KASAMA KO sa isang aircon bus si Marieton Pacheco.
Papunta kami sa Novaliches, dadalaw sa kanyang mga magulang na nagbayad
ng kanyang apat na taon sa Unibersidad para makapagtapos sa MassComm.
Sabado ng hapon at mataas na ang araw sa labas ng bintana, yung tipo
ng araw na nagyayaya sa mga balbas-saradong Pari ng Kalsada na umakyat
ng bus at ipagkalat ang Salita ng Diyos.
Nakaparada kami kung saan dating nakatayo ang People's Park. Hawak
ni Marieton ang aking kamay, at hawak ko ang sa kanya. Hawak niya
ang kamay ko na parang nakababatang kapatid ko siya, at pareho kaming
naglalakad sa loob ng isang haunted house sa Star City. Pinag-iisipan
ko na kilitiin ang kanyang palad nang tanungin niya ako tungkol
sa tatay ko.
"Close ba kayong dalawa?" Hinintay niya ang sagot ko
nang nakangiti.
"Hindi naman kami nangingisada kada-Sabado, o kung ano man.
Kilala niya kung sino'ng bagong girlfriend ko, at paminsan-minsan
ay tinatawagan niya ako, pero hanggang dun lang," sagot ko
sa kanya, kalahati dun, di totoo. Dati'y sabay kaming nangingisda
ng tatay ko kada-Sabado, sa tabi ng isang lawa sa Novaliches, na
may baybaying dati-rati'y dinadaan-daanan niya at ng kanyang motorsiklo
nung bata pa siya't nagrerebelde-rebeldehan. Maraming carpa at hito
sa lawa na yun noon, pero di puwedeng kainin. Inilalagay namin yung
mga huli namin sa isang timba ng tubig mula sa lawa, na pagkagat
ng dilim ay dali-dali naman naming ibinabalik. Nag-umpisa kami nung
limang taon pa lang ako, at tumigil lang kami nang nahirapan na
kaming pumunta sa lawa, kung ano mang mga palusot. Biro ko nga dati
kapag pasko sa bahay namin ay kung paano naging malapit ang tatay
ko sa anim na henerasyon ng isda sa lawa na yun.
"Anung hitsura niya? Magkamukha ba kayo?" Kinakalikot
ni Marieton ang balbas ko. "Hindi, hindi kami magkamukha,"
ang sagot ko sa kanya. Matawa-tawa siya sa sagot ko, pagkatapos
ay bumalik siya sa pagkalikot ng balbas ko. "May balbas ba
siya?"
Kinalikot ko ang makinis at kalbong baba ni Marieton, at pinag-isipan
kung ano pang parte ng kanyang katawan ang di tinutubuan ng buhok,
at ikinuwento ko sa kanya kung paano nagkuwento ang tatay ko tungkol
sa mga babae at ng kanilang pagmamahal sa mga balbas-saradong lalake.
Napapaisip kasi sila kung ano pang ibang parte ng katawan ng lalake
ang tinutubuan ng buhok. "Pero siyempre, kuwento lang yun.
Ako mismo, di naniniwala dun."
Tahimik na nakinig si Marieton sa kuwento ko. Dumungaw siya sa
bintana, pataas sa de-lobong Champola sa ibabaw ng gusali sa tapat
ng lugar kung saan dati'y nakatayo ang People's Park. Tila naubusan
na ito ng lasa, dalawang taon na ang nakaraan.
Tumango si Marieton, tila sinasabing "Okey yun, okey yun".
Lumingon siya ulit sa akin, humihigpit ang hawak sa kamay ko habang
kami'y nagtitigan. "Wala akong problema kung gusto mong magpatubo
ng balbas, kung ano man ang rason mo, pero puwede pangakuan mo akong...
di ka magpapatubo ng bigote?"
Hinawakan ko ang kanyang mga kamay, tinitigan siya sabay nangako
na mananatiling kalbo ang nguso ko habambuhay.
"Di rin naman ako ganun kagaling magpatubo ng bigote, e"
ang dagdag ko.
"Salamat at hindi mo ako tinanong kung bakit. Salamat sa pag-intindi,"
ang sabi ni Marieton sa akin. Hinalikan ko siya't niyakap, at pahabol
na sinabing "Kahit ano, Marieton, basta ikaw."
Ngumiti si Marieton, sabay yakap sa akin, nagpaulan ng halik sa
ngusong ginawa sana para tubuan ng bigote, ngayon, tutubo dito ay
Pag-Ibig.