Nawala ngayong linggo
ang mga kuwintas ng sampaguita
sa may pintuan ng simbahan:
napalitan ang mga ito
ng mga palmerang palaspas-
matiyagang binurdahan
ng mga papel na bulaklak;
masinop na ipinila sa tabi ng daan,
katabi ng mga nobena, istampita, rosaryo,
at iba pang maaring ipansahod mamaya ng biyaya.
Wala ring nag-iba, dahil
pare-pareho pa rin ang mga nagtitinda
at ang mga pinagbebentahan:
sinasalubong ng mga ale't paslit
ang mga magsisimba't kasisimba lamang-
nagkukumpulan habang umaasang
mapapansin ang paninda nila.
Wala sa altar ang kanilang mga santo,
at may labis na sampumpiso ang kanilang hesukristo.