ISANG
MALUNGKOT na balita ang natanggap ko kamakailan. Pumanaw na raw
si Lola Remedios Felias, isa sa mga Filipino comfort women na noong
World War 2 ay ginawang sex slave ng mga sundalong Hapon.
Personal kong nakilala si Lola Remedios noong isang taon nang dumalo
ako sa book launch dito sa Maynila ng kanyang diary book na "The
Hidden Battle of Leyte". Ang libro ay nagkukuwento ng kanyang
karanasan bilang isang batang babae na tinangay at ginawang sex
slave ng ilang kasapi ng Japanese Imperial Army sa Kabisayaan. May
mga drowing at sulat-kamay ng matanda sa kanyang libro, at ang teksto
ay nasa English, Tagalog, at Hapones.
Sa pagtitipong iyon, narinig ko ang pagkukuwento ni Lola Remedios.
Naramdaman ko ang sakit habang lumuluha niyang binabalikan ang masaklap
na nangyari sa kanya.
Ayon sa Lila Pilipina, isang organisasyong kinabibilangan ni Lola
Remedios, ang pagsusulat at pagsasalaysay ay nagsilbing daan upang
siya ay maka-recover sa trauma ng ng kanyang mapait na karanasan.
Pumanaw si Lola Remedios noong April 14, 2004 sa sakit na uterine
cancer. Sabi ng Lila Pilipina, kahit terminal na ang sakit niya
ay sumasama pa rin ang matanda sa mga meeting at kahit sa rallies
ng organisasyon. Bagamat lumaban hanggang sa huling sandali, payapa
naman daw niyang tinanggap ang kanyang kamatayan.
Ngunit namatay si Lola Remedios na hindi nakakamtan ang isinisigaw
na katarungan.
Kapaskuhan ng nakalipas na taon nang ibasura Japanese Supreme Court
920 million yen damages suit na isinampa ng mga dating comfort women
laban sa gobyernong Hapon. Nagsimula ang kaso noon pang 1993.
Umaabot sa 200,000karamihan ay mga Pilipina at Koreanaang
ginawang sex slave ng mga sundalong hapon noong World War 2. Pero
patuloy na tumatangging magbayad o mag-apologize ang gobyernong
Hapon.
Masama rin ang loob ng mga dating comfort women sa administrasyong
Arroyo. Hindi raw sila nakatanggap ng anumang suporta mula sa gobyerno
sa kanilang sa legal battle.
"Nandidito kami para ipaala-ala muli kay Presidente Gloria
na huwag naman niyang kaming kalimutan na mga comfort woman. Marami
na sa amin ang namamatay, ang nagkakasakit. Ngayong nasa Japan na
naman siya, ipaglaban naman niya kami. Kaya nga dinala namin dito
ang mga larawan ng mga dati naming kasama para h'wag niya kaming
kalimutan," sabi ni Lola Narcisa Claveria, isa sa mga kasamahan
ni Lola Remedios sa isa sa kanilang mga rally.
Sa kabila nito, naniniwala silang hindi sa pagkatalo sa korte o
sa pagpanaw nagtatapos ang pakikibaka ni Lola Remedios at ng kanyang
mga kasama.