (Isang building pa lang siya noon) napadaan tayo sa Sound Music. Titingin dapat tayo kung labas na 'yung Christmas album ni Andrew E. pero nabaling ang atensyon natin sa dalawang malaking poster na may parehong hitsura pero may magkaibang kulay. Ang isa, may pagkapulang-orange. Ang isa naman, may pagka-blue na violet. Poster 'to ng cover ng double album ng bandang Guns N Roses. 'Yung Use Your Illusion I at Use Your Illusion II. Out na 'yung Christmas album ni Andrew E. pero mas pinili nating bilihin 'yung dalawang album ng Guns. Sa'yo ang I, akin ang II.

Nagustuhan natin agad ang banda. Favorite ko noon ang kantang "Don't Cry" samantalang ikaw, "November Rain". Noong mga panahong 'yon na ang panonood ng MTV ay katumbas ng pagkakakita sa mga artista sa mall, natsambahan natin sa UHF channel ang music video ng paborito mong GnR na kanta. Dali-dali mo pa ngang sinet up 'yung betamax para i-record ito pero dahil sa pagka-rattle, na-rekord lang natin 'yung bandang huli. Tuwang-tuwa tayo noon at paulit-ulit na pinapanood ang kakapiranggot na eksena sa MTV ng bago nating idol.

At doon tayo nagdesisyon na maging rockers.

Track 1: Sweet Child of Mine-Guns 'N' Roses

Ilang araw lang ang lumipas, marami na tayong na-diskubre tungkol sa Guns at sa mga kasabayan nitong mga glam rock na banda. Nandyan ang Skid Row, Poison, Mr. Big, Nelson ('Yung kambal na blondie?) at Bon Jovi. Pero halos mabakla na tayo sa GnR. Sabay pa nga tayong mangarap. Kunwari, ikaw si Axl Rose at ako naman si Slash. Noong una nga, nakipag-agawan pa ako sa'yo kung sino ba talaga si Axl. Idol ko rin kasi siya. Pero dinaan natin sa contest. Nag-usap tayo na kung sino ang mas magaling mag-snake dance ('yung sayaw ni Axl tuwing kumakanta siya!), siya si Axl. Natalo ako dahil uod dance 'ata ang nagawa ko. Kaya naging Slash ako. Pero hindi pa ako marunong maggitara. Kaya't nag-aral ako sa pamamagitan ng guitar chord lessons na makikita sa likod na pahina ng Jingle Magazine.

Nang madiskubre natin ang mga naunang album ng Guns, ang Apetite for Destruction at Lies, binili agad natin ang mga 'to. Patago pa nga nating pinapatugtog 'yon dahil nagagalit sina mommy kasi napakaingay at musika raw ng demonyo. Minemorize mo agad 'yung "Patience" pero hindi ka marunong sumipol kaya't ako ang pinapasipol mo tuwing intro ng kanta. Sa'kin naman, ang pinakamalakas ang impak ay 'tong "Sweet Child of Mine". Noong mga panahong 'yon, kinokonsidera ng karamihan na ang intro ng Sweet Child ang pinakamahirap gitarahin. Kaya kapag natugtog mo 'to, sobrang lupit mo. Kaya naman araw-araw, gabi-gabi, 'eto lang ang pina-praktis ko. Matapos ang dalawang linggo't nagpapaltusang mga daliri, nakuha ko na rin 'to. Ginitara ko ang Sweet Child ng buong-buo't (bagamat may mga sabit) sinabayan mo naman ng pagkanta. Bale 'eto 'yung first jamming natin. At dahil sa tuwa, ni-record natin 'to at pinatungan ang Eddie K na cassette tape ng daddy mo na sa pagkakaalam natin ay bagong bili pa. Tuwang-tuwa tayo sa kauna-unahang record natin. Paulit-ulit natin 'tong pinakinggan. Hindi tayo nagsawa't paulit-ulit nating pinuri ang isa't-isa. Pagkatapos noon, naisip natin na magtayo ng banda. Pero kailangan muna nating makahanap ng Duff McKeagan at Izzy Stradlin.

Track 7: Bed of Roses-Bon Jovi

Noong 1992, marami na tayong alam tungkol sa Rock 'n Roll. Kulang na lang ng pormal na diploma para masabing may digri tayo sa AB Rockology. Kumpleto na rin natin ang album ng Metallica. Nagkakatakutan pa tayo tuwing nire-recite natin ang dasal ng batang babae at ni James Hetfield sa kantang "Enter Sandman". Alam ko na rin tugtugin ang "Stairway to Heaven" ng Led Zep. Tapos ikaw naman, kayang-kaya mong ipitin ang boses para makuha ang boses ni Steve Tyler ng Aerosmith. Pero bukod sa Guns, ang pumangalawang banda na talagang nagustuhan natin ay ang Bon Jovi.


Simula nang mapanood natin ang Young Guns 1 and 2, kung saan puro Bon Jovi ang soundtrack, idol na rin natin sila. Siyempre, ikaw na naman ang bida. Ikaw si Bon Jovi at ako naman si Ritchie Sambora. Tuwing maaabutan natin ang music video ng "Blaze of Glory", magpapanggap tayong sina Bon Jovi't Sambora tapos kunwari'y may hawak kang mic at ako naman kunwaring naggigitara. Pagkatapos ng kanta, pakaway-kaway ka pa na talaga namang feel na feel ang pagiging Jon Bon Jovi. Pero nang mga panahong 'yon, wala pa rin tayong banda. Hindi kasi tayo pinapayagan ng mga magulang natin. Baka daw malulong tayo sa droga tapos baka raw magpa-tatoo tayo ng sawa sa likod o kaya ng pangalan ng crush natin sa braso.

Naaalala mo rin ba na talagang na-adik tayo sa radio noong taong 'yon? Ang paborito pa nga nating istasyon noon ay 97.1 DWLS FM. Kasi 'yun lang ang istasyon na nagpapatugtog ng rock. (Hindi pa natin nadidiskubre ang LA 105.9 at NU 107.5) Noon pa ngang bakasyon, wala tayong ginawa kundi mag-request nang mag-request ng mga kantang Guns, Bon Jovi at Metallica. Tapos babatiin natin on air ang pamilya, kaibigan at mga crush natin. May mga code name pa nga tayo sa mga crush natin. Naaalala mo si Sugar, code name mo sa kanya ay Janis Joplin tapos ako naman kay Marjorie, One Non-Blonde. Tapos i-rerequest mo pa nga 'yung "I Remember You" ng Skid Row at i-dededicate mo kay Janis Joplin. Parating busy ang telepono pero lagi tayong nakakakontak. Kilala na nga tayo ni Triggerman, na minsan na nating namura on air dahil hindi niya pinatugtog ang request nating "Every Rose Has Its Thorn" ng Poison.

Noong summer noong 1992 rin unang pinatugtog sa ere ang soon-to-be-classic na Bon Jovi song na" Bed of Roses". Sobrang paborito natin 'to na halos nakalimutan na natin sina Axl at Slash. Para sa'tin, ito na ang pinakamagandang rock na love song na narinig natin noon. Oras-oras, minu-minuto, binoboto natin ang "Bed of Roses" (na may Spanish version pa!) kaya't parating number one 'to sa Top 20 at 12 sa LS. Kahit noong pasukan na, pagkauwing-pagkauwi galing ng eskwelahan, tawag agad sa LS tapos boto para lang ma-secure ang pagiging number one ng kanta ng Bon Jovi. At noong huling araw ng taon na 'yon. Magkasama tayo sa bahay namin at inabangan sa LS kung ano ang number one song of the year. At tulad ng inaasahan, nagnumber one ang "Bed of Roses." Tuwang-tuwa tayo noon na talaga naman tinawagan pa natin isa-isa ang lahat ng kaibigan natin para ibalitang Bon Jovi Rules!

Track 5: Smells Like Teen Spirit-Nirvana

Na-grounded tayo noong makita ni mommy ang layout ng Nevermind album ng Nirvana. Sa loob kasi ng album, may isang litrato na nakangarat si Kurt Cobain. (Pero blurred 'to) Na-astigan pa nga tayo kasi noong oras na 'yon lang tayo nakakita ng naka-fuck you sign sa album. Nasampal pa nga ako ni mommy noon dahil humirit pa ako na hindi naman middle finger ang naka-straight kundi 'yung pointing finger. Sinumbong ka ni mommy sa mommy mo't sinunog ang Nirvana cassette tape natin. Matagal tayong hindi nagkita noon. Mga dalawang linggo. Nang magkita tayo ulit, memorize na natin ang buong kanta ng Nevermind at In Utero album

Track 3: Jeremy-Pearl Jam

Naaalala mo pa ba 'yung una away natin? Mababaw lang naman siya, pero noong oras na 'yon, mahalaga sa'tin kung sino ang tama. Una kong narinig ang kanta ng karibal ng Nirvanang kapwa nila taga-Seattle, ang kantang "Jeremy" ng Pearl Jam. Tapos sinabi ko sa'yo na may banda na parang Nirvana. Nang mapakinggan mo ang ito, sinabi mo na sobrang hindi 'to pwede ikumpara sa Nirvana dahil sobrang layo, bagamat sinasabing pareho silang grunge. Sinabi mo na pekeng grunge ang Pearl Jam dahil naiintinihan naman ang lyrics ng mga kanta nito, 'di gaya ng Nirvana, hindi mo talaga maintindihan. Nagdebate tayo ng halos isang oras hanggang sa napikon ka nang sabihin ko na kaya ayaw mo sa Pearl Jam kasi hindi mo kayang gayahin ang boses ni Eddie Vedder. Sa galit mo, sinapak mo ako sa kaliwang mata't nagka-black eye. Gumanti ako't sinapak kita sa bibig. Pumutok ang labi mo. Umuwi tayo nang parehong umiiyak. Matapos ang isang linggo,pumunta ka sa bahay at binigyan ako ng poster ng Pearl Jam. Hindi ako handa sa araw na 'yon kaya't bilang senyales ng peace offering, binigay ko sa'yo ang kauna-unahang CD ko sa buong buhay na padala pa ng isa kong ninang sa States. Kahit Dangerous album ni Michael Jackson 'yon, tinanggap mo pa rin. Sabi mo, ayos lang kasi featuring naman si Slash sa kantang "Black or White". Nagbati tayo't noong araw ring 'yon at seryosong nagplano para sa pagbubuo ng banda. Sabi mo, tama na ang pagiging poser. Panahon na para maging rockstar. Kahit 12 years old pa lang tayo noong panahong 'yon. Umoo naman ako.

Track 4: Creep-Radiohead

Hindi mo man aminin, tandang-tanda ko pa na ang kantang 'to ang naging theme song mo sa pinakaunang babaeng nagpatibok ng 'yong puso. Napaibig mo naman siya non dahil sa paawa-effect mo. Baduy na baduy nga ako sa'yo noon tuwing sa bahay ka makikitawag (Kasi na-grounded ka sa paggamit ng telepono niyo nang mahuli kang tumatawag sa Sex Hotline.) Ni-recite mo sa telepono 'yung lyrics ng Creep. Sabi mo pa na may paawang boses, "Anne, I wish I was special. You're so very special. But-I'm a creep." Kadiri ka talaga non. Tawa ako ng tawa sa kabaduyan mo. Pero tulad ng ipinagmamalaki mo, naging kayo. Isang linggo nga lang. Umattempt ka kasing maka-2nd base. Nakipag-break tuloy. Tinanong ko kung bakit mo ginawa 'yon. 'Eto lang ang sinabi mo sa'kin, "Sex, Drugs, and Rock n Roll!" Sabay nag-devil's sign ka't palabas-labas pa ng dila.

Track 6: Sheena is a Punk Rocker

Isa sa mga dahilan kung bakit 'di tayo makabuo ng banda ay dahil ang hihirap naman na kasi ng mga kanta noon. Limang taon na tayong rocker noon pero "Sweet Child of Mine" pa rin ang pinakamahirap kong natutugtog. Hindi na ako umasenso. Samantalang ikaw, sa paglaki mo, naiba na rin ang boses mo't hindi mo na kaya ang mga matataas na tono dahil naging low pitch na ang boses mo. Noong mga panahong nauso ang REM, Live, Stone Temple Pilots at Collective Soul, hindi naman tayo makasabay sa tugtugan dahil hindi tayo magkatugma ng alam. Kaya mong kantahin, hindi ko naman kayang gitarahin. Kaya kong gitarahin, hindi mo naman kayang kantahin. Bale sa panahong 'to ang naging Dark Ages natin. Umuusbong na ang Pinoy Alternative sa pangunguna ng Eraserheads at mukhang napag-iiwanan na tayo. Hanggang sa isang Sabado habang nakikinig sa NU, pinatugtog ang "Sheena is a Punk Rocker" ng Ramones. Maganda siya, catchy, at mukhang madaling tugtugin. Noong mismong hapon na 'yon, pumunta tayo sa Sta. Lucia mall at bumili ng RamonesMania, ang Greatest Hits Album ng Godfathers of Punk.

Pagkauwing-pagkauwi, pinakinggan agad natin ang bagong diskubreng banda. Unang-unang sumambat sa pandinig natin ay ang "I Wanna Be Sedated." Nang pansinin ko, ang dali lang tugtugin. Umiikot lang sa tatlong basic chords, E-A-B lang siya. Nasabayan ko na nga agad sa gitara. At madali mo agad na-memorize ang lyrics dahil paulit-ulit lang naman. Sinabayan pa ngatin sa pagkanta si Joey Ramone ng "Bababababababababa, I wanna be sedated!" Binasa natin ang history ng banda na nakasulat sa album. At nakarelate agad tayo dahil ang Ramones mismo noong panahon nila kung saan namamayagpag ang mga 70's classic, progressive rock bands sa pangunguna ng Led Zepellin, Kiss at Black Sabbath, ay hindi makasabay sa tugtugan dahil sa hirap at haba ng mga kanta. Kaya't naisipan nilang gumawa ng sarili nilang mga composition. Mabilis, maingay pero melodic, at higit sa lahat, original. At dahil doon, nabuo ang genre ng punk.
Punks not dead!

'Yan lang ang alam natin tungkol sa punk noon. Na kaaway ng hip-hop. Jologs. Squatting. Mababaho. Basagulero. Masama. Pero nagbago ang lahat ng 'to ng mapakinggan na rin na'tin ang The Clash, Velvet Underground, Sex Pistols (Pero inayawan rin na'tin 'to dahil bad punks sila) at Elvis Costello. Wala pang isang buwan pero halos alam na nating kantahin at gitarahin ang mga kanta ng Ramones. Sabi ko, magbanda na tayo't Ramones ang i-cover. Ang sagot mo sa'kin na may kasama pang pagsusuntok sa ere, "Hey-Ho, Let's Go!" Kinabukasan, pinuntahan natin si Ronnie at Boyeth, na nagbe-bass at nagdru-drums sa choir sa simbahan at niyayang magbuo ng banda. Pumayag sila't noong hapon din ng araw na 'yon, nagpraktis tayo sa kauna-unahang pagkakataon bilang banda. Naaalala ko pa, ikaw ang unang nagbigay ng pangalan ng banda natin na naka-pattern sa Ramones. Tinawag tayo noon na Jamones, na base sa apelyido mong Jamon. Makalipas ang isang buwan, nangyari ang kauna-unahang gig natin sa isang debut ng kapitbahay natin. Kahit hindi maka-relate ang karamihan sa mga kinanta natin gaya ng "Beat On The Brat", "I Wanna Be Your Boyfriend" at "KKK Took My Baby Away", para sa'tin, hindi natin makakalimutan ang gabing 'yon kahit pa pumiyok ka ng tatlong beses at nagkamali ako sa chords ng bawat kanta dahil sa kaba.

Pagkatapos noon, naging sunod-sunod ang mga gig natin. Sa Club Dredd, Mayrics, Freedom Bar at kahit mga house party at school fair, kinakagat natin. Naaalala mo ba 'yung gig na nakasabay natin ang Yano, Tame the Tikbalang at Ex-President's Combo? Siyempre, oo dahil nagkaroon ng open jam noong gabing 'yon at naka-jamming natin si Dong Abay at kinanta natin ang punk version ng "Esem". Ang dami mong first time noong panahong 'yon. 1st time uminom ng Colt 45, 1st time magyosi (Blue seal ba 'yon?), 1st time mag-juts, tsaka 1st time ma-blow job ng isa sa mga groupie ng Ex-Presidents Combo. Lahat 'yon pinalampas ko dahil sa kaba. Pero ikaw, hindi. Ang sabi mo, noong gabing 'yon pakiramdam mo'y naranasan mo ang tunay na feeling ng isang rocker. Sa oras na'yon, hindi ako sumang-ayon sa'yo.

Track 2: Come Out and Play-Offspring

Noong nag-college ako, medyo naglay low ako sa banda. Nahirapan kasi akong mag-adjust sa buhay kolehiyo. Ikaw naman, hindi mo binalak na mag-college. Ang dahilan mo, gusto mong magpokus sa pagbabanda. Nagalit ang magulang mo sa'yo dahil isang sem ang pinalipas mo bago mo sinabing hindi ka pala naka-enrolled. Binugbog ka ng tatay mo dahil sa pagsisinungaling mo. Pero hindi ka nila napigilan sa pagbabanda. Desidido ka talaga kaya't mahirap man sa loob mo, kumuha ka ng bagong gitarista't pinalitan ako. Hindi naman ako nagdamdam pero nalungkot lang dahil noong oras na 'yon, nabasag ang matagal na nating tandem.

Binabad ko ang sarili sa pag-aaral. Nagkaroon ako ng scholarship sa abroad para sa kursong Music sa New York University, pero mas pinili ko ang Engineering dito sa 'Pinas. Nabatukan mo pa nga ako't nasabihang "Bobo!" dahil pinalampas ko pa ang pagkakataon na makapunta sa CBGB, ang club sa New York kung saan unang tumugtog ang Ramones. Nginitian na lang kita kahit pinainit mo ang dugo ko non.

Matagal-tagal din tayong hindi nagkita't nagkausap. Nagdorm kasi ako't matagal na hindi umuwi sa'tin. Pero sa hindi inaaasahang pangyayari, nagkita tayo sa campus isang gabi nang minsang nanood ako ng tugtugan. Sabi mo tutugtog ang banda natin. Natawa ako. Sabi ko, baka banda niyo, o banda mo. Sabi mo na panoorin kita't tatalon ka sa stage at magsisimula ng crowd surf. Hinintay ko naman ang oras ng pagtugtog niyo. Naghubad ka ng damit at ngayon ko lang napansin na tadtad na pala ng tattoo ang buo mong katawan. At ang utong mo, may hikaw na rin. Grumadweyt ka na sa mga old school punk rock music. Puro new school na ang tinutugtog niyo. Nakakuha ka kasi ng magaling na gitarista. Pati bahista't drummer mo, bago na rin. Tumugtog kayo ng Green Day, Rancid, Social Distortion at Offspring. Noong kinanta niyo ang "Come Out and Play," doon nagwala ang crowd. At tulad ng sinabi mo, nag-dive ka mula sa stage at pinasimulan ang pagkra-crowd surf. Natuwa naman ako para sa'yo. Nang matapos ang set niyo, nagsigawan ang mga tao ng "More! More!" Halatang na-overwhelm ka sa reaksyon ng mga taong, sa tingin ko'y mga bago mong fans. Pero hindi na kayo tumugtog ulit. Ang ginawa mo, dinampot mo ang mineral water mo't lumagok, tapos ay hinagis ang natitirang tubig sa mga tao.

Pakiramdam mo siguro noong oras na'yon, rockstar ka na talaga.

Hindi na kita naabutan para i-congratulate ka dahil nakita kitang sumakay sa isang kotse kasama ang dalawang babaeng sabay mong pinapapak ng mga halik.

Pagkatapos noon, matagal tayong 'di nagkita.

Track 8: Faith-Limp Bizkit

Nito lang huling linggo ng Oktubre, habang busyng-busy ako sa pagsosolve ng assignment sa Calculus, bigla kang bumista nang hindi ko inaasahan. Wala tuloy akong mapakain sa'yo kundi mani. Sabi mo ayos lang dahil may dala ka namang isang kahon ng Pizza Hut. At 'yung paborito ko pang Super Supreme ang binili mo. Tinanong ko kung bakit ka napadalawNiyaya mo ako sa darating na concert ng Limp Bizkit sa Rizal Stadium. Akala ko galit ka sa mga "hupaw-huhupaw-hupaw-huhupaw!" na banda kasi puro lang sigaw ang alam. Ang sagot mo, sayang din. May backstage pass ka kasi. Biniro pa kita na mukhang ma-impluwensiya ka na sa industriya ng Pinoy Rock. Hindi naman, sabi mo sabay pakita ng daliring puno ng naglalakihang singsing, sabay pahabol na hirit na galing ang mga 'to kay Joey Pepe Smith. Sabi mo na ang habol mo lang naman sa concert ay "malupit na islaman, bumabahang beer, libreng juts at maka-score ng teenage chick." Inabutan mo ako ng ringside tiket pero tinaggihan ko. Hindi rin naman kasi ako makakapanood dahil masyadong maraming kailangang tapusin sa acads. Mga ilang beses mo pa akong pinilit at nangkonsensya pang 'yun na lang nga ang oras na magkakasama tayo ulit matapos ang matagal na panahon. Pero sinabi ko sa'yo na hindi talaga ako pwede. Nang hindi mo ako makumbinse, nagsindi ka ng yosi at nagpaalam na.

Noong gabi ng concert, nakababad lang ako sa study table at sumasakit ang ulo sa kaka-solve ng assignment sa Chemistry. Nasa backstage ka na siguro nung mga oras na'yon at nakikipagplastikan sa mga "hupaw". Nasa kailaliman na'ko ng pagso-solve nang bigla kang nag-text.

Pre, d2 me bakstge, ktabi ko c FRED DURST. Putang ina. May putok! Yan magstart na. Cge pre, gdlk sa asynmnt mo! : )

Hindi na kita ni-replyan non dahil tatlong piso na lang load ko. Maya-maya, nagtext ka ulit. Ang aksaya mo nga sa text dahil tatlong beses mong na-send ang message mo.

Al, tnu2g2g na ang FAITH! Islaman na! Ako nangunguna, pre! Panoorn m pag na-TV to, sureball na makkta me. Magddyv me stge. Dpat nand2 ka!!! Cge…

Nagreply ako sa'yo nun. Sinabi ko na magpakasaya ka. Biniro pa nga kita na kapag nakita mo si Reg Rubio ng Greyhoundz, bigyan mo ng isang matinding slam nang mabawasan ang angas. Hindi ka na nagreply. Inassume ko na nakikipagbanggaan ka na sa mga hupaw. Natapos ko ang assignment ng mga alas singko ng umaga. Malamang tapos na ang concert pero wala pa rin akong narinig mula sa'yo. Baka na-low bat ka na. Humiga na'ko't nagpahinga. Pero hindi pa ganoon kalalim ang tulog ko nang biglang tumawag si mommy. Sinabi niya sa'kin na nasa ospital ka raw. Wala ng mumog-mumog o hila-hilamos, pinuntahan agad kita.

Track 10: Unknown

Hindi ko akalaing sa morgue tayo muling magkikita. Tatlong saksak ang dumali sa'yo. Lahat sa bandang kidney. Masyadong maraming dugo ang nawala sa'yo't 'di na naagapan. Dead on Arrival. Nagkaroon pala ng riot sa concert nang biglang may mga nagkasakitan sa islaman. Hindi ko na tatanungin sa'yo kung ikaw ang nagpasimuno ng bayolenteng islaman na nauwi sa saksakan o nadamay ka lang talaga. Ano man ang dahilan, hindi na muling maibabalik ang Axl Rose-Slash tandem natin, ang Bon Jovi-Ritchie Sambora o Joey-Johnny Ramone na tambalan, at ang sabay nating pagsisigaw ng "Hey-Ho, Let's Go!" At kahit maka-gradweyt na'ko sa kolehiyo't magkaroon ng maraming bakanteng oras, hindi na tayo makakapag-reunion sa gig.

Tinulungan namin nina mommy't daddy ang pamilya mo sa pag-aasikaso ng burol mo. Nagboluntaryo ako na siyang mag-ayos ng mga gamit mo sa kwarto. Gaya ng kwarto ko, makalat. Puno pa rin ng mga poster ang pader ng paborito mong mga banda. Binuksan ko ang cabinet mo't nakita ang koleksyon ng mga tape at CD. Dati, kung anong meron ka, meron din ako. Pero nang makita ko 'tong koleksyon mo, sabi ko sa sarili, napag-iwanan mo na nga talaga ako. Sa nakapagulo mong kwarto, etong tape at CD rack mo lang ang maayos. Iniisa-isa kong tignan ang mga tape at CD na wala ako't kung sakaling magustuhan ko'y iuuwi ko na lang. (Okay lang ba pare?) Inisa-isa ko ang mga 'to. Saves the Day, Alkaline Trio, The Ataris, Dashboard Confessional, Thursday, The All-American Rejects, Mest, Get Up Kids, Starting Line. Hindi mo naman ako siguro mumultuhin kung iuuwi ko ang mga 'to para pakinggan at makapag-update sa eksenang punk rock. Isasara ko na ang cabinet nang biglang may umagaw ng atensyon ko sa may tape rack. Sa gilid ng tape, binasa ko ang nakasulat, Teenage Rockstars. Paglabas ko ng tape mula sa lalagyanan, nabalatan na 'to't wala ng cover. Pinatugtog ko sa component mo kung anong mga kanta ang nilalaman ng tape. Nang i-play ko, walang ibang marinig kundi tunog na parang tunog ng electric fan. Papatayin ko na sana nang biglang may boses na sumigaw ng "1-2-3-Go!" sabay tumugtog ang isang napaka-amateur na intro ng "Sweet Child of Mine." Matapos ang ilang sabit, lumitaw bigla ang boses ng isang trying hard na Axl Rose.

Pinakinggan ko ang kauna-unahan (at kahuli-hulihang) kantang na-rekord natin hanggang sa katapusan. Bumalik ako sa pagkabata. Isa-isa kong inalala ang bawat oras noong nagsisimula pa lang tayong maging rocker.

Kung sakaling nasa tabi kita ngayon at kasamang nakikinig, sigurado akong magpaparamdam ka't paulit-ulit mong ipapa-rewind ang kanta natin.

PRESS Power Off

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan