SA GITNA ng unos na dala ng pulitikal at pang-ekonomiyang
tensyon sa ating lipunan, nasaan ang kabataan?
Nasaan ang mga kabataang gumimbal sa buong mundo noong 2001 nang
ating patalsikin ang isang korap na pangulo? Nasaan ang mga kabataang
pag-asa ng bayan? Nasaan ang mga kabataang taga-ugit ng kinabukasan.
Nasaan, kabataan?
Iyan ang mga tanong na gumagambala sa aking isip nitong mga nakaraang
buwan. Hindi ko mawari na ang kabataang dati ay nanguna sa pagpapatalsik
kay Pangulong Estrada ay tahimik at walang alintana sa nag-iinit na
isyu dala ng katatapos lamang na eleksyon. Ngayong pasukan, hindi
mo mabakas sa mga estudyante kung iniintindi ba nila ang sigalot na
bumabalot sa ating lipunan sa mga panahon ngayon. Karamihan ay walang
pakialam sa mga pangyayari. Ang iba naman, may pakialam pero ayaw
makisangkot.
Nasaan, kabataan?
Malimit ay nasa loob ng silid-aralan o sa tambayan ng organisasyon.
Kung wala sila roon ay malamang nasa mall. Sa gabi naman, asahan mong
sila ay nasa Libis, Rockwell, o The Fort.
Nakakalungkot isipin na liban sa mga organisadong grupo ng mga kabataan,
marami sa atin ang kuntento nang mairaos ang araw-araw na 'di alintana
ang anumang nangyayari sa ating kapaligiran. Sa tuwina, isa lamang
ang laman ng ating mga isip: mag-aral para makatapos. Makatapos para
makapag-trabaho. Makapag-trabaho para guminhawa ang buhay.
Lahat ay pawang pansariling interes.
Hindi naman masama ang mag-ambisyong mapabuti ang sariling buhay.
Ngunit kung sa pagkamit ng ating pansariling hangarin ay dapat nating
ipikit natin ang ating mga mata sa opresyon at kahirapan at kandiliin
ang kababuyang ginagawa ng mga naghaharing uri, huwag na lang sana
tayong mag-ambisyon pa.
Aanhin natin ang pansariling yaman kung ang ating mga kababayan ay
nananatiling lugmok sa kahirapan--na hindi nila kasalanan, bagkus
ay kagagawan ng nanghaharing uri?
Ano ang gagawin natin sa isang marangya at matiwasay na buhay habang
ang ating kapwa Pilipino ay nabubuhay sa peligro? Habang si Juan de
la Cruz ay nananatiling busabos sa kamay ng kanyang mga kababayan
at ng mga mapaniil na dayuhan?
Aanhin natin ang ating mga diploma kung sa ating pagkatuto ay tayo'y
magiging apatetiko o di kaya'y mapang-api sa ating kapwa. Hindi ba't
mas mabuting mag-aral na lang tayo sa lansangan at sa mga komunidad?
Sabi nga ng magiting na si Lean Alejandro: "Huwag nating hayaang
makasagabal ang ating pag-aaral sa ating edukasyon." Isipin natin
ito: wala sa apat na sulok ng silid-aralan ang tunay na pagkatuto.
Karanasan ang ating guro. Lipunan ang ating paaralan.
Nasaan, kabataan? Nasaan ka sa mga panahong kailangan ka ng iyong
bayan?
Hindi ko pa iniisip kung paano tatanggapin ng aking mga kasama ang
mga obserbasyong sinulat ko rito. Maaaring pagsimulan ito ng isang
mainit na debate, o di kaya'y maging rason upang hindi na nila ako
papuntahin sa aming mga pagpupulong. Maaari rin namang hindi nila
pansinin ang mga sinulat ko rito at pindutin na lamang ang delete
button.