NOONG HULYO 4, Linggo, naraanan ko matapos mamalengke ang
Charlie's Music Store and Sporting Goods sa Plaza Pacita. Kagaya ng
sinasabi ng pangalan nito, isa itong tindahan ng mga kagamitang may
kinalaman sa musika-mula kuwerdas ng gitara hanggang gitara mismo
at maging keyboard at mikropono-pati na mga medyas na pangmanlalaro
at iba pang gamit sa palakasan. Dito ako bumibili ng kuwerdas para
sa aking gitara.
Noon lamang 2002, ikalawang taon ni Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang,
hinding-hindi mo makikitang bukas kapag Linggo ang Charlie's Music
Store and Sporting Goods. Nagulat na lamang ako isang araw ng Linggo
noong nakaraang taon, nang maparaan ako't makita kong bukas ito.
Naalaala ko ang insidenteng iyan noong Hulyo 4.
Naalaala ko ring noong ako'y nasa haiskul (1990-94), pagkagaling
mo sa simbahan sa Linggo ng Palaspas (simula ng Semana Santa), dapat
ay magsimula ka nang mamili ng mga kakainin mo at ng iyong mga kasambahay
hanggang sa Sabado de Gloria, at kung aabutin ka ng tanghali ng Miyerkules
Santo nang wala pang anumang nabibili ay dapat ka nang ituring na
isang napakalaking gago sapagkat ilang sandali pa'y magsasara na ang
lahat ng tindahan at magbubukas na lamang uli sa Pasko ng Pagkabuhay.
Ngunit ngayon, halos hindi mo na kailangang mamili para sa Semana
Santa sapagkat karamihan sa mga tindaha'y nananatili nang bukas hanggang
sa ikatatlo ng hapon sa Biyernes Santo (na siyang oras ng kamatayan
ni Kristo ayon sa Kristiyanong alamat), at sa Sabado de Gloria'y may
ilan nang tindahang nagbubukas.
Sino ba naman ang taong ayaw magpahinga nang kahit isang araw man
lamang sa bawat linggo? Kaya naman dati-rati, kapag naputulan ng kuwerdas
ang iyong gitara sa araw ng Linggo at wala kang alam na bilihan ng
kuwerdas liban sa Charlie's Music Store and Sporting Goods sa Pacita
Complex ay magtiis kang huwag maggitara nang isang buong araw; at
makuntento na lang muna sa pagsisisi sa iyong kawalang-ingat, dili
kaya'y sa iyong pagpapabaya kahit na nakita mo nang kalawangin ang
isa mong kuwerdas at dapat ay ipinaghanda mo na ng kapalit.
Ngunit ngayon nga'y bukas ang Charlie's Music Store and Sporting
Goods kahit Linggo, kung paanong kayraming tindahang nananatiling
bukas hanggang sa diumano'y oras ng kamatayan ni Kristo na dati'y
hindi naman gayon.
Ang kaisa-isang araw ng pagpapahinga ay hindi basta-bastang isasakripisyo
ng isang may negosyo o trabaho nang walang matinding kadahilanan kung
matagal nang nakagawian ang pagkakaroon nito. Gayundin, karamihan
sa mga Pilipino'y kilalang mapagpahalagang lubos sa kalendaryo ng
Kristiyanismo, at hindi basta-bastang magnenegosyo o magtatrabaho
sa Semana Santa kung walang mabigat na pangangailangan.
Ang malinaw ay patindi nang patindi ang pangangailangan ng karaniwang
Pilipino sa perang pang-agdong-buhay sa araw-araw.
Noong 2001, ayon kay Danilo Araña Arao ng UP College of Mass
Communication at Bulatlat.com, ang isang karaniwang pamilyang Pilipino
(may anim na kasapi) ay nangangailangan ng dalawang minimum wage earner
upang mabuhay nang maayos sa araw-araw. Sa isang artikulong ginawa
niya ngayong taon lamang, na batay sa pagsusuri sa datos ng mismong
gobyerno, lumilitaw na maaaring hindi na sumapat sa isang karaniwang
pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng tatlong wage earner upang mabuhay
nang maayos ang mga kasapi nito sa isang araw.
Pababa nang pababa ang halaga ng piso laban sa dolyar dahil patuloy
ang paglobo ng ating utang panlabas (mahigit nang $50 bilyon noong
nagdaang taon at hindi bumababa).
Talaga namang magkakaganito dahil tayo'y nabubuhay sa ilalim ng patakarang
pang-ekonomiyang isinalaksak ng International Monetary Fund at World
Bank sa ating mga lalamunan: ang pagkatali sa pagluluwas ng mga hilaw
na sangkap at pag-aangkat ng mga kasangkapang bahagyang-nayari (semi-processed
goods). Sapagkat may karagdagan nang lakas-paggawang nakapaloob sa
kasangkapang bahagyang-nayari, di kasi'y higit talaga itong mahal
kaysa mga hilaw na sangkap. Lagi't laging higit na malaki ang ginagastos
natin sa pag-aangkat kaysa kinikita natin sa pagluluwas.
Patuloy na nauubos ang ating reserbang dolyar kaya't kailangang patuloy
tayong mangutang upang mapunan ang bawat dolyar na lumabas ng bansa.
Dahil dito, paliit nang paliit ang nabibili ng bawat pisong hawak
natin, at kailangang madagdagan nang madagdagan ang ating kinikita
upang manatili ang ating kakayahang bilhin ang mga pangangailangan
natin.
Sa ating maliliit na negosyante, ang paraan upang malutas ang ganyang
suliraning likas sa ilalim ng sistemang neokolonyal ay magbukas ng
kanilang mga tindahan sa mga araw kung kailan hindi naman sila dating
nagbubukas.
Salamin ng katotohanang ito ang karanasan ng Charlie's Music Store
and Sporting Goods.