TULA
Tri-in-wan

Umupo tayo sa labas ng canteen
sa ilalim ng kulay rosas na ulap,
at pinasalamatan ang nakaimbento ng tri-in-wan
na kapeng pinagsasaluhan natin.
Tri-in-wan. Tipid sa oras, tipid sa barya-
bagay sa mga tulad nating nagmamadali sa buhay.

Hinabol natin ang init ng usok ng kape.
Habang maingat na dumadaan sa pisngi natin
ang malamig na hangin.
Habang taimtim ang panalangin ng mga puno
sa paligid natin.
Habang umaalpas tayo sa ating panahon.

Isa-isa nating inalok ng higop sina Voltes V, Daimos,
Astroboy, pati na si Rainbow Brite na
pinagdudahan pa natin ang kasarian.
Aaaah. Iba talaga ang lasa ng kabataan
(na pinatamis pa ng iyong halakhak).

Inawit natin ang mga hele ni Itay.
Namasyal sa mga palasyo. Nagtatatakbo.
Natulog sa 'ting bahay-bahayan.

Naglangoy tayo sa pag-asa't pangarap.
Nilampasan natin ang batas ng alon.
At tuluyan tayong kumawala. Ikaw at ako.

…at nakapagtatakang
wala pa rin tayong sagot sa ating mga tanong.

Pagkatapos ng kapeng ito,
babalik na tayo sa ating pinanggalingan,
kung saan tayo na ang pinagsasaluhan ng mga buwitre.
Kaya lasapin mo nang maigi ang bawat higop
niyang tri-in-wan na kape.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan