SA PAGLABAS ng isyung ito ng Tinig.com ay halos isang
buwan na mula nang ganapin ang Halalan 2004. Halos isang buwan na,
at hanggang ngayo'y wala pa ring malinaw na kinalalabasan ang napakabagal
na bilangan, na ayon kay Ka Dan Vizmanos--aktibista at dating kapitan
ng Hukbong Pandagat--ay tila siyang pinakamabagal na kanyang nasaksihan
(lahat daw ng presidente'y nakita niya magmula kay Quezon).
Ito ang pinakabagong kabanata ng isang eleksiyong hindi
pa man nagaganap ay wala nang kredibilidad.
Paano magkakaroon ng kredibilidad ang isang eleksiyong ang isa sa
mga nangasiwa ay nasangkot sa pagbabawas ng boto ni Nene Pimentel
sa halalang pansenador noong 1995? Paano magkakaroon ng kredibilidad
ang isang eleksiyon kung saan ang isang public information officer
ng Commission on Elections ay natanggal sa kanyang puwesto matapos
niyang ilantad ang sunud-sunod na diumano'y paglabag ni Gloria Macapagal-Arroyo--nakaupong
pangulo na kuwalipikadong kumandidato sa pagkapangulo (at kumandidato
nga rito) dahil naluklok hindi sa pamamagitan ng pagkakahalal kundi
sa pamamagitan ng isang aklasang-bayan--sa batas panghalalan?
Dahil dito'y nagiging kapani-paniwalang labis ang mga
paratang na nagkaroon ng malawakang dayaan sa halalang nagdaan. At
ang pagkakaganap daw ng malawakang dayaan ay isang bagay na inamin
ng mismong mga opisyal ng Namfrel (National Citizens' Movement for
Free Elections) na sina Carmen Benares at Hadji Dalidig.
Habang may matinding dahilan upang maghinalang muling
sinasalaula ng ilang gahaman sa kapangyarihan at pribilehiyo ang saloobin
ng sambayanan, isang istasyon sa telebisyon ang nagbuhos ng malaking
oras sa pagbabalitang ang isa nilang brodkaster at ang isa sa mga
nanalong kandidato sa pagkasenador ay magkarelasyon pala. Para bang
ang malatelenobelang relasyong ito ay higit pang mahalaga sa mga posibleng
gawin sa bansa ng isang "huwad na rehimen," sa isina-Pilipinong
wika ni Bro. Eddie Villanueva.
Kami sa patnugutan ng Tinig.com ay ganap na walang pagpapahalaga
sa ganitong balita, na binabanggit lamang namin upang idiin ang antas
na kayang marating ng kabangkarutihang pangkaisipan.
Mapapansin ninyo, mga ginigiliw na mambabasa, na wala
kaming inilabas na isa man lamang na artikulo tungkol sa senador at
sa brodkaster na tinutukoy, na ni hindi namin magawang banggitin pa
ang mga pangalan sa pangambang tuluyang bumaligtad ang aming sikmura
at masayang ang aming kinain, na binili gamit ang perang pinagtrabahuhan.
Sa halip ay pinili namin ang maglathala ng mga akdang
tungkol sa kabayanihan at sa mga bayani, di lamang dahil habang sinusulat
ito (Hunyo 1) ay nalalapit ang isang araw na iniuugnay sa mga ito,
kundi sapagkat ang kagyat na kasalukuya'y isa na namang panahong humahamon
sa ating mga kabataan at iba pang mamamayan na gumawa ng kabayanihan.
Kabilang sa mga ito ang isang artikulo tungkol sa mga
taong nabilanggo hindi dahil sa pagiging kriminal kundi dahil sa pakikipaglaban
upang magkaroon ng matinong buhay ang sambayanan, tulad ni Donato
Continente. May artikulo din hinggil kay Isaias Drummond Manano, na
dahil sa kanyang pagsusulong ng alternatibong pulitika sa Mindoro
ay pinaslang ng militar. Mayroon din ditong isang artikulong tungkol
sa isang buhay na bayani ng pakikibaka ng Kaigirotan, si Joan Carling.
Inilathala din namin ang isang talumpating binigkas
sa isang parangal kay Jose Maria Sison, na bagama't tinatawag na terorista
ng ating pamahalaan ay itinuturing namang buhay na bayani ng di-iilang
tao.
Sa aming palagay ay mga buhay at nagawa ng ganitong
mga tao ang dapat na itampok, hindi ang mga relasyon ng mga kung sinong
aywan kung nakukulangan pa ba sa pansing dapat nilang ipagpasalamat
at ibinibigay na sa kanila ng madla bago pa man mabunyag ang kanilang
relasyon.
Samantala'y hindi natin pinababayaan ang eleksiyon.
Narito ang mga artikulo at pahayag tungkol sa karumihan ng eleksiyong
naganap.
Ibinabahagi rin namin ang isang pahayag ng Filipino
Youth for Peace na kamakaila'y lumabas sa INQ7.net.
Bukod pa rito'y may mga artikulo tungkol sa iba pang
interesanteng mga paksang nakasasakop sa buhay ng kabataan, at hindi
mawawala ang mga piyesang pampanitikan.
Gusto naming isiping sa kakapalan ng Tinig.com v38 ay
ganap na naming napunan ang kanipisan ng isyung nagdaan. Maligayang
pagbabasa!