TULA
Halo-halo

Recess.
Humudyat ang bagtingan
lumabas ng kampus si Nena
mahal kasi ang isnaks sa kantin
doon na lamang siya sa hikaing
tindera ng halo-halo
upang patdin ang kanyang uhaw
ng mga yelong kiniskis
ng mga bisig na pawis
at inilagay sa baso para
paghalu-haluin ang mga sangkap:
isang kutsaritang asukal at gatas
mula sa kalawanging lata,
langka at ubeng pinaliguan
ng food color
nata de cocong binabad sa apog,
manggang kinalburo at bukong
hinimay ng tansan
ng ginebra,
may dagdag pang gulaman at sago.
guguhit ang lamig nito
sa kanyang lalamunan habang
iniaanod ng laway ang
inembalsamong langaw.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan