LATHALAIN
'Edukayon para sa Lahat': Suntok sa Buwan

INTRODUKSYON

SA KANYANG inaugural speech nitong Hunyo 30, binanggit ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kabilang sa kanyang 10-point agenda ang 'edukasyon para sa lahat.'

Ngunit para sa kabataang Pilipino, ang kanyang mga pangako'y kagaya ng kanyang damit sa araw ng kanyang inagurasyon: recycled.

Sa katunayan, sa ilalim ng kanyang naunang tatlong taong termino, lalong tumindi ang krisis ng sistema ng edukasyon sa bansa. Hindi ito mapapasubalian maging ng mga datos na galing mismo sa iba't ibang ahensya ng gobyerno.

Isyu pa rin ang mababang badyet sa edukasyon, pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga pribadong pamantasan at panunupil sa demokratikong karapatan ng mga estudyante.

Matatandaang pagkatapos ng pag-aalsang Edsa 2, kagyat na inihapag kay Arroyo ang four-point agenda ng kabataan. Kabilang rito ang dagdag na subsidyo sa edukasyon at moratoryum sa pagtaas ng matrikula.

Walang natupad sa mga kagyat na kahilingang ito. Bagkus, ang nasaksihan at naranasan ng kabataan sa loob ng nakaraang tatlong taon ay pag-abandona ng rehimeng Arroyo sa responsibilidad nitong bigyan ng edukasyon ang kabataang Pilipino.

Sa muli niyang pagluklok, nananatiling makulimlim ang kinabukasan para sa nakararaming kabataan.

I. 'PAYING SCHOLARS' NG BAYAN

Para sa mga tinaguriang iskolar ng bayan, ang kabalintunaan ng pahayag ni GMA ay makikita mismo sa mababang subsidyo sa edukasyon, partikular sa mga state universities and colleges (SUCs).

Nang maluklok sa poder si Arroyo noong 2001 dahil sa pag-aalsa ng mamamayan, kakarampot na P13.81 bilyon lamang ang badyet para sa SUCS. Ang pambabarat sa mga SUCs ang isa sa mga matitingkad na dahilan ng paghugos ng kabataan sa lansangan para patalsikin si Estrada.

Sa taong 2002, nadagdagan lamang ito ng P2 bilyon o P15.87bilyon. Pagsapit ng 2003, kinaltasan muli ang badyet at naging P15.71 bilyon.

Katulad ni Estrada, utang panlabas at gastusing militar ang prayoridad ni Arroyo. Apatnapu't pitong porsyento ng pambansang badyet o P359.87 bilyon ang inilaan sa pambayad utang panlabas. Samantala, ayon sa Center for Defense Information, ikasampu ang Pilipinas sa biggest military spenders sa Asya at ika-40 sa buong mundo.

Nabigo ang Kongresong aprubahan ang pambansang badyet para sa 2004. Kung kaya, ang badyet sa taong ito ay napako sa alokasyon ng pondo noong 2003.

Kinakaltasan taun-taon ang Maintenance and Other Operating Expenditures (MOOE). Halos nangalahati ang MOOE mula 1994 hanggang 2003.

Pagbabawas ng mga SUCs

Bahagi ng pagtitipid ng gobyerno ang pagbabawas ng bilang ng mga SUCs. Sa dalawang magkahiwalay na memoranda ng Commission on Higher Education (CHED) noong 1999 at 2000, isasanib sa SUCs ang 86 CHED- supervised institutions (CSI).

Sa loob lamang ng anim na taon, natapyasan ng 154 ang bilang ng SUCs , mula 264 noong 1998, naging 111 sa taong ito. Sa halip na dagdagan ang bilang mga pampublikong pamantasan para makapag-aral ang mga mahihirap, binabawasan pa nito ang bilang ng SUCs. Sa proseso, tinatanggalan ng karapatan ang maraming kabataang makatuntong sa kolehiyo.

Sa gitna ng kahilingan ng mga estudyante para sa dagdag na subsidyo, itinutulak ng goyernong Macapagal-Arroyo, gaya ng mga naunang rehimen, na magtipid at maglunsad ng mga income-generating projects (IGP) ang mga SUCs para makalikom ng pondo. Anumang kakulangan sa subsidyo ay marapat na lamang daw punuan ng kanya-kanyang SUCs. Ang termino ng rehimen, matuto raw maging 'self-reliant' ang mga pampublikong eskwelahan.

Pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin

Natural na hakbangin din, kung gayon, ang pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga SUCs.

Sa Unibersidad ng Pilipinas, pangunahing state university sa bansa, sinimulan na noon pang 1989 ang pagtaas ng matrikula sa anyo ng mapanlinlang na Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP). Diumano, layunin ng programang bigyang subsidyo ang pag-aaral ng mga mahihirap na estudyante sa iba't ibang antas depende sa kanilang income brackets.

Subalit, pagkalipas ng 13 taon, 83.6 porsyento na ng kabuuang populasyon ng UP ang nagbabayad ng kanilang buong matrikula. Sa kabilang banda, 8.6 posyento lang ang nabibilang sa brackets 1-5 o mga estudyanteng hindi pinagbabayad ng matrikula at iba pang mga bayarin.

Sa implementasyon ng STFAP, tumaas ang matrikula mula P17 hanggang P300 kada yunit.

Sa ilalim ng nasabing iskema, nagreresulta ng pagtaas ng matrikula ang rebracketting ng mga estudyante. Maraming estudyante ang nalilipat ng bracket gayong wala namang pagtaas sa taunang kita ng kanilang pamilya.

Minumungkahi ngayon ang "full-cost" pricing na katumbas ng pagbabayad ng P62,246 ng bawat estudyante kada taon. Pinag-aaralan din ng University Committee on Scholarships and Financial Assistance (UCSFA) ang pagdadagdag ng Brackets 10 at 11 sa STFAP. Anila, dito ilalagay ang "mayayamang" estudyante ng UP na kayang magbayad ng buong halaga ng edukasyong UP.

Dagdag pa, nagpataw ng mga bagong laboratory fees sa limang departamento at kolehiyo ng UP. Mula 0 - P50, tumaas ang mga bayaring ito sa P500 - P600.
Noong 2001, nagtaas din ng tuition sa graduate school. Mula sa dating P300/unit, umabot ito sa P500 - P700 kada yunit o 66.67 - 400 porsyentong pagtaas.

Sa mga pampublikong technical at vocational schools sa bansa, ipinatutupad na rin ang STFAP.

Nitong 2003, tumataginting na 400 porsyento ang ipinataw sa pagtaas ng matrikula ng Philippine Normal University (PNU), mula P10/unit ay umabot sa P50/unit.

Samantala, ipinataw na ang ladderized tuition increase sa mga SUC sa Bicol at Central Luzon. Itinakda ang unti-unting pagtaas ng matrikula simula nakaraang taon hanggang 2006.

Sa Central Luzon State University, nagplano ang administrasyon na magpataw ng 298 porsyento pagtaas ng tuition at miscellaneous fees.

Sa Aklan Polytechnic Institute naman, ipatutupad ang 400 porsyentong tuition increase sa loob ng apat na taon.

Bagamat nananatili ang P12 matrikula kada yunit sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), ikalawa sa mga SUCs na may pinakamalaking populasyon, ipinataw nitong pasukan ang sandamakmak na processing fee increases. Aabot ito sa 67 porsyento hanggang 100 porsyentong pagtaas. Pinakamalaki ang itinaas ng fine for late enrolment, mula P10 ay naging P100.

May mga sinisingil ding mga bagong bayarin. Kabilang dito ang shifting form, verification of grades per subject, re-admission fee, change of subject/curriculum/schedule, at marami pang iba. Birong totoo ng mga estudyante ng PUP, may kaakibat nang presyo ang bawat galaw nila.

Sa Samar State Polytechnic College, naniningil ng P200 bilang development fee.

Sa isang sarbey ng Philippine Education Sector Study (PESS) noong 1998, ang matrikula ng estudyante sa isang state college/university (SCU) ay umaabot na sa P3,100 bawat taon. Kada buwan, aabot ang gastusin sa P6,900. Sa gitna ng papatinding krisis pang-ekonomiya sa loob ng nakaraang anim na taon, higit na lumaki pa ang halaga ng edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad.

Kolaborasyon sa Pribadong Sektor

Bukod sa pagtataas ng matrikula at bayarin, nagpapasulpot rin ng pondo ang mga SUCs sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga lupain at ibang assets, pagsasapribado ng mga serbisyo at direktang kolaborasyon sa mga pribadong korporasyon.

Inilaan, halimbawa ng UP Diliman, ang 163.5 ektarya o 33 porsyento ng kabuuang lupa ng kampus para sa Science and Technology (S&T) Parks. Sa Norte, saklaw nito ang 98.5 ektarya sa Commonwealth Avenue, mula sa Arboretum hanggang sa Iglesia ni Cristo Compound. Sa Silangan naman, 65 ektarya sa C.P. Garcia Avenue.
Ngunit mas masaklaw pa sa mismong S&T facilities ang mga itatayong istruktura para sa layuning komersyal. Kabilang rito ang product manufacturing, hotel, shopping center, supermarkets, gym, swimming pool, theaters, financial institutions, specialty stores, leisure facilities, warehouse, entertainment center, 24-hour helipad, at condominium.

Sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng UP Administration at ng Ayala Foundation, ang tanging papel ng UP ay ang pagbibigay ng lupa at mga tauhan samantalang kinikilala ang paglikom ng tubo ng Ayala Foundation.

Ituturing ding pag-aari ng dalawang partido ang anumang malilikhang produkto ng pananaliksik at teknolohiya. Ibig sabihin, pagkakakitaan ng mga korporasyon ang talino ng mga estudyante at guro ng UP.

Halos walang ipinag-iba ang Bicol University Stratplan na naglalayong ibenta ang mga intellectual products ng akademya.

Isinasapribado na rin maging ang mg serbisyo sa mga SUCs. Kabilang ang maintenance and security services sa isinapribado sa UP at PUP. Pribado na rin pati ang textbook production sa UP. Tumaas tuloy ang presyo ng mga aklat. Tinatawag na microprivatization ang ginagawa sa Philippine General Hospital dahil hindi biglaan ang pribatisasyon ng buong ospital.

Isa pang proyekto ang konstruksyon ng Diliman Hostel, isang luxury dormitory. Ka-tie-up ang pribadong developer New City Builders (NCB), tinatayang 2,100 estudenyante ang kaya nitong serbisyuhan. Sa final terms of agreement, may kapangyarihan ang NCB na itakda ang lodging rates. Umaayon ito sa isa sa mga layuning ng nasabing proyekto-itransporma ang Hostel upang maging profitable enterprise.

Mga Patakaran sa Edukasyon

Ang pagkaltas ng badyet ng SUCs at pagpasok ng mga pribadong mamumuhunan edukasyong tersaryo ay nagpapakita lamang ng pag-abandona ng pamahalaan sa pampublikong edukasyon. Naaayon ang ganitong mga hakbangin sa Long-Term Higher Education Development Plan (LTHDP) for 2001-2010.

Itinatakda ng LTHDP ang sumusunod na mga target pagsapit ng 2010: (1) pagbabawas ng 20 porsyento ng kabuuang bilang ng SUCs; (2) transpormasyon ng anim na SUCs bilang semi-corporations; (3) paglikom ng pondo ng 20 porsyento ng SUCs sa pamamagitan ng pagbebenta ng intellectual property rights at iba pang grants; (4) pagkakaroon ng aktibong income-generating projects (IGP) ng 50 porsyento ng SUCs; (5) pagtatakda ng matrikulang katumbas ng sa mga pribadong pamantasan sa 70 porsyento ng SUCs; (6) kolaborasyon sa malalaking korporasyon ng 60 porsyento ng SUCs.

Nakahulma rin sa LTHDP ang iba pang mga programa ng gobyerno sa edukasyon gaya ng Higher Education Modernization Act (HEMA, 1997) at Philippine Agenda for Education Reforms (PAER).

Binibigyang kapangyarihan ng HEMA ang Boards of Regents ng mga SUCs para itakda ang anumang pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin. Dinidirehe rin ang mga SUCs na pumasok sa joint ventures sa mga pribadong korporasyon at isapribado ang mga serbisyo tulad ng health, food, maintenance, security at iba pa.

Samantala, nirerekomenda naman ng PAER ang pagkaltas sa MOOE; pagkakaroon ng mga iskema para mabawi ang mga gastusin at mamiksima ang assets at pagkalap ng tulong at suporta mula sa lokal, pambansa at internasyunal na mga donors, maging sa corporate sector, alumni, mga institusyon at mga indibidwal.

Dinisenyo ang mga patakarang ito batay sa mga rekomendasyon ng International Monetary Fund (IMF), World Bank (WB)at Asian Development Bank (ADB). Maging ang mga panukalang rebisyon sa UP Charter, gaya ng nakasaad sa Senate Bill No. 2587, ay binalangkas sa mga nilalaman ng LTHEDP, HEMA and PAER.

II. PRIBADONG TUBO SA EDUKASYON

Dominado ng pribadong sektor ang higher education sector. May 1,231 pribadong kolehiyo at unibersidad samantalang 111 na lamang ang natitirang SUCs.

Ngunit sa kabila nito, papaliit ang enrolment rate sa mga pribadong pamantasan. Sa ulat ng Asian Development Bank (ADB) noong Oktubre 2002, 90 porsyento ng mga estudyante sa kolehiyo ang nag-aaral sa mga pribado noong dekada 80. Dumausdos ito sa 74 porsyento pagsapit ng 2001.

Pagtaas ng matrikula

Malaking salik ang patuloy na pagtaas ng halaga ng edukasyon sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad.

Batay sa pag-aaral ng Philippine Education Sector Study (PESS), P22,200 ang karaniwang kinokolekta ng mga pribadong paaralan para sa matrikula at iba pang mga bayarin. Sumisingil naman ng P65,000 ang mga ekslusibong pamantasan.

Sa mismong ulat ng Commission on Higher Education (CHED) para sa mga taong 1999 -2000 hanggang 2003-2004, 64.16 porsyento ang itinaas ng matrikula sa mga pribadong pamantasan.

Sa taong ito, 370 o 28.01 porsyento ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad ang nagtaas ng matrikula. Katumbas ito ng P32.74 na karagdagang bayad kada yunit.

Ang NCR ang may pinakamataas na average tuition rate per unit (P614.54). Para sa regular 21-unit load, nagbabayad ang mga estudyante ng P12,905.34 kada semestre para sa matrikula pa lamang. Pinakamababa na ang tuition rate sa Region IV-B, Southern Tagalog (P216.78) o P4,552.38 para sa 21-unit load.

Pinakamataas ang matrikulang sinisingil ng Jose Rizal University. Ipinangalan pa naman sa pambansang bayani, nagkakahalaga ng P2,600 kada yunit ang matrikula rito. Mas mataas pa kaysa De La Salle University-Manila (P1,506/unit); Asia Pacific College (P1,240/unit); Mapua Institute of Technology (P1,254.64).

Di makatwiran

Lantaran ang paglabag ng mga pribadong eskwelahan sa itinakdang incremental proceeds ng pagtaas ng matrikula.

Ayon sa batas, 70 porsyento ng pagtaas ng matrikula ay dapat ilaan sa pagtaas ng sweldo ng mga guro at kawani sa mga eskwelahan, 20 porsyento para sa mga pasilidad at 10 porsyento lamang ang return of investment.

Ngunit kadalasa'y nakapako ang sweldo ng mga guro sa mga pribadong pamantasan sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng matrikula. Ayon sa PESS noong 1998, 70 porsyentong mas mataas ang sweldo ng mga guro sa mga pampublikong pamantasan kumpara mga guro sa mga pribadong eskwelahan.

Patunay din ang mga welgang inilunsad ng unyon ng mga guro at empleyado sa mga nagdaang taon. Kabilang rito ang Adamson University, Philippine Maritime Institute, Miriam College, University of Santo Tomas, International School sa Makati. Muntikan na ring magwelga noong nakaraang taon ang mga kawani sa Ateneo de Manila University at Technological Institute of the Philippines.

Kwestiyonable rin maging ang 20 porsyentong dapat ilaan sa pagsasaayos ng mga pasilidad. Wala pa yatang estudyante ang nagsabing bago at kumpleto ang mga pasilidad at gamit sa laboratoryo sa kanilang mga eskwelahan. Bukod dito, sa halip na kunin na ito sa itinaas ng matrikula, sinisingil pang muli ang mga estudyante sa pamamagitan ng miscellaneous at other fees. Kumbaga, ilang ulit ang paniningil sa magkakaparehong pagkakagastusan.

Iba pang mga bayarin

Bukod sa pagtaas ng matrikula, itinataas din ang ibang mga bayarin. Ang ibang mga eskwelahan pa nga'y naglalagay pa ng naglalakihang streamers na "No tuition increase!" pero hindi nila ipapaalam, hangga't maaari, na magtataas naman ng miscellaneous and other fees.

Mas paborable sa mga may-ari ng paaralan ang ganitong taktika. Ligtas na sa paglulunsad ng konsultasyon (hindi ito saklaw ng CHED memorandum no. 13), kaya pa nilang itago ang mga nasabing bayarin. Sa maraming kaso, walang ipinapakitang breakdown ng miscellaneous fees.

Batay sa partial report ng CHED nitong Hunyo, aabot sa 139.88 porsyento ang kabuuang pagtaas ng siyam na karaniwang bahagi ng miscellaneous fees. Hindi pa kabilang rito ang mga datos mula sa mga rehiyong NCR, CAR, CARAGA, ARMM, III at VII.

Sa nasabi ring ulat, walong eskwelahan ang naniningil ng internet fee sa average na P331.28.

Napakamalikhain ng mga administrasyon ng mga pamantasan sa pag-imbento ng mga bayarin. Pati capital expenditures at operating expenses ay pinapapasan sa mga estudyante. Pati gastos sa pamumuhunan ay pinipiga mula sa bulsa ng mga estudyante at ng kani-kanilang mga magulang.

Tampok na mga halimbawa ang energy fee at development fee. Pambili raw ng aircondition units ang energy fee. Gagamitin naman daw sa pagtatayo ng mga building at pagsasaayos ng mga pasilidad ang developmental fee. Dadalhin ba ito ng mga estudyante sa kanilang pag-gradweyt?

Sa partial report ng CHED, 34 eskwelahan ang naniningil ng developmental fee sa average na P318.91. Sa St. Scholastica's College, P600 ang buiding/capital development fee.

Walo ring eskwelahan mula sa 10 rehiyon pa lamang ang nangongolekta ng energy fee sa average na P349.04. Mas malaki ang sinisingil ng University of Santo Tomas (UST), P800 ang kanilang energy fee. Sa populasyon nitong 30,000, nakakalikom ang administrasyon ng UST ng P48 milyon kada taon!

Minsan, pinapatawan pa ng bagong bayarin ang mga estudyanteng hirap na ngang makapagbayad. Sa University of the East (UE), may P150 installment fee. Sa St. St. Scholastica's College, P500 ang multa para sa late enrolment.

May 37 mga pribadong kolehiyo at unibersidad din ang naniningil ng insurance sa average na halagang P49.70.

Ilan pa sa mga kakatwang mga bayarin ay ang postal fee, insurance fee, Smart fee and copier fee sa AMA Computer College; power charge fee sa Trinity College; Power Plant development fee sa Miriam College; Land Infrastructure Maintenance and Acquisition Development fee sa Baguio Colleges Foundation; accreditation fee sa Technological Institute of the Philippines; pre-registration fee sa Aquinas University sa Albay.

De-kalidad?

Lagi't laging dinadahilan ng mga may-ari ng mga eskwelahan, maging ni CHED Executive Director Roger Perez, na sadyang mataas ang halaga ng edukasyong de-kalidad. Ngunit ano nga bang kalidad ang kanilang tinutukoy?

Sa Asiaweek surveys of 77 best universities noong 2000, ika-48 lamang ang UP, pinakamataas na sa Pilipinas. Tatlo na lamang ang nakasali pa rito-De La Salle University (ika-71), Ateneo de Manila University (ika-72) at UST (ika-74). Noong dekada 70, isa ang Pilipinas sa mga nangunguna sa kalidad sa edukasyon, ayon mismo sa pag-aaral ng ADB.

Ayon pa sa 1995 Task Force on Higher Education, "College education in the Philippines is comparable to top science high schools in the country and regular secondary education in Europe and Japan."

Masasalamin sa mismong mga resulta ng taunang licensure examinations ang uri ng de-kalidad na edukasyong kanilang ipainagyayabang.

Sa talaan sa ibaba, pinakamababa ang average passing percentage ng Accountancy mula 1997 - 2001, aabot lang sa 18.40 porsyento. Pinakamataas na ang 66.40 porsyento ng Medicine.

Lumalabas na sa loob ng magkakasunod na limang taon, may 35 pamantasan ang nakakuha ng zero-passing rate sa BS Accountancy, 28 sa BSC/ BSBA Accounting, walo sa Secondary Education at tatlo sa BS Nutrition and Dietetics.

Sa katunayan, naglabas ng phase-out order ang CHED sa 115 HEIs nitong 2003 dahil sa limang porsyento o mas mababa pang resulta ng licensure examinations nakuha ng mga ito simula 1997 - 2001. Sa bilang na ito, 17 pa lang ang mga eskwelahang tumalima sa nasabing phase-out order.

Negosyo

Malinaw na sa Pilipinas, malaking negosyo ang edukasyon. Aabot sa 952 pribadong kolehiyo at unibersidad ang stock corporations o itinayo para sa layuning kumita.

Kabilang sa malalaking negosyanteng namumuhunan at kumikita nang malaki sa edukasyon sina Lucio Tan (University of the East); Alfonso Yuchengco (Mapua Insitute of Technology); Henry Sy (Asia Pacific College) at Emilio Yap (Centro Escolar University).

Pumasok sa UE si Tan noong 1990. Itinuturing si Tan bilang pinakamayamang negosyante sa Pilipinas, may personal net woth na $1.5 billion. Kabilang sa kanyang mga pag-aari ang Fortune Tobacco, Asian Breweries, Allied Bank at Philippine Airlines.

Nabili naman ng Yuchengco Group of Companies (YGC) ang MIT noong 1999. Dati itong buong pag-aari ng pamilya ni Don Tomas Mapua. Pag-aari ng YGC ang Malayan Insurance, Great Pacific Assurance Life Corp. at ang Rizal Commercial Banking Corporation.

Ka-partner naman ng IBM si Sy sa Asia Pacific College. Si Sy ang pinakamalaking retailer sa bansa. Tagapangulo siya ng SM Group at may revenues na $1.7 bilyon.

Nakuha naman ni Emilio Yap ang 94 milyong sapi, o 27 porsyento ng Centro Escolar University sa halagang P761 milyon. Kasama ang mga Echauzes, orihinal na may-ari ng CEU, kontrol ni Yap 55 porsyento ng eskwelahan. Si Yap ang chair ng Philippine Trust Co., publisher ng Manila Bulletin at may-ari ng Manila Hotel.

Nagbigay naman ng P200 milyon ang Gokongwei Brothers Foundation at Gokongwei Group of Companies sa School of Management ng Ateneo de Manila University noong 2001. Nagbigay din ito ng donasyon sa University of San Carlos sa Cebu, Xavier School, De La Salle University, Sacred Heart School at Immaculate Concepcion Academy.

Nabibilang sa mga nagungunang korporasyon ang ilang malalaking eskwelahang pribado.

Sa pagtatapos ng taong 2003, siyam na eskwelahan ang napabilang sa top 1000 corporations. Tinatayang P1.13 bilyon ang pinagsama-samang kita ng mga ito.

Nangunguna ang National Teachers College (NTC), isang maliit na kolehiyo malapit sa Mendiola sa Maynila. Makikitang aabot sa higit 5,000 porsyento ang itinaas ng tubo ng NTC mula 2001.

Ngunit hindi pa rin nagpapahuli ang Centro Escolar University (CEU), na top 1 noong 1999 at 2000. Tumaas pa nga ang ranking ng CEU sa top 1,000. Mula ika-617 noong 1999, naging ika-580 noong 2000 at ika-198 nitong 2003. Ang CEU rin ang may pinakamalaking equity (assets minus liabilities), kulang-kulang P2 bilyon!

Kasali pa rin ang UE sa top 1,000. Kung 935 ang ranking ng UE noong 1999, naging 867 noong 2000 at 517 sa pinakahuling pagtatala ng Securities and Exchange Commission (SEC). Gayundin ang Mapua Institute of Technology at Far Eastern University.

Samantala, mabilis ang pag-akyat ng Manila Central University (MCU). Kung papansinin ang talaan, 8,231 porsyento ang itinaas ng kita nito sa loob lamang ng dalawang taon!

Noong 2000, 21 eskwelahan ang napabilang sa Top 5,000 corporations na may pinagsama-samang revenues na P5.44 bilyon at P779.24 milyong profit.

Isa ring pamamaraan ng mabilis na pagkita ang iskemang trimestral. Ilan sa mga eskwelahang ganito ay ang AMA Computer College, DLSU, De La Salle University-Araneta, Philippine Women's University at ABE International School of Business and Economics. Apat na semestre naman sa MIT.

Dahil sa malaking kita sa mga pamantasan, hindi kataka-taka ang pagdami ng mga eskwelahang pribado. Sa loob lamang ng nakalipas na 14 taon, 595 ang itinayong mga pribadong eskwelahan, mula 636 noong 1992, naging 1,231.

Kabilang na rito ang mga pamantasang nag-oopereyt kahit walang permiso mula sa gobyerno. Sa isang press conference noong Set. 23, 2003, ibinunyag mismo ng CHED na may 26 na mga pamantasan sa buong bansa ang nagbibigay ng 49 na programa na walang kaukulang permiso mula sa gobyerno.
Sampung eskwelahan ang nagbibigay ng kursong BS Accountancy ang walang permiso. Pinakadelingkwente ang ABE International College of Business and Economics na parang kabuteng nagsulputan sa iba't ibang bahagi ng kalakhang Maynila. Sa mga branches nito sa Las Piñas, Taft at Caloocan, may anim na programang walang permiso.
Hindi papayagan ng Professional Regulations Commission (PRC) ang mga gradweyt ng mga nasabing programa na kumuha ng licensure examinations. Sa ngayon, patuloy na pinagkakakitaan ng mga eskwelahang ito ang kawawang mga estudyante.
Ang papataas na halaga ng edukasyon ay nagbubunsod sa maraming kabataan para tumigil ng pag-aaral. Napakalaki ng diperensya ng enrolment figures sa bilang ng mga gradweyt. Sa pitong academic years, hindi aabot sa 18 porsyento ang nakakagradweyt sa pitong kursong may pinakamalalaking bilang ng enrollees.

Saad mismo ng isang CHED commissioner, sa 1,000 tumutuntong sa kolehiyo, 300 lang ang nakakatapos at 50 lamang ang napahihintulutang kumuha ng board exams.

Papel ng CHED

Ang CHED, ang ahensya ng gobyernong marapat mangalaga sa interes ng edukasyong tersaryo, ay malinaw na pumapanig sa mga pribadong mamumuhunan o mga kapitalistang nagpapanggap na edukador.
Mabilis pa sa alas-kuwatro kung aprubahan ng CHED ang aplikasyon ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad para sa pagtataas ng matrikula. Kahit pa may nakabinbing reklamo, kahit deadlock ang konsultasyon sa pagitan ng administrasyon at ng mga estudyante, kahit maingay at malawakan ang protesta sa loob at labas ng mga kampus, tatango lagi ang CHED sa lahat ng panukala ng mga may-ari ng eskwelahan.
Sa CHED memorandum no.13, isinasaad ang paglulunsad ng konsultasyon sa mga estudyante at iba pang sektor sa akademya kung may panukalang pagtaas ng matrikula. Dapat daw ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang petsa ng konsultasyon 15 araw bago ito ilunsad. Kailangan din daw magkaroon ng pagkakataon ang mga uupo sa konsultasyon na makapagpahayag ng kanilang opinyon hinggil sa panukala ng administrasyon. Maging ang mga simpleng gabay na ito ay nilalabag ng maraming eskwelahan.
Sa ilang ulit na pagsasampa ng reklamo ng mga estudyante, wala ni isa mang kaso ang nabigyan ng karampatang aksyon ng CHED. Sa halip, kinakatwiran ng CHED na wala talaga silang magagawa sa pagtaas ng matrikula.

Ang tunay na salarin daw ay ang Education Act of 1982 o Batas Pambansa 232. Nakasaad sa Seksyon 42 nito, "Each private school shall determine its rate of tuition and other school fees or charges."

Nitong mga nakaraang buwan, may mga panukala ang CHED kaugnay sa memorandum no. 13.

Pinapanukala ng CHED ang pagtatakda ng 10 porsyentong ceiling rate increase. Kung ang panukalang pagtaas ng matrikula ay hindi aabot sa 10 porsyento, hindi na mangangailangan pa ng konsultasyon. Nangangahulugan ito, kung gayon, ng awtomatikong pagtaas ng matrikula.

Gagawin nitong lehitimo ang pagpataw ng pagtaas ng matrikula kahit hindi makatwiran ang mga batayan ng administrasyon ng mga pamantasan. Dahil ligtas sa konsultasyon, makakalusot ang mga posibleng abuso at lalong mawawalan ng transparency kaugnay sa matrikula at mga bayarin.

Exempted din daw sa mga konsultasyon ang mga HEI na autonomous at deregulated at sa mga programang may level II accreditation. Sa kasalukuyan, 30 HEIs ang binigyan ng autonomy at 22 pa ang idineklarang deregulated.

Lilikha rin daw ng Regional Task Force on Tuition and Other School Fees. Ito raw ang tatanggap, magkokonsolida, mamamagitan at magreresolba sa anumang reklamo, pagtatalo at iba pa kaugnay sa aplikasyon sa pagtaas ng matrikula. Subalit sa loob ng 30 araw na hindi pa nakapagdesisyon ang nasabing Task Force, awtomatikong papayagan ang pagtaas ng matrikula!

Hanggang ngayon, hindi pa nakakapagbuo ang CHED ng compromised version ng kanilang mga panukala. Nagrehistro ng pagtutol ang mga kinatawan ng NUSP at CEGP sa mga nasabing konsultasyon. Gayundin naman, matindi ang pagla-lobby ng mga kapitalistang nagpapanggap na edukador para pangalagaan ang kanilang interes. Sumatotal, lumalabas na pinaninindigan lamang ng CHED ang papel nito bilang tagpagtanggol at tagapagsalita ng mga kapitalistang nagpapanggap na edukador.

III. BACK TO BASICS?

Ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo, tulad ng mga nagdaang rehimen, na libre ang batayang edukasyon sa bansa.

Ngunit, sa kabilang banda'y kinikilala rin, maging ng mga matataas na opisyal ng Department of Education (DepEd), ang mababang kalidad ng edukasyon sa elementarya at sekondaryang antas.

Badyet sa edukasyon

Taun-taon, tumataas ng tatlong porsyento ang enrolment sa elementarya at hayskul ngunit isang poryento lamang ang taunang pagtaas sa badyet ng edukasyon.

Sapagkat hindi naaprubahan ng Kongreso ang panukalang badyet para sa 2004, nananatiling P104.6 bilyon ang badyet ng DepEd. Kinaltasan pa ito ng P4-bilyon at inilipat sa Department of National Defense at Commission on Elections.

Barya-barya ang inilalaan ng gobyerno para sa MOOE ng bawat paaralan.

Tinatayang P3,557 lamang ang per capita spending o pondo para sa bawat estudyante sa mga publikong elementarya at hayskul.

Kung susundin ang preskripsyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization's (UNESCO), anim na porsyento ng Gross National Product ng bansa ang dapat ilaan sa edukasyon. Batay sa ganitong kompyutasyon, P280 bilyon dapat ang ilaang badyet sa edukasyon.

Kulang-kulang

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), katumbas ng kaltas sa badyet ang 2,500 bagong klasrum na nagkakahalaga ng P1 bilyon at 10,000 bagong guro at 1,666 bagong prinsipal na gagastusan naman ng P970 milyon.

Inamin ng DepEd na kulang ng 39,383 klasrum, 4.12 milyong upuan, 9.88 milyong teksbuk at 49,212 guro para sa school year 2003-2004.

Dagdag pa, 1,323 pampublikong sekondaryang paaralan ang walang prinsipal.

Sa nakaraang apat na taon, dadalawang bilyon ang inilaan para sa konstruksyon ng mga klasrum. Kung kaya sa panahong ito, 5,700 lamang ang naitayong klasrum.

Mula sa datos mismo ng DepEd noong 2002, 22 porsyento ng mga eskwelahan sa elementarya at hayskul ang walang science laboratories, 20 porsyento ng klasrum ang walang maayos na ventilation, 27 porsyento ang walang maayos na lighting, 55 porsyento ang walang kuryente at 25 porsyento pa ang walang kisame.

Sa Payatas Elementary School, binawasan ang oras ng klase mula anim patungong tatlo dahil sa kakulangan ng klasrum. Dalawang taon nang ganito ang sistema sa Payatas. Dalawampu't isa lamang kasi ang klasrum doon.

Sa San Francisco High School, 60 ang karaniwang class size. May mga nagkaklase sa mga corridors, sa stage at maging sa ilalim ng mga puno.

Karaniwang class size ay 55. Malayong-malayo ito sa mga karatig-bansa sa Asya. Ang Thailand ay may 18, Malaysia ay 19, China ay 24, Taiwan ay 14 at ang Indonesia ay 22.

Mga bayarin

Dahil kapos sa badyet, nangongolekta rin ng ibang mga bayarin sa mga pampublikong eskwelahan. May mga naniningil ng buwanang ambag para tustusan ang sweldo ng janitors, security guards at iba pang kawani.

Kadalasan din, hinihingan ng donasyon ang mga magulang at mga estudyante para sa pagpapaayos ng mga pasilidad. Karaniwan ding may mga grupo ng cleaners bawat araw para makatipid sa gastos sa maintenance.

Laganap din ang paglulunsad ng mga income generating projects gaya ng bingo social, ballroom dancing, beauty contests at kung ano-ano pa.

Sa University of the Philippines Integrated School (UPIS), tumaas ng 300 porsyento ang Parents Teachers Association (PTA) fee, mula P250 naging P1,000. Naniningil na rin ng P60 guidance fee. Dito kinukuha ang anumang kakulangan sa pondo.

Pagtitipid

Nagsimula na rin noon pang 2001 ang downsizing ng mga klase sa UPIS. Kada taon, binabawasan ang mga sections sa bawat year level. Bilang resulta, lumalaki ang bilang ng mga estudyante sa bawat klase. Wala na ring tinatanggap na aplikante para sa first year level.
Sa Pura V. Kalaw High School, tumigil na sa pagtanggap ng mga estudyante simula noong 2003. Nakatakda na ring magsara ang nasabing paaralan sa oras na makapagtapos na ang natitira pa nilang mga estudyante.

Kalidad

Dahil sa kakarampot na badyet at kalunos-lunos na kalagayan ng mga pampublikong eskwelahan, hindi kataka-takang dumausdos ang kalidad ng batayang edukasyon sa bansa.

Sa mismong pag-aaral ng DepEd, napakababa ng achievement rates ng mga estudyante sa hayskul-reading comprehension, 44.24 percent; mathematics, 34.92 percent at science, 41.05 percent.
Sa Third International Mathematics and Science Test (TIMMS) noong 1995, ikaapat ang Pilipinas sa pinakamababang ranggo, tinalo lamang ang Kuwait, Colombo at South Africa.

Kalagayan ng mga guro

Walang bakanteng teaching positions ngayong taon kahit pa tumaas ang kabuuang enrolment sa publikong mga eskwelahan, mula 16.8 milyon nitong SY 2002-03 tungong 17.2 milyon sa SY 2003-04 at sa tinatayang 17.7 milyon para sa SY 2004-05.

Aabot lamang sa P9,939 ang kabuuang buwanang sweldo ng mga guro, mataas lang ng kaunti sa minimum wage sa Metro Manila ngunit hindi pa rin sumasapat. Sa datos ng IBON, kailangan ng isang pamilyang may anim na miyembro ng P16,000 kada buwan para mabuhay nang disente. Ibig sabihin, higit anim na libo pa ang kailangan ng mga guro.

Sa liit ng sweldo ng mga guro, hindi nakapagtataka kung P50,109 ang karaniwang average loan ng bawat guro. P15 bilyon ang kabuuang utang ng mga guro sa Government Service Insurance System (GSIS).

Sa 1999 Philippine Normal University (PNU) survey, 62 porsyento ng 253,777 mga guro ang gumradweyt sa kolehiyo sampung taon na ang nakakaraan. Sa bilang na ito, 37 porsyento lamang ang pumailalim sa anumang uri ng treyning.

13.9 porsyento lamang ang nakakagamit ng computers, 1.8 porsyento lang ang may access sa internet.

5.3 porsyento lang ng mga guro ang kumuha ng major sa Math at 2.7 porsyento lang ang may Science major.

'Mga Solusyon'

Bunsod ng ganitong kalagayan, nagpatupad ang DepEd ng mga programang diumano'y lulutas sa mababang kalidad ng edukasyon.

Sa isang memorandum na inilabas sa ikatlong kwarto ng pasukan noong SY 2003-04, nirebisa ng DepEd ang grading system. Binago ang passing mark mula 50 porsyento tungong 75 porsyento.

Ayon sa ACT, 10 sa bawat 60 estudyante lamang ang pumapasa batay sa ganitong istandard.

Nito lamang pasukan, inilako na rin ng DepEd ang kontrobersyal na bridge program o isang taong dagdag na taon bago tumuntong sa regular na hayskul ang mga gradweyt ng elementarya.

Sabi ng DepEd, ang nasabing programa ay katatangian ng isang taong intensive na programa sa English, Science at Math.

Wala rin daw dagdag na gastos maliban sa incidental expenses gaya ng uniporme, baon, pamasahe, school supplies at pamasahe.

Sa pag-aaral ng ACT, gagastos ang isang pamilya ng P8,000 hanggang P10,000 para sa dagdag na taon sa hayskul. Nakabatay ang kompyutasyon sa sampung buwan o 205 araw na may klase kung saan gagastos ang estudyante ng P39 hanggang P48 kada araw.

Hindi ito makakayanan ng maraming pamilyang Pilipino. Pitumpung porsyento ng populasyon ang nabubuhay sa P82 o mas mababa pa kada araw.

Nagbabala ang ACT na dadami ang bilang ng titigil sa pag-aaral. Sa kasalukuyan, ang bilang ng dropouts ay sampung porsyento ng kabuuang enrolment. Sa SY 2003-04, aabot sa 1.7 milyong estudyante ang dropouts.

Bagamat idineklarang optional ang bridge program dahil na rin sa matinding pagtutol ng mga estudyante at mga magulang, maraming mga eskwelahan ang mayroon nang pre-assigned sections para sa nasabing programa. Sa Calderon High School sa Maynila, lima sa 22 klase ang ipapailalim sa bridge program; 11 sa 22 klase naman sa Manila High School. May dalawang klase naman sa Quirino High School.

Kinukuwestiyon maging ng mga guro mismo ang pagiging epektibo ng bridge program. Ibinunyag ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) na pilit na pinagtuturo ang mga guro sa bridge program gayong walang kaugnayan ang mga subjects sa kanilang tinapos. Paano nga naman mapapahusay ang English, Science at Math ng mga estudyante kung kulang din sa kasanayan ang kanilang mga guro?

Binatikos maging ni Teresita Cascolan, schools division superintendent sa Zamboanga City ang bridge program. Bukod sa hindi ito dumaan sa konsultasyon sa mga guro mismo, mga magulang at estudyante, discriminatory ito sa mga mahihirap. Hindi lamang naman mga estudyante sa mga publikong paaralan ang nakakakuha ng mababang grado sa national diagnostic tests kundi maging mga estudyante sa mga pribadong paaralan.

Kung ibinatay man ng DepEd ang bridge program sa 'No Child is Left Behind' ng Amerika o 'Back to Basics' kurikulum ng Canada, kapos na kapos ang Pilipinas sa imprastruktura at lohistika para maging epektibo ang programa, kahit pa magkatulad ang teaching methodology, course content at pamamaraan ng pagtuturo.

Sa ibang bansa, bukod sa mga reporma sa edukasyon, may sapat na klasrum, modyul at mga guro. Binibigyan pa nga ng libreng tanghalian, pamasahe, uniporme, at kung minsan, allowance, ang mga estudyante para mahikayat sa pag-aaral. Sa kabilang banda, may sapat ding sweldo ang mga guro at nabibigyan ng karampatan at nagpapatuloy na treyning.

Dapat ding pag-isipang muli ng DepEd ang masyadong pag-asa sa standardized examinations sa pagsusuri sa performance ng mga estudyante. Kahit ang mga grado sa Scholastic Aptitude Test (SAT) sa Amerika ay hindi gaanong pinapansin.

Habang pinipilit natin ang ating mga Grade 6 pupils na kumuha ng National Diagnostic Test (NDT), pinagdedebatehan naman sa Inglatera kung tama bang pakuhanin ng national examinations ang 14-taong gulang nilang mga estudyante sa halip na 15-16 taong gulang na istandard ng maraming bansa sa Europa.

Hanggang ngayo'y hindi pa rin naipapaliwanag ng DepEd ang lohika ng pagpapakahusay sa Ingles. Isinasantabi ng ahensya ang mga pag-aaral sa UP na nagpapatunay na mas mabilis ang pagkatuto ng mga estudyante sa Math at Science kung Filipino ang wikang ginagamit.

'Makabayan'

Lalo lamang tumitingkad na nais ng DepEd na gawing globally competitive ang mga kabataang Pilipino sa maagang yugto pa lamang. Umaakma ito mga layunin ng Revitalized Basic Education Curriculum (RBEC) o Makabayan curriculum.

Lima na lang ang core subjects ng mga estudyante: English, Science, Math, Filipino at Makabayan - pinagsama-samang araling panlipunan, musika, PE, health, at technology and home economcs. Inalis ang science sa grade 1at 2 at binawasan ang contact time ng pagtuturo ng science sa hayskul.

Sa paglabnaw ng pagtuturo ng kasaysayan at ng lahing Pilipino, higit nitong patitingkarin ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa. Nilabag ng DepEd ang lahat ng metodolohiya sa pagbabago ng kurikulum dahil hindi dumaan sa pilot testing ang RBEC bago ito ipatupad sa buong bansa. Ang maagang pagpapatupad ng kurikulum ay dikta ng IMF-WB bago nila ibigay ang hinihinging utang ng pamahalaan para sa edukasyon.

IV. LAKAS-PAGGAWA PARA SA DAYUHAN

Mapapansing ang mga pangunahing patakaran ng gobyerno sa edukasyon ay nakabatay sa mga rekomendasyon ng foreign lending institutions gaya ng IMF, WB at ADB. Sistematiko ang panghihimasok ng mga nasabing institusyon sa sektor ng edukasyon sapagkat nakataya rin dito ang pang-ekonomiyang interes ng mga dayuhang korporasyon.

Ito ang paliwanag sa mga donasyon ng IMF, WB at ADB sa sektor ng edukasyon ng Pilipinas. Ginagawang pabrika ang mga eskwelahan ng mura at kiming lakas paggawa para sa mga multinational corporations (MNCs).
Nakasaad mismo sa ADB Country Strategy and Program Update 2002 - 2004," To upgrade skills and raise productivity for global competition, ADB will support programs to increase access to and quality of basic education, enhance teacher development, improve resource allocation across the sector and rationalize and strengthen higher education."

Sa parehong papel, maglalaan ang ADB ng $50 milyong pautang para sa Mindanao Basic Education Development Project, $75 milyon para sa Education Sector Program; $53 milyon para sa capital resources ng Secondary Education Development and Improvement Project; $25 para sa Technical Education and Skills Development Project at $19 milyon para sa Fund for Technical Education and Skills Development.

Binalangkas at binigyan din ng malaking badyet ng WB ang Third Elementary Education Project ng Pilipinas. Mula 1982-1996, nagbigay ang WB ng $385 milyon at 2/3 nito ay inilaan para sa elementarya at edukasyong bokasyonal.

Lohikal ang pagdidiin sa batayang edukasyon at edukasyong bokasyonal-teknikal sapagkat sasapat na ang mga ito para maging epektibong semi-skilled workers para sa MNCs.

Labor export policy

Sa balangkas ng labor export policy ng gobyerno dinidireksyunan ang edukasyon at training system ng kabataang Pilipino -tumugon sa global demand for skills. Kaya naman, lagi't laging sinasambit ng CHED, DepEd, TESDA, DOLE at iba pang ahensya ng gobyerno, pati na ng mga may-ari ng mga eskwelahan, ang global competitiveness.
Pangunahing turol ngayon ng gobyerno ang labor export policy. Tinawag ni Arroyo na overseas Filipino investors ang overseas Filipino workers. Sa esensya, deklarasyon ito ng pagbaling sa labor migration bilang mayor na patakaran sa ekonomiya.
Pinakamataas na empleyong nalilikha ng overseas employment. May 7 milyong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa ibayong dagat. Tinatantyang 2,300 manggagawang Pilipino ang umaalis ng bansa bawat araw para makipagsapalaran sa ibang bansa.
Sa tantya ng United Nations, $8 bilyon ang dollar remittances ng mga OFWs bawat taon. Sinsalba nito ang bangkaroteng ekonomiya ng bansa. Kahit negatibo ang Gross Domestic Product, nananatiling positibo ang GNP dahil sa foreign exchange mula sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Kahit pa mataas ang bilang ng walang trabaho at kulang ang trabaho, may pagtaas pa rin sa private consumption. Anim na porsyento ng pamilyang Pilipino ang nakakatanggap ng kita mula sa ibang bansa at anim sa bawat sampung pamilyang ito ang naninirahan sa mga lungsod.
Inilalako sa napakababang halaga ang lakas-paggawa ng bansa. Pagpapatuloy lamang ito ng istorikal na paninikluhod ng gobyerno sa dayuhang interes-mula sa pagluluwas ng murang hilaw na materyales tungo sa pagluwas ng mamamayang Pilipino bilang kalakal.
Isang kongkretong halimbawa nito ang pagdami ng mga eskwelahang may caregiver training programs. Ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) Labor Market Intelligence Report, aabot na ito sa 758 na nakapagprodyus ng 54,644 gradweyt mula 2002 hanggang 2003 pa lamang.

Ngunit 3,659 caregivers lamang ang kasalukuyang demand sa iba't ibang bansa.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA), may 18,878 caregivers na lumabas ng bansa noong nakaraang taon.

Call centers

Ipinagmamalaki ngayon ng matataas na opisyales ng gobyerno ang call center services bilang isa sa mga umuunlad na industriya sa bansa. Sa kasalukuyan, may 20 call centers na sa Pilipinas at kulang-kulang 10,000 ahente.

Mula 2000 hanggang 2001, lumaki ito ng 200 porsyento at tinatayang lalaki pa ang revenues sa $864 milyon ngayong 2004.

Ang call center ay isang central customer service program kung saan tumatanggap ng mga tawag ang mga ahente sa ngalan ng mga kliyente. Kabilang sa kanilang inilalako ang mail-order catalog houses, telemarketing companies, computer product help desks, banks, financial service and insurance groups, transportation and freight handling firms, hotels at IT companies.

Dumagsa ang call centers sa mga bansang Third World gaya ng sa Pilipinas dahil sa papamahal ng gastos sa negosyo sa mga industriyalisadong bansa.

Bunga nito, may mga itinatayo nang call center training schools sa Pilipinas. Partikular na diin ang ibinibigay sa English, Math at Science. Nauna rito ang Call Center Academy sa Pasig City.

Hinihikayat ng mga opisyal sa industriya ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa batayang edukasyon upang mapanatili raw ang bentahe ng Pilipinas sa ibang mga bansa.

Ngunit lubhang mapagsamantala ang kalakaran sa mga call centers. Kontraktwal ang karamihan ng mga empleyado. Mahaba ang oras ng trabaho, karaniwa'y sa gabi hanggang madaling araw upang makasabay sa oras sa Amerika o sa anumang bansa. Wala rin sa kalahati ang sweldo ng mga Pilipino kumpara sa kanilang counterparts sa mga bansang industriyalisado.

Muli, tumutugma ang mga 'reporma' sa edukasyon sa pangangailangan ng mga dayuhang korporasyon. Noong nakaraang taon, inutos ni Arroyo na Ingles ang gamiting midyum sa instruksyon sa mga paaralan. Ganito rin ang sinasabi ni Peter Wallace, isang Amerikanong diplomat.

Kolonyal na nakaraan

Hindi na bago ang ganitong tunguhin ng sistema ng edukasyon. Simula't sapul, dinisenyo ito para magsilbi sa interes ng dayuhan at hindi ng mamamayang Pilipino.
.
Naging monopolyo ng simbahang Katoliko ang edukasyon noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Ipinagkait sa mga 'indio' ang mataas na edukasyon upang panatilihing mangmang ang aliping lahi at umasa na lamang sa mga among Kastila. Bagamat naitatag ang ilang Katolikong pamantasan, ito naman ay eksklusibo para sa mga ilustrado at mga dayuhan.

Pagkatapos maibagsak ng Katipunan at ng mamamayan ang dominanteng kapangyarihan ng mga Kastila noong 1898, naudlot ang pag-unlad ng isang edukasyong batay sa kagustuhan ng mga Pilipino nang dumating ang mga Amerikano. Binasura ang edukasyong ipinatupad ng rebolusyonaryong gobyerno na malaki ang potensyal sa paghawan ng landas tungo sa isang malaya at masiglang hinaharap at sapilitang ipinatupad ang isang sistemang ayon sa interes ng imperyalistang Kano.

Ginamit ng mga Amerikano ang edukasyon upang malubos ang kanilang pananakop sa bansa at magtagumpay ang kanilang pacification campaign. Pagkapanalo ni Commodore Dewey noong 1898 ay agad pinangasiwaan ng mga Amerikanong sundalo ang 39 na eskuwelahan sa Maynila na may apat na libong estudyante. Para kay General Arthur MacArthur, isang operasyong militar ang pagtatayo ng marami pang mga eskuwelahan bilang bahagi ng kanilang kampanyang sakupin ang bansa.

Sa pamamagitan ng Act 74 na nilagdaan ni Pangulong Mckinley noong Enero 1901 ay nailatag ang struktura ng edukasyon sa bansa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Amerikano. Itinatag ang Department of Public Instruction, nagpadala ng mahigit isang libong Amerikanong guro sa bansa na nakilala bilang mga Thomasites, at ginamit ang Ingles bilang wikang panturo sa mga eskuwelahan.

Ang edukasyon sa ilalim ng mga Kano ay isang mahalagang pagkukundisyon ng ating pag-iisip upang tanggapin ang kanilang pamumuno. Hindi lang pagtuturo ang naging papel ng mga Thomasites kundi ang pagtitiyak ng "loyalty of the inhabitants to the sovereignty of the United States, and implanting the ideas of western civilization among them."

Ang pag-usbong ng bagong henerasyon ng mga Pilipino na kumikiling sa pamumuno ng mga Kano ay resulta ng isang edukasyong dinisenyo ng mga Amerikano upang mabaling ang ating atensiyon mula paglaban para sa kalayaan tungo sa pagkilala sa pamumuno ng dayuhan. Araw-araw itinuturo sa mga kabataang Pilipino ang mabuting layunin ng mga Amerikano sa pagdating sa Pilipinas at ang kadakilaan ng kanilang sibilisasyon at kultura. Ang mga rebeldeng ayaw sumuko at patuloy na nakikidigma ay ipinakilalang mga tulisan at masasamang tao. Isinantabi ang pagtuturo ng kulturang tradisyunal at ang inaral ng mga bata ay pagkanta ng mga awiting tulad ng Columbia, Star Spangled Banner, ABC, my old Kentucky home, at Maryland, my Maryland.

Bahagi rin ng pagkukundisyon sa ating kamalayan ay pagtatayo ng mga pamantasan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas(UP) at Philippine Normal University (PNU) upang matiyak na ang susunod na mga guro, klerk, teknokrat at lider ng bansa ay hindi lalayo sa kagustuhan at pamantayang iiwanan ng mga Amerikano. Sa bisa ng Act 854 noong 1903 ay pinag-aral ang isang daang matatalinong Pilipino sa Amerika na tinawag na pensionados. Sila ang naging mga pinakamasugid na taga-suporta ng dayuhang pananakop pagbalik nila sa Pilipinas.

Matagumpay ang paggamit ng edukasyon sa pag-impluwensiya sa pag-iisip ng mga Pilipino kaya't nang maitatag ang gobyernong Commonwealth noong 1935, huling binuwag at ipinasa sa mga Pilipino ng mga Amerikano ang Department of Public Instruction.

Pagkatapos ng paggawad ng huwad na kalayaan sa bansa noong 1946, nagpatuloy pa rin ang malaking papel ng mga Amerikano sa sistema ng edukasyon ng bansa. Mula dekada sisenta hanggang nobenta ay mahigit walong libong mga Amerikanong Peace Corp Volunteer ang ipinadala sa bansa upang magturo sa mga eskuwelahan na parang mga Thomasites at estudyante nila maging ang mga Pilipinong guro. Sa pamamagitan ng mga Amerikanong foundation tulad ng Ford, Luce, Rockefeller, at Fulbright, nagpatuloy ang paghubog ng mga Pilipinong estudyante na tapat at sumasamba sa lahat ng perspektibang pabor sa interes ng US.

Mahusay na ginamit ang edukasyon sa balak ng US na panatilihin ang pag-asa ng bansa sa tulong ng una. Mula sa pagpapatakbo ng pamahalaan hanggang sa pagpaplano ng ating ekonomiya ay higit pa sa tuta ang ating mga bagong lider sa paghingi ng tulong at gabay sa mga amo nilang Kano.

Kaakibat nito ay ang pagbabalangkas ng istruktura ng edukasyon na tutugma sa pangangailangan ng Amerika at ng mga korporasyon nito. Naging papel ng edukasyon ang pagsuplay ng mga manggagawang may kaunting kasanayan at pwede pang matuto ng bagong kasanayan sa mga dayuhang korporasyon lalo na ng pag-aari ng mga Amerikano.

IV. PURO BAWAL

Ang komersyalisado at kolonyal na sistema ng edukasyon ay nag-aanak ng panunupil. Lantaran ang pagsasantabi sa mga demokratikong karapatan ng mga estudyante sa loob at labas ng mga pamantasan.

Sadyang pinananatiling kimi o hindi naman kaya'y pinatatahimik ang ang mga estudyanteng tumututol sa pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin.

Mistulang batas militar ang pinaiiral sa maraming pamantasan. Nilalabag ang karapatan sa malayang paggalaw (free movement); malayang pamamahayag (freedom of speech and expression); karapatan na makapag-organisa (right to organization). May diskriminasyon kaugnay sa sexual preference.

May mga pamantasang walang konseho. Isa na sa mga ito ang Philippine School for Business Administration (PSBA) sa Maynila. Sa UE-Recto, nilimitahan hanggang alas-singko ang opisina ng konseho.

Tinutugis na parang kriminal ang mga aktibistang estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad. Sa UST, pinapahabol sa gwardiya ang mga kilalang nanguna sa protesta laban sa ROTC.

Sinusupil ang kalayaan sa pamamahayag. Kabilang rito ang non-mandatory collection, withholding of funds, intervention in editorial exams, suspension/expulsion of editors/writers, verbal harassment, libel cases hanggang pagpapasara ng mga publikasyong pangkampus.

Gamit ang Campus Journalism Act of 1991 o RA 7079, naging lehitimo ang panggigipit sa pinansya at pagyurak sa editorial autonomy ng mga pahayagan.

Tampok ang mga kaso ng UPLB Perspective ng UP Los Baños at Ang Pamantasan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Direktang nag-maniobra si Wilfredo P. David, UPLB chancellor, sa editorial exams ng UPLB Perspective. Dinismiss ang dalawang editors ng AP at sinuspindi ang 11 pa.

May mga eskwelahan ding nagpapatupad ng mga absurdong mga patakaran. Sa College of the Holy Spirit, ekslusibong paaralan para sa kababaihan, bawal ang gupit-lalaki. Sa CEU, sinusukat ang palda ng mga estudyante. Sa ibang mga eskwelahan, bawal pati chewing gum. Sa UE-Recto, expulsion ang parusa sa loitering.

Maraming fraternities, sororities at mga progresibong organisasyon ang hindi kinikilala ng mga administrasyon.

Idineklara namang demonstration-free campus ang UE-Caloocan.

Sa ibang mga pamantasan, may direktang kolaborasyon sa militar para sistematikong supilin ang mga kritikal na estudyante. May student intelligence networks (SIN) sa ilalim ng ROTC na nagmamanman sa mga aktibidad ng mga militanteng organisasyon. Nabunyag ang paggalaw ng SIN sa UP Manila, UP Diliman at UST. Sa University of San Carlos, sinusundan hanggang bahay ng intelligence agents ang mga aktibistang estudyante, maging ang mga karaniwang manunulat pangkampus.

Sumulat pa sa Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (Isafp) ang administrasyon ng PNU noong nakaraang taon. Diumano, humihingi ito ng tulong para i-nyutralisa ang mga 'elemento ng komunista' sa loob ng publikasyong pangkampus.

Sa University Belt area sa Maynila, karaniwang ng tanawin ang pananatili ng pulis sa mga gate ng mga kampus.

Marahas na binubuwag ang mga rali sa loob at labas ng kampus. Nito lamang Hunyo 21, kinaladkad, sinuntok at tinutukan ng baril ng mga elemento ng Western Police District ang mga estudyanteng nagprotesta laban sa pagtaas ng matrikula. Apat ang inaresto, kinulong at kinasuhan ng obstruction at illegal association.

Makailang ulit ding malisyosong iniuugnay sa Communist Party of the Philippines at New People's Army ang mga militanteng organisasyon ng mga estudyante. Layon nitong tanggalan ng kredibilidad at siraan ang mga estudyanteng naggigiit lamang ng karapatan sa edukasyon at iba pang demokratikong karapatan

IV. ALTERNATIBO

Ang komersyalisado, kolonyal at mapanupil na edukasyon ay manipestasyon ng bulok na sistemang panlipunan.

Makamit man ang ilang mga reporma sa edukasyon pero kung hindi naman nagbabago ang katangiang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa, magpapatuloy lamang ang krisis sa edukasyon na sagabal sa ating pag-unlad. Hangga't negosyo ang edukasyon at makadayuhan ang mga lider ng bansa ay hindi mapipigil ang pagsisilbi ng edukasyon sa interes ng iilan at ng mga dayuhan.

Makatwiran, kung gayon, ang paggigiit ng makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon.

Para sa Pilipino

Upang tapusin na ang misedukasyon ng mga Pilipino ay nangangailangan ng isang makabayang edukasyon. Saad ni Renato Constantino, "…the education of the Filipino must be a Filipino education. It must be based on the needs of the nation and the goals of the nation. The object is not merely to produce men and women who can read and write or wo can add and subtract. The primary object is to produce a citizenry that appreciates and is conscious of its nationhood and has national goals for the betterment of the community…"

Ang isang makabayang edukasyon ay tumutugon sa pangangailangan ng bansa. Ito ay tumutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at nagpapaunlad ng sining at kulturang Pilipino. Kung nakabatay ang ating ekonomiya sa agrikultura, kailangang may bigay diin ang edukasyon sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng ating agrikultura. Gayundin, ito ay dapat tumutugon sa pangangailangan ng mayorya ng mamamayang Pilipino.

Isang kongkretong hakbang ang paggamit ng wikang Filipino bilang pangunahing midyum ng instruksyon sa pag-aaral. Wala nang pinakamabisang wika upang madaling maintindihan ng mga mag-aaral ang mga paksang aralin kundi ang wikang Filipino.

Kailangan din ng major overhauling sa mga kurso at kurikulum sa edukasyon. Mali ang bulag na pagkopya ng mga modelo mula sa mga kanluraning bansa. Bagkus, dapat itong nakabatay sa kongkretong kalagayan at pangangailangan ng mamamayang Pilipino.

Siyentipiko

Kailangan ang isang siyentipikong edukasyon tungo sa direksiyon ng pambansang industriyalisasyon.

Kailangang maging siyentipiko ang pag-aaral ng mga bagay-bagay lalung lalo na ang social sciences at iwaksi ang mga kuru kuro at kasinungalingan bahagi ng kasaysayan na itinuturo sa mga paaralan. Ang paggamit ng mga akdang tunay na naglalahad ng kalagayan ng bansa at mga tamang datos ang siyang dapat gamitin at dapat ng ibasura ang mga akdang rekomendado ng IMF-World Bank at ibang pang aklat na nagtatago ng kasalanan ng US sa mamamayang Pilipino.

Syentipiko ang sistema ng edukasyon kung ito ay nagpapalaganap ng mga demokratikong pananaw na babaka sa diskriminasyon batay sa uri, lahi, kasarian, relihiyon at iba pang mapang-aping pananaw.

Magiging syentipiko lamang ang isang uri ng edukasyon kung ito ay malaya sa manipulasyon at pagmamay-ari ng iilan. Halimbawa, ang siyentipikong panaanaw sa kasaysayan ng lipunan at ng daigdig ay yaong ginamitan lamang ng istorikong materyalismo at nakabatay sa mga tunggalian ng mga uri sa lipunan. Na ang sistemang pang-ekonomiya ang nagdidikta sa paggalaw sa sistemang pampulitika at ang kultura ay isa ring repleksyon ng namamayaning sistemang pang-ekonomiya at pampulitika. Taliwas ito sa kasalukuyang itinuturo ng kasalukuyang mga institusyon ng edukasyon na nagtuturong ang mga pangyayari sa lipunan ay dulot ng mga insidental o aksidental na mga pangyayari tulad ng mga himala, pagkakataon lamang o kadalasa'y walang mga dahilang mga pangyayari.

Kailangan ding iwaksi ang masyadong pag-asa sa mga libro para matuto. Kailangan langkapan ng praktika ang mga teoryang itinuturo sa mga eskwelahan.

Makamasa

Ang edukasyong pangmasa ay makakamit lamang natin kung handa ang gobyerno na kilalanin at tupdin ang kanyang tungkulin sa mamamayan na pag-aralin ang mga ito.

Kongkretong hakbang ang pagpapatayo ng mga paaralan mula elementarya, hayskul at kolehiyo sa bawat bayan ng bansa. Dapat din na sagutin ng gobyerno ang mga gastusin sa pag-aaral tulad ng matrikula, libro, uniporme, baon, mga kagamitan at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo.

Sa ganitong paraan, hindi na lamang pribilehiyo ng iilan ang edukasyon.

PAGWAWAKAS

Suntok sa buwan ang pangako ni Arroyo na 'edukasyon para sa lahat.'

Hindi niya kayang lokohin ang mga kabataang nagpatalsik sa isang pangulong katulad niyang nagpabaya sa edukasyon.

Ipagkakait ng kabataang Pilipino sa kanya ang hinihingi niyang reconciliation. Sariwa pa sa kabataan ng Edsa 2 ang diwa ng paglaban para sa sektoral na interes at interes ng nakararaming mamamayan.

Sa muli niyang pagluklok, hindi papayagan ng kabataang manatiling makulimlim ang kinabukasan.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan