PAUMANHIN KAY Condoleeza Rice, Donald Rumsfeld at Colin Powell
sa paggamit ng tila parehong bansag sa mga teritoryong kinikilala
nilang mga terorista. Pero ang tinutukoy kong 'Vortex of Evil' ay
hindi ang North Korea, Iraq at Iran kundi ang pugad ng kasamaan sa
bansa: ang oil depot sa Pandacan, Makati Business District at ang
Malacanang.
Dito nagmumula ang mga terorista. Dito ang control room ng mga nang-aalipin
sa bansa. Kapag binura ito sa mapa, aangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Sa Makati Business District nagaganap ang lahat ng transaksiyong
pinansiyal sa bansa. Umiikot ang pera sa maliit na mundong ito bago
ideposito sa bangko o ipambili ng mga sapi (shares) ng mga kumpanya.
Dito nag-oopisina ang mga pulitiko, negosyante, dayuhang mangangalakal
at embassy ng ibang bansa. Tinangka nilang alisin ang tatak ng kahirapan
sa kanilang paligid sa pagtatayo ng mga mall, walkway, matataas na
gusali at mga eksklusibong subdibisyon upang ang mga tao dito ay matutong
kumilos at magsalita tulad ng mga iniidolo nilang banyaga. Nagpapaambon
sila ng mumo sa ilan nilang batang empleyado para may pambayad sa
mga itinayo nilang kapihan.
Dito hinuhulma ang mga desisyong bumabago sa kapalaran ng mga Pilipino
tulad ng pagbawi ng free text sa mga cellphone, pangangamkam ng lupa
sa probinsiya para gawing golf course, panunuhol sa mga pulitiko at
pagdebelop ng mga nakakabobong advertisement para maganyak ang mga
tao na bumili nang bumili ng mga gamit na hindi nila kailangan sa
buhay.
Hindi simbahan, paliparan o mga mall ang dapat bantayan ng mga pulis
upang masawata ang banta ng terorismo. Kung mayroon lamang isang tunay
at matalinong terorista sa bansa, ang uunahin niyang target ay ang
oil depot sa Pandacan. Tiyak itong lilikha ng ligalig na walang kaparis.
Kung naging seryoso lamang si Mayor Atienza na ilipat ang oil depot
sa labas ng Metro Manila, kahit wala ang kanyang mga 'beautification
projects' ay kikilalanin pa rin siyang epektibong lider sa pagligtas
sa buhay ng mga tao sa siyudad.
Kung paano nagkaroon ng oil depot na isang dipa lamang ang layo sa
mga residente ng Maynila ay maaaring maging iskandalo sa ibang bansa
pero itinuturing itong normal na kaganapan dito sa Pilipinas. Baka
napakalaki ng binabayad ng mga kumpanya ng langis sa gobyerno upang
ipagwalang-bahala na lang ang mga masamang idudulot ng oil depot tulad
ng polusyon sa kapaligiran. Halos araw-araw ay may hinihimatay sa
PUP dahil sa kemikal na nasisinghot ng mga estudyante mula sa oil
depot.
Mula nang sumabak tayo sa gera laban sa terorismo ay araw-araw ng
malaking banta sa buhay ng mga taga-Maynila ang pagsabog ng oil depot.
Minsan biniro ng isang kaibigan na kaya agresibo ang pagdebelop ng
reclamation area sa Manila Bay ay upang maging reserbang siyudad sakaling
lumubog ang Maynila sa pagsabog ng oil depot.
Pero hindi man lumiyab ang oil depot, simbolo pa rin ito ng pangingibabaw
ng Kapital sa lipunan. Sa malimit na pagtaas ng presyo ng krudo at
ang kasunod nitong implasyon ng presyo ng mga pangunahing produkto
sa palengke, itinuturo nito ang walang dangal na kutsabahan ng pamahalaan
at mga ganid na negosyante na lalong ibaon sa kahirapan ang mamamayan.
Kahanay ng oil depot sa ilog Pasig ay ang Malacanang Palace. Sa ibang
bansa ang bakas ng kolonyal o pyudal na paghahari tulad ng mga palasyo
ng mga Imperyo o mga Katedral ay ginagawang museo upang maging midyum
ng pagtuturo ng kasaysayan sa bagong henerasyon. Sa Pilipinas, ito
ay hinahayaang gumuho, ginagawang bus terminal o kaya'y patuloy na
ginagamit tulad ng Malacañang at Palacio del Gobernador na
opisina ngayon ng Comelec.
Mula noon at lalo na ngayon, ang Malacañang at kahit ang Palacio
del Gobernador ng Comelec ay kumakatawan sa elitistang kapangyarihan,
kasakiman at kababawan sa bansa. May monopolyo ang Malacañang
sa pananagutan kung bakit nasa primitibong yugto pa rin ng pag-unlad
ang Pilipinas.
Ang opisina ng pangulo sa Palasyo ay walang ipinag-iba sa bahay ni
Vito Corleone. Dito pinagpapasyahan kung paano hahatiin ang yaman
ng bansa sa mga galamay, kaibigan at kapamilya ng Presidente. Hindi
puwedeng sumulong ang operasyon ng iba't ibang sindikato sa bansa
kung walang ayuda ng Malacañang.
Sa Palasyo niluluto ang maiitim na iskema upang palabuin ang minoryang
kontrol sa nakakarami. Bihirang matugunan ang pulso ng tao pero may
direct line ito sa kaunting daing ng Makati Business District at mga
dayuhan. Hindi man ito ngayon pribilehiyong opisina ng mga abugado't
may pinag-aralan tulad ng dati, Palasyo pa rin ito ng mayayaman.
Ang kasalukuyang residente nito ay may islogan na gawing Matatag
na Republika ang Pilipinas. Araw-araw ko itong pinagtatawanan dahil
dudurugin daw ang mga kriminal pero isang kalye lamang ang layo ng
Malacanang sa bilihan ng pinakamalaking koleksiyon ng mga piniratang
VCD-DVD sa bansa at nasa harap lamang nito ang Recto Avenue: ang pabrika
ng mga pekeng diploma, resibo, transcript of record, notaryo at thesis.
Tiyak na magdiriwang ang bansa sa pagbagsak ng Makati Business District,
oil depot at Malacanang. Hindi naman ito isang utopia sapagkat sa
loob at labas mismo ng pugad ng kasamaan ay may tago at lantarang
buhay na pagtutol/paglaban/pag-aklas ng mamamayan.